Inday TrendingInday Trending
Hindi na Masaya ang Dalaga sa Kaniyang Propesyon Bilang Nurse Dahil Wala na ang Taong Dahilan Kung Bakit Niya Ito Inasam; Paano Kaya Magbabalik ang Lagablab ng Pagganap sa Kaniyang Sinumpaang Tungkulin?

Hindi na Masaya ang Dalaga sa Kaniyang Propesyon Bilang Nurse Dahil Wala na ang Taong Dahilan Kung Bakit Niya Ito Inasam; Paano Kaya Magbabalik ang Lagablab ng Pagganap sa Kaniyang Sinumpaang Tungkulin?

Napabuntong-hininga si Chelsea nang makita ang oras na inihiyaw ng alarm clock. 5:00 nang madaling-araw. Oras na para bumangon. Tatlong oras lamang ang tulog niya, at halos-araw-araw, ganito ang kaniyang kalbaryo. Pinili niyang maging nurse eh. Gaya ng pangako niya sa kaniyang namayapang lolo. Masaklap nga lamang, hindi na nito naabutan.

Routine na lamang kay Chelsea ang mga ginagawa niya. Magliligpit ng hinigaang kama, magpapainit ng tubig na paligo, magkakape. Maliligo. Magsesepilyo. Magsusuot ng uniporme. Papasok na sa trabaho. Minsan, pagod na siya. Hindi pala minsan, madalas. Madalas ay hindi niya alam kung may silbi pa ba siya, kung masaya pa ba siya sa ginagawa niya.

“Apo, gusto kong maging nurse ka… gusto ko, ikaw ang mag-aalaga sa akin kapag matanda na ako!” nakatanim na sa kaniyang isipan, at hanggang sa kaniyang puso, ang madalas na sinasabi sa kaniya ni Lolo Betuel noong nabubuhay pa ito.

“Opo lolo huwag po kayong mag-aalala. Magiging nurse po ako para sa inyo.”

Naging mantra na ni Chelsea na magiging nurse siya sa kaniyang paglaki. Ang totoo, hindi siya nakatitiyak kung iyon talaga ang gusto niya. Tanging hangad niya, mapasaya lamang ang lolo niya, sa pamamagitan ng paggawa ng mga gusto nito. Ayaw niyang malungkot ito. Ayaw niyang nababalisa ito. Ayaw niyang mawalay ito sa kaniyang buhay.

Ganoon na lamang ang pagkalungkot ni Chelsea nang biglaang mawala sa mundo ang lolo niya. Nasa ikatlong-taon na siya noon sa Nursing. Hindi na lamang ito nagising. Atake sa puso habang natutulog, saad ng mga doktor. Sa katandaan na rin.

Ilang buwan din siyang nagmukmok noon. Iniyakan niya talaga ang pagyao sa mundo ni Lolo Betuel. Ano na’ng susunod na kabanata? Ano pang silbi na ginagawa niya ang mga bagay na ito kung wala na ang taong pag-aalayan niya ng kaniyang diploma?

Pero sa huli, ipinagpatuloy niya pa rin, tutal isang taon na lang naman. Alam niyang malulungkot si Lolo Betuel kapag bigla na lamang siyang bumitiw sa kaniyang tinatahak na propesyon.

Hindi sa mall o restaurant dumiretso sina Chelsea pagkatapos ng graduation rites. Pinakiusapan niya ang kaniyang Mama at Papa na dumiretso sa sementeryo. Nais niyang i-alay ang kaniyang diploma kay Lolo Betuel. Alam niyang proud na proud at masayang-masaya ito para sa kaniya, saan man ito naroroon.

Agad na sumabak sa pagtatrabaho at pagseserbisyo si Chelsea sa isang pampublikong ospital, matapos makapasa sa board exam. Katakot-takot ang kaniyang pinagdaanang hirap. Mapolitika. Dudurugin ka kung hindi matibay ang pagkatao at kalooban mo. Ang mga nurses sa Pilipinas ay overworked, underpaid.

Sa dalawang taong paglilingkod niya bilang nurse, ilang beses na rin siyang nakatikim na delayed ang dating ng suweldo, na walang papalit sa kaniya bilang relyebo, o kaya naman ay 48 oras na dilat ang kaniyang mga mata at tanging ang bumubuhay at dumadaloy sa kaniyang mga ugat ay matapang na kape.

At ngayon, tila tinatanong na niya ang sarili, kung masaya pa ba siya sa ginagawa niya. Ito ba talaga ang gusto niya? O ito ang ginusto niya para sa kaniyang lolo, na kung tutuusin ay wala na?

Nagbalik sa realidad ang malayo-layo nang paglalakbay ng diwa ni Chelsea nang tumunog ang kaniyang cellphone. May nag-text. Hinahanap na siya sa ospital. Matapos ubusin ang kape, lumabas na si Chelsea. Nakaabang na sa kaniya ang tricycle driver na siyang maghahatid sa kaniya sa sakayan ng FX.

Habang nasa loob ng tricycle at binabaybay ang patungo sa sakayan ng FX, nahagip ng paningin niya ang isang buntis na namimilipit sa sakit. Sinabihan niya ang tricycle driver na pumara at lapitan ang ginang. Agad na dinaluhan ito ni Chelsea.

“Misis… misis… ano pong nangyayari?”

Ngumingiwi sa sakit ang buntis. “M-manganganak na p-po y-yata ako…”

Hindi na pinatapos pa ni Chelsea ang anomang sasabihin ng buntis. Nakita niyang pumutok na ang panubigan nito. Pinahiga niya sa semento ang buntis. Nagsimula nang dumagsa ang mga miron sa paligid.

“Tumawag kayo ng ambulansya! Ambulansya, please! Manong, halika, heto ang cellphone ko, hanapin mo sa phonebook ko ang contact number ng ambulansya sa ospital namin. Pakidalian po.”

Dahil mukhang hindi na kaya ng buntis na mahintay pa ang ambulansya, walang nagawa si Chelsea kundi ang i-asiste ito sa panganganak. Sanay naman siya dahil ilang beses na rin siyang naging kaagapay ng midwife o doctor sa paggawa nito.

“Misis, ere lang po nang malakas…. nakikita ko na po ang ulo. Ere lang pooooo….”

Maya-maya, isang iyak ng bata ang narinig. Nagpalakpakan ang mga miron sa paligid. Saka naman dumating ang ambulansya mula mismo sa ospital na pinaglilingkuran ni Chelsea kaya sumama na siya.

Malusog naman ang sanggol na isinilang ng ginang. Nang mga panahon na iyon ay nasa trabaho raw ang asawa niya. Dapat daw ay sa susunod na linggo pa sila nakatakdang magtungo sa ospital, subalit hindi raw nila alam kung bakit advance ang kaniyang pag-labor.

“Maraming-maraming salamat po Nurse Chelsea, isa po kayong bayani…” pagpapasalamat ng mister ng ginang.

Dahil dito, pinarangalan ng ospital si Chelsea dahil sa kabayanihang kaniyang ginawa. Agad siyang nagtungo sa sementeryo upang i-alay ang kaniyang natanggap na pagkilala kay Lolo Betuel.

Alam na ni Chelsea na hindi na siya mapapabuntong-hininga kapag rumepeke na ang alarm clock hudyat na papasok na naman siya sa ospital upang gampanan ang tungkulin bilang nurse. Alam na niya kung bakit siya gumigising sa umaga.

Advertisement