
Palaging Inaaway ng Asawa ang Magtatahong Ito Dahil sa Maliit Nitong Kita, Isang Surpresa ang Nagpaiyak sa Kaniya
“Ito lang ang kinita mo buong araw pero ubos ang paninda mo? Anong klaseng pagtitinda ‘yan, ha? Limang daang piso sa isang timbang taho? Niloloko mo ba ako?” inis na tanong ni Mariel sa kaniyang asawa, isang hapon pagkauwi nito mula sa paglalako ng taho.
“Eh, mahal, ayan lang talaga ang kinita ko ngayong araw, eh, pasensiya ka na,” malumanay na sagot ni Fernando habang nililinis ang lagayan niya ng panindang taho.
“Baka naman kasi, ipinamigay mo na naman ang paninda mo sa mga pulubing ikinakaawaan mo! Magsabi ka na ng totoo! Kasi nakakapagtaka na sa isang timbang ito, kaunting pera lang ang nalikom mo! Sila Mang Jose nga, nakakaisang libong piso sa isang timba! Minsan, mahigit pa roon dahil kinakauntian nila ang takal!” sigaw pa nito sa kaniya dahilan upang siya’y mapabuntong-hininga.
“Hindi ko kasi matiis, mahal, na makitang kumukulo ang kanilang tiyan at wala akong gagawin upang matugunan ‘yon,” pag-amin niya rito na lalong ikinagalit nito.
“Aba, Fernando! Hindi mo sila obligasyon! Pinili nila ang ganoong klaseng buhay, wala kang kasalanan doon! Isang beses pang magkaganito ang kita mo sa isang araw, wala ka nang uuwiang mag-ina!” bulyaw pa nito sa kaniya na labis niyang ikinatungo.
“Pasensiya na, mahal ko,” tipid niyang sagot upang kumalma na ito, nagsimula na ring magsiiyakan ang nagising nilang anak.
“Huwag ka ring papahuli sa akin! Simula ngayon, mamanmanan na kita sa pagtitinda!” pagbabanta nito, tumatango-tango lamang siya tanda ng pagsang-ayon upang huwag nang humaba ang kanilang pag-aaway.
Ang paglalako ng taho ang kinabubuhay ng padre de pamilyang si Fernando pati na ng kaniyang mag-ina. Simula pa lamang nang siya’y manligaw sa ngayo’y may pamilya na, ito na ang kinabubuhay ng kaniyang pamilya.
Sa katunayan, sa tamis ng kaniyang taho nahulog ang kaniyang asawa. Araw-araw niyang binabalikan ang tagpong iyon upang lalong ganahan sa paglalako ng taho sa kanilang buong lugar.
Naaalala niya pa nga, sinasadya niya talagang tamisan ang tahong binibili nito o kung hindi naman, kaunting arnibal lang ang kaniyang ilalagay para lang siya’y kausapin nito. Sa araw-araw nitong pagbili sa kaniya, hindi na siya nakatiis at ito’y kaniya na niyang niligawan at ang mga sumunod na nangyari ay talaga nga namang nagbunga pa nang masasayang alaala ng kanilang pagmamahalan.
Kaya lang, nitong may anak na sila, nagsimula nang manabang ang kaniyang asawa sa kaniya dahil sa dami ng kanilang problema. Isa sa mga halimbawa nito ay ang kaunting kita niya sa pagtitinda na hindi sapat sa kanilang mga pangangailangan.
Halos kalahati kasi ng kaniyang panindang taho, pinamimigay niya sa mga taong kalye partikular na sa mga batang naiinggit sa mga may kayang bata na bumibili sa kaniya.
Nais man niya itong pigilan dahil nga hirap din siya sa buhay at kailangang kumita ng pera, hindi niya mawari kung bakit hindi niya ito magawang tanggihan dahilan upang kakarampot na kita lang ang kaniyang malikom at ito madalas ang nagmimitsa ng away nilang mag-asawa.
Kinagabihan noong araw na ‘yon, dahil sa inis, hindi tumabi sa pagtulog ang asawa niya sa kaniya na labis niyang ikinalungkot. Wika niya sa sarili, “Pangako, gagawin ko na ang lahat upang maging malaki ang kita ko bukas, ayoko nang ganito kami ng asawa ko.”
Kaya naman, kinabukasan, maaga siyang nagising at nagpunta sa kinukuhanan niya ng taho. Agad siyang nagpunta sa parke kung saan maraming tao. Sa halos humigit isang oras niyang nakatambay doon, talaga nga namang pumatok ang kaniyang paninda.
Maya-maya, may isang matandang lumapit sa kaniya. May bitbit itong sako, butas-butas ang damit, at walang saplot sa paa dahilan upang labis siyang maawa rito. Ngunit pagtingin niya sa likuran nito, nandoon ang kaniyang asawa habang masamang nakatingin sa kaniya na labis niyang ikinakaba.
“Hijo, may taho ka pa?” tanong nito sa kaniya.
“Ah, eh, mayroon pa po, lola, bibili po kayo?” uutal-utal niyang sambit dahil sa presensya ng kaniyang asawa.
“Wala akong pera, eh, baka pupwede naman akong makahingi kahit isang baso lang. Kagabi pa ako hindi kumakain, eh, nanghihina na ang mga tuhod ko sa gutom,” daing nito na labis na tumagos sa puso niya.
“Wala pong problema!” sagot niya saka agad na hinanda ang taho nito, “Bahala na, mag-away na lang tayo mamaya. Hindi ko talaga matiis, eh,” sambit niya sa sarili nang makitang iiling-iling na ang asawa.
Laking gulat niya nang bigla siyang abutan ng matanda ng isang libong piso bilang kabayaran sa tahong binigay niya.
“Nasa telebisyon ka, hijo, ayon ang kamera, o, nais ka naming imbitahin sa isang programa. Balitang-balita sa lugar niyo ang kabaitan mo. Hayaan mong kami naman ang tumulong sa’yo!” sambit ng matandang iyon na labis niyang ikinaiyak. Bigla naman niyang nakitang umiiyak din sa likuran ang asawa niyang kasabwat pala sa surpresang iyon.
Naimbitahan nga siya sa isang programa sa telebisyon at binigyan nang malaking halagang pera upang makapagpatayo ng sarili niyang tahuan sa tapat ng isang eskwelahan na talaga nga namang nagbigay ng malaking tulong sa kaniyang pamilya.
Wika niya, “Kapag talaga bukal sa puso ang pagtulong, hindi ka talaga mawawalan. Salamat, Panginoon, palagi Mong pinapalambot ang puso ko,” iyak niya habang pinagmamasdan ang kaniyang tahuan at yakap-yakap ang kaniyang mag-ina.