
Kakaba-kaba ang Dalagang Nagtatrabaho sa Opisina Kapag Tanghalian Dahil May Ikinukubli Siya; Matuklasan Kaya Ito ng mga Kasamahan Niya?
Lunch break. Hindi na naman mapakali si Jona dahil tiyak na aayain at kukulitin na naman siya ng mga katrabaho para kumain sa labas. Kaya naman binabagalan niya talaga ang trabaho sa umaga para may dahilan siyang magpaiwan at tapusin ang trabaho pagkatapos ng pananghalian.
“Hoy Jona, tara na… may bagong bukas na kainan diyan sa tapat. Lunch na tayo,” aya sa kaniya ni Margaux.
“Oo nga Jona, ikaw talaga, simula nang makapasok ka rito, never ka pang sumabay sa amin. Tara na para makapagbonding pa tayo,” segunda naman ni Marissa.
“Sige, susunod na lang ako. Chat ko kayo. Tatapusin ko lang itong report, kailangan na kasi ni sir. Susunod ako, promise,” kunwari ay tutok na tutok si Jona sa kaniyang computer, abalang-abala sa pagta-type.
“Sige ha, sabi mo ‘yan, wait ka namin,” saad ni Margaux at bumaba na sila.
Nakahinga nang maluwag si Jona. Nang matiyak niyang siya na lamang ang nasa loob ng opisina dahil nagsialisan na ang mga kasamahan para sa trabaho, inilabas niya ang baon niyang cupcake at tubig. Ito ang kaniyang pananghalian.
Mapalad na nakapagtrabaho sa isang opisina sa Makati si Jona, subalit hindi niya kaya ang lifestyle ng kaniyang mga kasamahan. Ang totoo niyan, nanliliit siya sa kanila dahil mahahalata sa kanilang mga kasuotan at kagamitan na may mga kaya sila. Hindi mo makikita si Margaux na nag-uulit ng damit. Si Marissa naman, linggo-linggo ay may bagong sapatos.
Samantalang siya, pinaglumaan lamang ng kaniyang mga kaibigan ang mga corporate suits na isinusuot niya. Hindi siya makabili ng mga bagong damit, dahil siya ang inaasahan sa kanilang pamilya. Sampu silang magkakapatid, at siya ang panlima. Ang apat niyang ate at kuya ay may sari-sarili nang mga anak at asawa. Pakiramdam niya, dahil siya ang pinakamatandang naiwan, nakaatang sa kaniyang balikat ang responsibilidad na matulungan ang kaniyang mga magulang, na may edad na rin.
Kaya todong tipid ang ginagawa niya. Hindi niya kaya ang ginagawa ng karamihan sa kanila na araw-araw kumakain sa labas at talaga namang napapagastos pagdating sa pananghalian.
Naaawa na siya sa sarili niya. Single siya, pero hindi niya maramdaman dahil sa responsibilidad niya sa kaniyang pamilya. Ultimo bagong panty hindi siya makabili. Lahat napupunta sa kaniyang mga kapatid, sa pangangailangan sa bahay, sa mga bayarin at utang na kailangang i-settle dahil maaari silang awayin nang nagpautang.
“Anak, huwag ka munang mag-aasawa ha. Huwag mong gayahin ang mga ate at kuya mong kinalimutan na tayo,” laging sinasabi ng kaniyang tatay.
“Hoy may sariling buhay ang anak mo huwag mo namang sabihin iyan. May kalayaan ka namang mag-asawa anak, pero huwag mo naman sana kaming kalimutan at iwan pa…”
Eh ‘di ganoon din iyon. Ito talagang nanay niya. Hindi naman niya kayang iwanan sa ere ang mga magulang at mga kapatid. Hindi niya maaatim na unahin ang sarili niyang kaligayahan, habang ang mga magulang na matatanda na at mga kapatid na maliliit pa ay nasa lugmok pa ng kahirapan.
Isang Biyernes, papauwi na si Jona nang harangin siya nina Margaux at Marissa.
“Huwag ka munang aalis. Hindi kami papayag na hindi tayo magba-bonding. Tayo na nga lang ang officemates hindi ka pa papayag,” giit ni Margaux.
Kandabulol si Jona sa pagsasabi ng kaniyang dahilan.
“K-Kasi kuwan, may gagawin pa kasi ako, kailangan kong umuwi kaagad…”
“Wala nang pero-pero tara na, kundi magtatampo kami sa iyo,” saad ni Marissa.
Hindi na nakahindi si Jona. Nakita niya na lamang ang sarili sa isang cafe kasama sina Marissa at Margaux. Gusto nang umalis ni Jona dahil mabubuko ng dalawa na wala siyang pera. Kung may pera man siya, wala sa budget niya ang pagkain na lagpas sa 200 piso sa isang meal lamang.
“Anong order mo?” tanong sa kaniya ni Margaux.
Wala nang mapamimilian si Jona kundi ang umamin.
“Margaux, Marissa… pasensiya na kayo ha? Natutuwa ako kasi gustong-gusto ninyo akong makasama at makabonding, pero magiging tapat ako sa inyong dalawa. Wala kasi sa budget ko ito. Limitado lamang ang resources ko, hindi gaya ninyo…” at ipinagtapat na nga ni Jona sa dalawa ang kaniyang kalagayan.
“Kaya hindi ako sumasabay sa inyo sa lunch break kasi hindi ako sanay na gagastos nang mahal sa isang meal lamang. Yung 200 pesos o 300 pesos na isang kainan ko lamang, puwede na iyang ipambili ng uulamin ng pamilya ko, para sa dalawa o tatlong araw. Kaya pasensiya na kayo,” nahihiyang paghingi ng paumanhin ni Jona.
“Naiintindihan ka namin, Jona. Pasensiya ka na rin kung hindi namin nakita ang pinagdaraanan mo. Saludo kami sa pagmamahal mo sa iyong pamilya. Pero sana huwag mo ring kalilimutan ang sarili mo. May sarili ka ring buhay,” payo ni Margaux.
“Oo. Hindi masama na tingnan mo naman ang sarili mo. Huwag ka mag-alala, karamay mo naman kami, hindi mo na kailangan pang problemahin ang iisipin namin. Sasamahan ka namin sa pagbabaon.”
Tila nabunutan ng tinik si Jona sa kaniyang mga narinig. Sa wakas, hindi na niya kailangan pang magtago. Naghati sina Margaux at Marissa sa bayad sa inorder ni Jona, tutal, sila naman ang nag-aya.
Simula noon, hindi na kakaba-kaba si Jona kapag lunch break na. Nagbabaon na rin sina Margaux at Marissa. Pinupuno nila ng tawanan at kuwentuhan ang kanilang opisina habang kumakain sila.

Hindi na Masaya ang Dalaga sa Kaniyang Propesyon Bilang Nurse Dahil Wala na ang Taong Dahilan Kung Bakit Niya Ito Inasam; Paano Kaya Magbabalik ang Lagablab ng Pagganap sa Kaniyang Sinumpaang Tungkulin?
