
Ipinatapon ng Dalagang Ito sa Tagong Lamesa ang Mahirap na Pamilya, Kahihiyan ang Idinulot Nito sa Kaniya
“Jessa, ikaw ba ang nagpaupo sa pamilyang ‘yon doon sa gitna?” masungit na tanong ni Aira sa isa sa mga empleyado ng pinamamahalaan niya sa restawrang pinagtatrababuhan.
“Opo, ma’am, bakit po?” tanong nito habang bitbit-bitbit ang ibibigay na tubig at mga baso sa pamilyang tinutukoy niya.
“Tingnan mo nga kung bagay sila roon! Hindi, ‘di ba? Tingnan mo ang itsura nila, ang sisimple ng damit! Ang dungis-dungis at ang gulo-gulo pa ng mga batang kasama nila! Panigurado, kakaunti lang din ang oorder-in ng mga ‘yan. Makakaabala pa sa mga ibang mayayamang kustomer!” bulyaw niya rito dahilan upang labis itong mapahiya at maagaw niya ang atensyon ng iba pang empleyado roon.
“Pasensiya na po, ma’am, nawala po sa isip ko,” nakatungong sagot nito.
“Dalian mo, ilipat mo sila rito sa may gilid!” wika niya saka itinuro ang isang lamesang hindi kalayuan sa kinakakatayuan niya.
“Ayos lang po ba ‘yon kahit katapat nila ang palikuran?” tanong nito na lalo niyang ikinainis.
“Sa mga mahihirap na katulad nila, hindi nila ‘yon alintana! Mabuti pa nga at tinanggap natin sila sa ganitong klaseng restawran!” sigaw niya pa rito dahilan upang ito’y mataranta.
“Si-sige po, ma’am, pasensiya na po,” wika nito saka agad na nagtungo sa pamilyang iyon.
Isang tagapamahala o manager sa isang mamahaling restawran ang dalagang si Aira. Bata pa lamang siya nang pangarapin niya nang magkaroon ng sarili niyang restawran balang araw. Ito ang dahilan upang ganoon na lang siya magsikap sa pag-aaral simula noong nasa elementarya pa lamang siya.
Buong akala niya, pagkatapos niyang mag-aral sa hayskul, masisimulan na niya ang pangarap niyang ito sa kolehiyo kung saan niya nais kumuha ng kursong tungkol sa pagnenegosyo sa Maynila.
Ngunit, dahil sa hirap ng buhay, napilitan siyang mag-aral sa isang unibersidad malapit sa kanilang tinitirhan at pagtiisan ang libreng kurso roon.
Mabuti na lang talaga at may relasyon sa pangarap niyang magkaroon ng sariling restawran ang kurso niyang iyon dahilan upang pagkatapos niyang mag-aral, agad siyang nakuha bilang isang manager sa isang sikat at mamamahaling restawran.
Hindi man niya pagmamay-ari ang restawran iyon, pakiramdam niya’y hawak niya ang bawat tao roon dahil nga siya ang namamahala rito.
Tuwang-tuwa siya sa tuwing napupuno ng mayayamang tao ang restawrang iyon, pakiwari niya, nakadadagdag ito sa pagkatao niya at sa pag-abot ng kaniyang pangarap. Sigurado kasi siyang makatatanggap ng bonus sa ganitong pagkakataon.
Upang mapanatili ang ganda ng kanilang restawran, sa tuwing may kakain doong mga kustomer na hindi kagandahan ang suot, agad niya itong pinapatapon sa tapat ng palikuran, malayo sa mga mayayamang kustomer. Palagi niyang katwiran, “Upang hindi maabala at mawalan ng gana ang mga mayayaman, dapat ihiwalay ang mga madudungis.”
Noong araw na ‘yon, pagkalipat ng mag-anak na pinag-initan niya sa tapat ng palikuran, nanlaki ang mata niya nang makita ang dami ng in-order ng mga ito na pagkain.
“Sigurado ka bang may pangbayad sila?” pang-uusisa niya sa kausap na empleyado nang makita niya ang haba ng resibo ng mga ito.
“Opo, ma’am, ‘yan daw po talaga ang gusto nilang kainin,” takot na sagot nito.
“Mukhang gustong makaganti ng mga ito dahil pinatapon ko sila sa tapat ng palikuran, ha? Sige, tingnan natin ang taba ng bulsa niyo. Kapag mahihirap talaga, mayayabang kapag nakakain sa ganitong klaseng restawran!” sigaw niya saka niya na pinagawa ang mga pagkain nito sa kanilang mga kusinero.
Maya-maya pa, handa na ang lahat ng mga pagkain ng pamilyang iyon. Sumama siya sa paghahanda ng mga pagkain saka niya pinaringgan ang padre de pamilyang andoon.
“Baka wala kayong pambayad, ha? Hindi na uso ang maghuhugas ng pinggan kapag walang pangbayad,” pagpaparinig niya.
“Alam mo, kanina ko pa napapansing hinuhusgahan mo ang pamilya ko. Magkano ka ba? Gusto mo bang bilhin kita?” galit na sambit nito dahilan upang maagaw ang atensyon ng ibang nakain doon.
“Huwag naman po kayong mag-eskandalo rito, nakakahiya sa mga mayayamang kumakain,” sagot niya dahilan upang mainis ito.
Tatayo pa lang sana ito bunsod ng pagkainis sa kaniya nang awatin ito ng isa sa mga pinakamayamang negosiyanteng kumakain noong mga oras na ‘yon.
“Boss, pagpasensyahan niyo na po,” wika nito na ikinagulat niya, “Ah, ma’am, baka hindi niyo po kilala si sir, siya ang may-ari ng sampu sa pinakasikat na kumpanya rito. Kasosyo ko siya sa isa kong negosyo,” dagdag pa nito na labis niyang ikinahiya.
“Kahit na hindi niya ako kilala, hindi siya dapat ganiyan sa mga kustomer! Mahirap man o hindi, kailangan niyong serbisyuhan nang pantay!” galit na sigaw nito saka agad na tinawagan ang may-ari nito.
Kabang-kaba siya habang kinakausap ng lalaking iyon ang kanilang boss at katulad ng inaasahan niya, siya’y agad na tinanggal nito.
“Hindi tama ang ginagawa mo. Alam kong may pangarap ka, pero huwag mo sanang ugaliing tumapak ng ibang tao para lang maabot ang pangarap mo,” wika nito sa kaniya na labis niyang ikinahagulgol.
Muli man siyang nagsimula sa umpisa, ni hindi alam kung saan magpupunta, naitama naman ang maling pag-uugali niya.