Inday TrendingInday Trending
Kinukunsinti ng Binatang Ito ang Babaerong Kaibigan, Magawa Niya Kaya Itong Itama?

Kinukunsinti ng Binatang Ito ang Babaerong Kaibigan, Magawa Niya Kaya Itong Itama?

“O, Jero, anong ginagawa mo rito sa lugar namin? May dadaluhan ka na namang inuman, ano?” tanong ni Bong sa matalik niyang kaibigan, isang gabi nang makasalubong niya ito sa kanilang eskinita.

“Naku, hindi, pare. Matagal na akong tumigil sa pag-iinom, sumasakit na kasi ang atay ko, eh, kaya mga babae naman ang kinawiwilihan ko ngayon. Alam mo naman, ang mga magagandang lalaking katulad natin, maraming humahabol na babae,” ngingisi-ngising sagot nito habang hinahawi-hawi ang buhok. “Anong ibig mong sabihin?” pang-uusisa niya rito.

“Huwag kang maingay, ha? May isa pa akong nobya rito sa lugar niyo bukod kay Allysa. Natatabangan na kasi ako sa kaniya, eh, hindi ko naman mahiwalayan dahil siya ang nagpapakain sa akin. Pero kapag tuluyan ko nang nakuha ang loob nitong kapitbahay niyo, hihiwalayan ko na ‘yon,” kwento nito sa kaniya na labis niyang ikinagulat.

“Mali ‘yan, pare, nanloloko ka ng babae!” pangaral niya rito. “Anong mali roon? Diskarte lang ‘yon! Ikaw kasi, hindi ka marunong dumiskarte kaya hanggang ngayon, wala kang nagiging nobya!” tugon nito sa kaniya saka siya labis na pinagtawanan.

“Mas maigi na ‘yon kaysa manloko ng tao,” seryosong sagot niya rito.

“Bahala ka, paniniwala mo ‘yan, eh. Basta, ha, huwag kang maingay sa pinagkatiwala ko sa’yo!” tatawa-tawang wika nito saka agad na lumakad palabas ng kanilang eskinita dahilan upang ganoon na lang siya mapailing.

Buong akala ng binatang si Bong, nagbago na ang matalik niyang kaibigang si Jero. Simula kasi noong sila’y nasa hayskul pa lamang, isa na ito sa pinakapasaway na estudyante sa kanilang paaralan na palaging nasasangkot sa kahit anong kaguluhan doon.

Kung hindi ito nakikipagsuntukan sa kapwa estudyante, mayroon itong pinaiiyak na babae. Ugali kasi nitong magbabay sa dalawang ilog. Kahit na siya’y may nobya na, manliligaw pa rin siya ng isang babae. Kung hindi naman, sabay niyang liligawan ang dalawang babae dahilan upang ganoon na lang ito palaging maipit sa gulo.

Kahit gustong-gusto niya itong pagsabihan, ayaw niya namang masira ang pagkakaibigan nila dahil lang dito kaya imbis na itama, kung minsan, kinukunsinti niya pa ito.

Ngunit kahit pa ganoon, laking tuwa niya nga nang mabalitaan niyang pumirmi na ito sa iisang babae at nagpasiya nang tumira sa isang bahay kasama ito.

“Sa wakas, natuto na ring magmahal ng isang babae ang kaibigan ko. Mukhang napatino na talaga siya ni Alyssa,” sambit niya nang makita niya ang larawan nito sa social media kasama ang kinakasama nito.

Kaya naman, ganoon na lang ang pagkagulat niya nang malaman niyang mayroon na naman itong bagong babae at malapit pa sa kaniyang bahay.

Katulad ng dati, nagbulag-bulagan siya sa ginagawang kalokohan nito upang huwag lang mawalan ng matalik na kaibigan.

Kinabukasan noong araw matapos magkumpisal sa kaniya ang naturang binata, muli niya na naman itong nakita sa kanilang lugar.

Gamit nito ang motorsiklong bigay ng kinakasama habang angkas ang bagong nobya dahilan upang agad niya itong lapitan. Magsasalita pa lang siya, agad na siyang binara nito, “Kung may sasabihin kang hindi maganda, pare, tumahimik ka na lang, ha, kung ayaw mo mawalan ng kaibigan,” dahilan upang siya’y mapatahimik at agad na hayaang umalis ang kaibigan at ang naturang dalaga.

“Mali, eh, mali talaga,” tangi niyang sambit habang pinagmamasdang umalis ang kaibigan.

Pagkauwi niya, sinalubong siya ng kaniyang ama. Naglalagay ito ng alak sa baso saka iniabot sa kaniya.

“Nakita mong may ibang kasama si Jero, ano?” tanong nito, tumango-tango lang siya saka kinuha ang inaabot nitong baso, “Kung alam mong mali, gumawa ka ng paraan para itama. Hindi kita pinalaki para kumunsinti ng maling gawain, anak, alam mo ‘yan,” dagdag pa nito saka siya tinapik-tapik sa likuran.

Ginawa niya nga ang payo ng ama kinabukasan, tinawagan niya ang kaibigan at agad itong pinagsabihan. Ngunit imbis na siya’y pakinggan, minura pa siya nito at tinawag na walang kwentang kaibigan dahilan upang mapagdesisyunan niyang dumirekta na sa kinakasama nito.

Pinapunta niya sa kanilang lugar ang kinakasama nito. Tinuro niya ang bahay kung saan palaging napunta ang kaibigan niya. Sakto namang pagpunta nila roon, siyang labas ng kaniyang kaibigan habang hawak-hawak ang kamay ng bago nitong nobya dahilan upang ganoon na lang magalit ang kinakasama at bagong nobya nito.

“Ito ba? Ito ba ang gusto mo? Akala ko ba kaibigan kita? Bakit ba parang inggit na inggit ka sa akin?” galit na galit na sambit nito sa kaniya saka siya sinapak.

“Kaibigan kita kaya itinatama kita,” sagot niya.

“Wala kang kwenta!” bulyaw nito at doon na ito pinagtulungan ng kaniyang mga kapitbahay.

Simula noon, hindi na ito muling nagpakita sa kaniya. Nalulungkot man siyang wala na ang nag-iisa niyang kaibigan, natutuwa siyang sa wakas, nakagawa rin siya ng tama para sa ikabubuti nito.

Advertisement