Inday TrendingInday Trending
Hindi Naniniwala sa Diyos ang Doktor na Ito, Isang Pangyayari ang Nagtulak sa Kaniya sa Panginoon

Hindi Naniniwala sa Diyos ang Doktor na Ito, Isang Pangyayari ang Nagtulak sa Kaniya sa Panginoon

“Half day daw tayo ngayon dahil gagawin ‘tong silid natin, nabalitaan niyo na ba?” tanong ni Fred sa mga nars na nadatnan niyang abala sa pag-aayos ng mga gagamitin niya sa kaniyang operasyon ngayong araw.

“Opo, doc!” sabay-sabay na sagot ng mga ito na may ngiti sa mga labi.

“Aba, bakas na bakas sa mga mukha niyo ang kagalakan, ha? Siguro may lakad na naman kayo mamaya, ano? Madadaya naman kayo, palagi niyo akong hindi sinasama!” sambit niya dahilan upang bahagya mahiya ang mga ito.

“Gusto niyo po ba, doc? Alam po kasi naming lagi kayong abala sa mga pribado niyong pasyente kaya hindi ka na po namin nayayaya. Gusto niyo pong sumama sa amin ngayon? Sakto, Linggo po ngayon, may sermon ang paborito naming pastor!” alok ni Marissa, isa sa mga naturang nars habang masusing nililinis ang gunting na kaniyang gagamitin.

“Ay, magsisimba ba kayo? Akala ko pa naman kakain ulit kayo roon sa sikat na restawran sa Maynila,” tugon niya nang may pagkadismaya.

“Kakain po kami pagkatapos ng sermon. Sumama na po kayo sa amin!” magiliw na sagot pa nito.

“Ayoko, kayo na lang. Ngayong doktor na ako at malawak na ang kaalaman ko sa siyensya, hindi ko na magawang maniwala riyan sa Diyos niyo. Gawa-gawa lang ng mga pari at pastor ang mga sinasabi nila,” wika niya na ikinatahimik ng mga nars na naroon.

Simula nang lubusang maunawaan ang mga hindi maipaliwanag na bagay gamit ang siyensya, hindi na magawang maniwala sa makapangyarihang nilalang ang binatang si Fred na ngayon ay isa nang ganap na doktor.

Kung dati ay panay ang pagsisimba niya tuwing Linggo at gabi-gabing nananalangin sa Maykapal upang gabayan siya sa kaniyang mga pagsusulit noong siya’y nag-uumpisa pa lamang sa pag-aaral, buong kabaliktaran nito ang ginagawa niya sa ngayon.

Imbis na Diyos at bibliya ang kaniyang paniwalaan, sarili at mga libro tungkol sa siyensya ang kaniya ngayong tila sinasamba. Wika niya pa nang minsan siyang yayain ng ina na mag-aral ng bibliya, “Wala namang pruweba na mayroon talagang Diyos, mama, bakit nag-aaksaya ka pa ng oras na magbasa araw-araw ng bibliya? Hindi ka ba napapagod? Wala ka namang nahihita riyan,” na labis na ikinagalit ng kaniyang ina.

Kahit pa ganoon, nanindigan pa rin siyang hindi totoo ang Diyos kaya sa tuwing niyaya siyang magsimba ng ilan sa mga nakasusundo niyang doktor o nars, palagi niyang tinatanggihan ang mga ito.

Pagkatapos ng operasyon niya noong araw na ‘yon, agad na siyang umuwi habang ang kaniyang mga nars ay nagtungo sa simbahan. Napailing na lang siya nang makitang sabik na sabik makinig ng sermon ang mga nars na ito.

“Parang mga hindi nag-aral, hanggang ngayon, naniniwala sa Diyos,” wika niya saka agad nang pinatakbo ang kaniyang sasakyan.

Pagkauwi niya, bumungad sa kaniya ang nakahandusay niyang ina dahilan upang labis siyang manlamig at manigas. Agad niyang nilabas ang selpon upang tumawag ng ambulansiya ngunit hindi niya magalaw ang kaniyang mga kamay dahil sa labis na kabang nararamdaman.

Mabuti na lang, saktong dating ng kaniyang ama at ito ang humingi ng tulong sa kanilang mga kapitbahay upang maidala sa ospital.

Dahil nga ginagawa ang ibang parte sa ospital na kaniyang pinagtatrababuhan, limitado ang pasyenteng agad na naaaksyuhan dahilan upang mapilitan silang iluwas ito ng Maynila.

Doktor man siya at alam man niya ang kailangang gawin sa kaniyang ina, hindi niya makilos ang kaniyang mga kamay at hindi siya makapag-isip nang maayos dahil sa labis na pagkakaba at takot na mawala ito.

Nakita niya na ring umiiyak na ang kaniyang ama lalo na nang lagyan na ito ng oxygen dahil tila naghihingalo na ito dahilan upang ganoon na lang siya mapahagulgol.

Noong mga oras na iyon, ni hindi niya alam kung sino ang kaniyang tatawagin at hihingan ng tulong. Hindi niya magalaw ang kamay upang humingi ng tulong sa mga kapwa niya doktor dahilan upang ganoon pumasok sa isip niya ang mga nars na masayang nananampalataya sa Diyos.

“O, sige na, makapangyarihan ka na, parang-awa mo na, huwag mo muna kuhanin ang nanay ko,” hagulgol niya habang pinagmamasdan ang kaniyang ina.

Mayamaya pa, tuluyan na silang nakarating sa ospital. Ilang oras pa ang hinintay nilang mag-ama bago lumabas ang doktor na gumagamot sa kaniyang ina.

“Inatake po sa puso si madam, pero sa awa po ng Diyos, hindi po ito ganoon kalala. Kailangan niya lang pong manatili rito ng ilang araw upang maobserbahan,” nakangiting sambit nito dahilan upang siya’y mapalundag na parang bata dahil sa tuwa.

“Salamat, Hesus! Salamat sa iyo!” iyak niya habang tuwang-tuwa niyakap ang ama.

Simula noon, kung paano siya nagmakaawa sa Diyos para maging isa siyang doktor at para mailigtas ang kaniyang ina, ganoon niya araw-araw itong pinagpapasalamat.

Hindi man niya makita sa mata ang Diyos, alam niyang buhay Ito sa puso ng bawat naniniwalang nilalang.

Advertisement