
Perfect Couple Kung Ituring ng Marami ang Magkasintahan, Ngunit Isang Araw, Nakipaghiwalay ang Babae sa Lalaki sa Hindi Malinaw na Dahilan; Magkabalikan Pa Kaya Sila?
Masasabing perpekto ang relasyon nina Tony at Jamie.
Guwapo, matangkad, matalino, at matagumpay sa kaniyang propesyon bilang Marketing Director si Tony. 27 taong gulang pa lamang ngunit marami nang naabot sa buhay. May sariling kotse, bahay at lupa, at iba pang mga property. Kahit na may posisyon sa isang malaking kompanya, sinisimulan na rin ang iba’t ibang small-time businesses. Pangarap ng sinumang babae ang mga kagaya niya.
Bagay na bagay sila ni Jamie. Maganda, matalino, at lider din sa kompanyang pinagtatrabahuhan nito. Sabi nga, strong independent woman. Classy at sopistikada sa kaniyang pananamit, upbringing, kilos, at paraan ng pananalita. Walang lalaking tatangging alalayan siya.
“Babe, alam mo bang ikaw ang pinakamagandang regalong natanggap ko sa buong buhay ko? Ikalulungkot ko kung mawawala ka sa piling ko,” saad ni Tony kay Jamie habang nakatanaw sila sa romantikong tanawin ng Bulkang Taal. Pinili nilang magstaycation sa isang hotel sa Tagaytay na abot tanaw lamang ang naturang bulkan.
“Talaga, babe? Happy akong malaman na ako ang pinakamagandang regalong natanggap mo sa buong buhay mo. Ako rin. Hindi ko nakikita ang sarili ko sa ibang mga bisig. Pangako, hinding-hindi ako aalis sa tabi mo para lamang sa ibang lalaki.”
Sa ikatlong taon nang kanilang relasyon, tila ba unti-unting nagbabago ang lahat. Napapansin ni Tony na tila ba nawawalan ng oras sa kaniya si Jamie. Parang ilag ito sa kaniya. Nababalitaan na lamang niyang may mga palihim itong lakad.
Gaya ngayon, inaaya niya itong kumain sa labas ngunit tumanggi ito.
“Babe, miss na miss na kita. Gusto na kita makita,” pagsusumamo ni Tony.
“Ah, eh… kuwan kasi, may gagawin pa ako. May inaasikaso ako for our upcoming projects. I’m sorry babe…” paghingi ng pasensiya ni Jamie.
“Kahit Saturday naman ngayon? Hindi ba ikaw ang nagsabi sa akin na I’m not supposedly working on weekend? Anong nangyari? Saka babe, bakit parang nangangayayat ka? Kumakain ka ba sa tamang oras?” sita niya sa nobya.
“Huwag mo akong intindihin, babe. Ayos lang naman ako. Ikaw talaga… Oh sige na may gagawin pa ako eh.”
Naging abala na rin si Tony sa kaniyang trabaho kaya may mga pagkakataong hindi na sila nakakapag-video calls ni Jamie. Nang mag-iisang buwan na silang hindi nagkikita ng nobya, dito na naalarma si Tony, lalo’t nararamdaman niyang gumagawa na lamang ng dahilan si Jamie para hindi sila magkita.
“Babe, iniiwasan mo ba ako? Magkita naman tayo…” chat ni Tony. Seen zoned. Hindi tumugon si Jamie. May mali, nararamdaman ni Tony.
Ipinasya ni Tony na sadyain na ang nobya sa bahay nito. Ngunit mismong kapatid nito ang humarang sa kaniya at nagsabing wala si Jamie at may inaasikaso ito.
Hindi na makampanti si Tony. Alam niyang may problema.
At hindi nga siya nagkamali. Isang araw, tinawagan siya ni Jamie sa video call.
“Maghiwalay na tayo, Tony. Hindi tayo para sa isa’t isa.”
“Ganun-ganun na lang ba ang lahat? Ang tagal na nating magkarelasyon, Jamie. What happened? Ano bang pagkukulang ko sa iyo?”
“Hindi ka nagkulang, Tony. Nasobrahan ka pa nga, at napuno lang ako. Masyado na akong overwhelmed sa pagmamahal mo. Hayaan mo muna akong makahinga-hinga,” hindi makatingin kay Jamie si Tony.
“Na-fall out of love.” Ganyan ilarawan ng kanilang mga kakilala ang nangyari kay Jamie. Hindi rin sila makapaniwalang mabubuwag pa pala ang perpektong relasyong tinatanaw nila.
Nawala sa focus si Tony. Madalas lumiban sa trabaho. Maraming mga papeles na nabinbin. Ipinatawag siya ng kaniyang boss. Binigyan siya ng pagkakataong mag-vacation leave muna upang makapag-isip-isip siya. Ayaw niya. Baka lalo lamang siyang malungkot kapag nagtungo siya sa mga lugar na dati nilang pinupuntahan ni Jamie.
Kung sino-sinong babae ang kinatagpo niya, one night stand. Isang mabilis na mga gabing paglimot. Mga hiram at nakaw na sandali. Hindi niya matanggap ang ginawa sa kaniya ni Jamie.
Iniisip niya, kanino kaya siya ipinagpalit ni Jamie? Kanino kaya siya pinagpalit? Huwag lang sana magkrus ang kanilang mga landas. Huwag lang sanang makita niyang magkasama sila. Baka hindi siya makapagtimpi.
Parang kakainin ng sama ng loob si Tony kaya isang gabi, hindi na siya nakapagpigil. Nagsadya na siya sa bahay nina Jamie. He deserves an explanation. Hindi siya makakampante hangga’t hindi niya nalalaman kung ano ang puno’t dulo ng pagkawala ng pagmamahal sa kaniya ni Jamie. Ginawa naman niya ang lahat. Alam niya sa sarili niyang hindi siya nagkulang at hindi rin naman sumobra.
Pagkababang-pagkababa ni Tony sa kaniyang kotse, nakita na niyang nagkakagulo. Kitang-kita niya ang pagkataranta ng driver ng pamilya, tila inihahanda ang kotse.
“Manong, manong… anong nagyayari?” usisa ni Tony sa driver. Kilala siya nito.
“Sir, si Ma’am Jamie po inaatake ulit, kailangan pong itakbo sa ospital…”
“Teka, teka… si Jamie? Bakit? Atake ulit? Anong nangyari?”
Nasagot ang tanong nang makita niyang bitbit ng kuya ni Jamie ang kaniyang kasintahan, subalit lalo siyang nagulat nang makita ang kalunos-lunos na hitsura nito: maputla, payat, at may balot ng bandana ang ulo. Malalim at nangingitim ang ilalim ng mga mata nito.
Sa una’y nagulat ang kuya ni Jamie nang makita si Tony, subalit namimilipit na sa sakit si Jamie kaya hindi na siya inintindi. Sumunod naman si Tony sa ospital upang malaman ang nangyari sa kasintahan.
At doon sumambulat ang katotohanan. Tila nabingi si Tony sa mga narinig mula sa manggagamot. Brain t*mor. Terminal stage.
“Bakit hindi mo sinabi sa akin? Bakit? Ang daya mo, Jamie…” humahagulhol na sabi ni Tony. Ginagap niya ang mga nanlalamig na kamay ni Jamie.
“A-Ayokong problemahin mo pa ako kaya nagdesisyon akong makipagkalas sa iyo. Mahal na mahal kita, Tony… sa sobrang pagmamahal ko sa iyo, ayokong masaktan kita. Nangako ako sa iyo, hindi ba? Sabi ko sa iyo hindi kita iiwan, hindi kita ipagpapalit sa ibang lalaki… pero hindi ko yata matutupad ang pangako ko. Wala akong ibang mahal, pero baka iiwan na kita…” humihikbing paliwanag ni Jamie.
“Mahal na mahal kita, Jamie. Lalaban ka. Lalaban tayo.”
“Mahal na mahal din kita, Tony. Lalaban ako para sa iyo.”
Subalit sa anomang laban, may natatalo. May nagagapi. Nanalo ang sakit.
Ngayon, nakatunghay si Tony sa puntod ni Jamie. Halo-halong damdamin ang namamayani sa kaniya. Malungkot na masaya. Malungkot dahil hindi niya na makakasama ang nobya. Masaya, dahil sa huling sandali nito, nakasama pa siya, nakita, at narinig nito mula mismo sa kaniya ang nararamdaman niya. Masaya rin siya dahil hindi na ito maghihirap sa sakit na dulot ng karamdaman.
“Mahal na mahal kita Jamie. Hanggang sa muli…” saad ni Tony habang nakatingin sa kalangitan. Alam niya, sa takdang panahon ay magsasama rin sila.