
Walang Ipon Pampaanak ang Lalaking Ito nang Dahil sa Bisyo, Matagumpay Kayang Makapanganak ang Asawa sa Bahay?
“Mahal ko, malapit na ako manganak, hanggang ngayon, wala pa ni isang gamit o kahit baru-baruan ang anak natin. Wala ka pa rin bang sobrang pera hanggang ngayon?” tanong ni Ledy sa kaniyang asawa, isang gabi pagkauwi nito galing pasada.
“Gustuhin ko mang bumili ng mga gamit ng anak natin, wala akong magawa, Ledy. Alam mo namang mahina ang pasada ko ngayon! Mayroon mang kita, siyempre, ipambibili ko na lang nang pangpakain sa iyo kaysa ibili ng mga ganoong bagay!” galit na sagot ni Jerry sa kaniya saka pinaghahagis sa kanilang labahan ang marurumi nitong damit.
“Pasensiya ka na, natanong ko lang naman kasi napansin kong wala pang gamit si baby. May pera naman tayo pangpaanak ko, hindi ba? Saang ospital nga pala ako manganganak, mahal, may naisip ka na ba?” pang-uusisa pa nito na lalo niyang ikinarindi.
“Anong ospital sinasabi mo? Wala nga tayong pera, hindi ba? Dito ka lang sa bahay manganganak!” sambit niya rito dahilan upang ito’y labis na magulat.
“Pero, mahal, delikado na ‘yon sa ngayon,” nag-aalalang wika nito.
“Huwag ka nang maarte, Ledy! Wala nga tayong pera, kung gusto mo manganak sa ospital, tulungan mo akong maghagilap ng pera!” bulyaw niya pa dahilan upang mapatahimik na lang ito at mapahimas sa tiyang kumikirot.
Pamamasada ng jeep ang pinagkakakitaan ng padre de pamilyang si Jerry. Simula nang siya’y magpasiyang makisama sa tatlong taon niyang nobya sa iisang bahay, ang kinikita na niya sa pamamasada ang ginagamit niya upang ito’y mapakain.
Magaan ang buhay nilang dalawa noon. Panay ang kain nila sa labas tuwing pagtapos niyang mamasada ngunit pagsapit ng pandemya, kung saan natagil ang pamamasada niya, roon na siya unti-unting namroblema sa pera.
Bukod sa nawalan na siya ng pagkakakitaan, nalaman niya pang nabuntis niya ang kinakasama niyang ito dahilan upang ganoon na lang siya araw-araw mapaisip kung paano matutugunan ang malaking responsibilidad na ito.
Ngunit, paglipas ng ilang buwan, kung saan bumalik na sa dati ang pamamasada niya sa kalsada, ganoon naman siyang natutong magbisyo kasama ang iba niya pang drayber.
Kada tapos ng kaniyang pamamasada, imbis na sa bahay ang diretso niya upang kamustahin ang asawang buntis, sa bahay pa siya ng tropa dumirekta upang makipag-inuman.
Ito ang dahilan upang wala siyang maipon kahit isang libong piso sa darating na panganganak ng kaniyang asawa. May matitira man sa pera niya, pinagbibili niya ito ng bigas at de latang ulam ng asawa at bayad sa arawang renta ng pinapasada niyang dyip.
Pilit man siyang kumbinsihin nitong magbigay buhay sa ospital, lagi niya itong kinokontra.
“Pwede namang manganak sa bahay, eh, gastos lang kung sa ospital pa!” palagi niyang bulyaw sa kinakasama.
Sa kagustuhang manganak sa ospital ng kinakasama, ito’y napilitang magtrabaho sa isang karinderya, pandagdag sa pangpanganak nito. Sinunod nito ang kaniyang sinabi kahit alam nitong maaaring malagay sa panganib ang sarili at ang kanilang anak na malapit nang lumabas.
Ikinatuwa niya naman ang pagtatrabaho ito ng kinakasama dahil bahagyang mababawasan ang gastusin niya. Wika niya pa, “Mapapalaki na ang ambag ko sa inuman! Sa wakas! Hindi na ako mapapahiya!”
Ngunit, isang araw, halos isang linggo pa lang simula nang magtrabaho ang kinakasama, bigla siyang nakatanggap ng tawag mula sa amo nito sa karinderya, “Dalian mo, Jerry! Dinugo na ang asawa mo!” dahilan upang magmadali siyang magpunta roon at tumawag agad ng kumadronang magpapaanak dito.
Pilit mang nagpapadala sa ospital ang asawa, hindi niya ito inintindi at agad na inuwi sa bahay kung saan naghihintay ang kumadronang tinawagan niya.
Kitang-kita niya ang hirap na dinaranas ng kinakasama sa panganganak dahilan upang ganoon niya lang pisilin ang kamay nito habang panay ang sigaw dahil sa sakit na nararamdaman.
Maya-maya pa, tuluyan na niyang nakita ang buong katawan ng kaniyang anak, hawak-hawak ito ng kumadrona habang tinapik-tapik sa likuran at dibdib.
Labis niyang ikinapagtaka ang hindi pag-iyak nito dahilan upang bitawan niya ang asawa at lumapit dito.
“Ano problema? Bakit hindi siya naiyak?” tanong niya sa kumadrona.
“Hindi ko alam! Dalhin mo na ospital ang mag-ina mo!” payo nito na ikinagulat niya.
“A-anong ibig mong sabihin?” pang-uusisa niya pa.
“Natagtag ang asawa mo sa pagtatrabaho, Jerry! Dalian mo na, tumawag ka na ng ambulansya!” nagmamadaling utos nito dahilan upang siya’y mataranta at humingi ng tulong sa kanilang barangay.
Ngunit bago pa dumating ang ambulansya, tuluyan nang nangitim ang kaniyang anak at hindi na humihinga ang asawa niyang hanggang ngayon, hindi pa natatahi ang ari.
Tumakas na rin ang kumadronang pinagkatiwalaan niya dahilan upang ganoon na lang gumuho ang mundo niya.
Labis na pagsisisi ang kaniyang nararamdaman noong mga oras na ‘yon. Lumong-lumo niyang niyakap ang mag-ina niyang pawang wala ng buhay.
“Kung hindi ko lang sana inuna ang bisyo ko, e ‘di sana, may pera tayo pangpaanak sa ospital, sana buhay pa kayo,” hagulgol niya.
Simula noon, sapilitan niyang itinigil ang bisyo. Wala man siyang uuwiang mag-ina, patuloy niyang pinamalagi ang mga ito sa kaniyang puso’t isipan.