
Nais Tuldukan ng Ginang na Ito ang Ipinagbubuntis ng Anak upang Makalipad Patungong Ibang Bansa, Matuloy Kaya Ito?
“Ano, Liza, buntis ka?” tanong ni Lydia sa kaniyang anak, isang umaga nang marinig niyang nagkukwentuhan ang dalawa niyang nakatatandang anak.
“O-opo, mama,” nakatungong sambit nito saka iniabot sa kaniya ang ginamit nitong pregnancy test.
“Diyos ko naman, Liza! Kung kailan pabalik ka na sa Japan, ngayon ka pa nagpabuntis! Alam mo namang ikaw na lang ang inaasahan ko, hindi ba? Paano na ang pamilya natin ngayon?” inis na tanong niya rito saka itinapon sa basurahan ang naturang pregnancy test.
“Hindi ko po alam, mama, naguguluhan na po ako,” sagot nito habang unti-unti nang naluluha.
“Ipala*glag mo ‘yan! Sinasabi ko sa iyo! Kawawa ang mga kapatid mo! Ano, gusto mo na namang maranasang kumain ng tubig-asin at kanin, ha?” pangongonsensya niya rito.
“Hi-hindi po, mama,” uutal-utal na sagot nito sa gitna ng mga paghikbi.
“Pwes, ipala*glag mo ‘yan!” utos niya saka ito kinaladkad palabas.
“Pero, mama, matagal ko na pong pangarap na magkaanak. Tatlongpung limang taon na rin po ako mama, baka hindi na ako magkaanak ulit dahil sa pagkatanda ko,” tugon nito na lalo niyang ikinainis.
“Uunahin mo ‘yan kaysa sa amin ng mga kapatid mo?” taas-kilay niyang tanong rito.
“Hindi ko po alam,” tipid nitong sagot habang umiiyak.
“Diyos ko! Iuntog mo nga ‘yang ulo mo!” sigaw niya saka siya nagkulong sa silid upang bahagyang kumalma.
Labis na nadismaya ang ginang na si Lydia nang malamang nagdadalang tao ang tanging anak na kaniyang nasasandalan sa buhay. Bukod sa ito ang panganay sa kaniyang apat na anak, ito rin ang siyang sinuwerte na makapagtrabaho sa abroad dahilan upang ganoon niya na lang iasa ang lahat ng responsibilidad dito.
Isang mang-aawit at mananayaw sa Japan ang kaniyang anak na kumikita ng humigit kumulang isang daang libong piso kada buwan bukod pa ang mga tip na binibigay dito ng mga Hapon na kustomer sa bar na pinagtatrababuhan nito.
Ito ang dahilan upang ganoon agad na umangat sa buhay ang kanilang buong pamilya. Kung dati’y wala silang maayos na bahay at laging tubig-asin ang kanilang ulam, ngayo’y nagkaroon sila ng bahay at lupa at laging nakakakain ng masasarap na pagkain araw-araw.
Kaya ganoon na lang ang takot niyang muling maghirap nang malamang nabuntis ang kaniyang anak nang minsan itong umuwi rito sa Pilipinas sa loob ng limang taong pamamalagi nito sa Japan.
Noong araw na ‘yon, tanging pag-iyak ang kaniyang nagawa sa silid habang pinakikinggan ang paghagulgol ng kaniyang anak. Narinig niyang wika nito sa pangalawa niyang anak, “Gusto ko na bumuo ng sariling pamilya pero hindi ko magawa dahil sa responsibilidad ko sa pamilyang ito,” dahilan upang labis siyang makonsensya, “Bahala na, magalit na si mama pero hindi ko ipapala*glag ito,” dagdag pa nito dahilan upang ganoon na lang siya mapabuntong-hininga.
Itinuloy nga ng kaniyang anak ang pagbubuntis kahit na alam nitong siya’y galit. Isang araw, habang siya’y namamahinga sa sariling silid, kinausap siya ng pangalawa niyang anak na babae rin.
“Mama, hindi makabubuti sa pagbubuntis ni ate ang pagiging problemado niya dahil sa sama ng loob mo. Sana kung paano mo siya suportahan noong nag-uumpisa pa lang siyang kumita ng malaking pera, ganoon mo rin siya suportahan sa pangarap niyang buhay ngayon. Mabait naman at matiyaga ang mapapangasawa niya, mama, tanggapin mo na sila,” sambit nito dahilan upang ganoon na lang siya mapaisip.
Doon niya napagtantong hindi niya dapat pinipigilan ang kaniyang anak sa pangarap nitong magkapamilya dahil lang sa responsibilidad na dapat siya ang tumutugon bilang isang ina.
Ito ang dahilan upang ganoon siya mag-isip ng paraan kung paano siya kikita ng pera kahit nasa bahay lamang siya.
Gamit ang perang naipon niya mula sa mga padala ng kaniyang anak, nagtayo siya ng sari-sari store sa harap ng kanilang bahay na talaga nga namang naging mabenta dahil nag-iisa lamang ito sa kanilang lugar.
Hindi niya rin natiis ang anak hindi kalaunan. Inalagaan niya ito habang nagtatrabaho ang asawa nito. Hanggang sa ito’y manganak, siya ang nasa tabi nito at halos mapahagulgol siya nang makitang malusog ang isinilang nitong sanggol.
“Sa wakas, nakagawa rin ako ng mabuting desisyon para sa anak ko. Ang pagtanggap ko sa sanggol na ito ang isa sa mga pinakamalaking biyayang natanggap ko at ng anak kong may katandaan na rin,” maluha-luha niyang sambit.
Hindi man kasing engrande ng buhay nila noon ang mayroon sila ngayon, masaya naman siyang makitang natupad na ang matagal na pinapangarap ng kaniyang panganay na anak.