Inday TrendingInday Trending
Akala ng Binatang OFW ay Nakita na Niya ang Babaeng Para sa Kaniya; Bandang Huli’y ang Dating Iniibig din pala ang Kaniyang Makakatuluyan

Akala ng Binatang OFW ay Nakita na Niya ang Babaeng Para sa Kaniya; Bandang Huli’y ang Dating Iniibig din pala ang Kaniyang Makakatuluyan

Masakit pa rin sa inhinyerong si Nathan ang pagkakahiwalay nila nang matagal na niyang nobyang si Betty. Kinailangan kasi nilang mag desisyon na mag-iba ng landas dahil sa kani-kanilang propesyon.

Hindi kasi naniniwala si Betty sa “long distance relationship”. Para sa kaniya’y mas mabuti nang palayain nila ang isa’t isa habang ayos pa ang kanilang relasyon. Hindi man makapayag si Nathan ay wala na siyang magagawa dahil nakapagdesisyon na ang dalaga.

Araw-araw ay hindi pa rin mawala sa kaniyang puso ang lungkot at pag-asang isang araw ay magkakabalikan rin sila ng dating kasintahan.

Hanggang sa tuluyan na ngang nakaalis ng bansa si Nathan. Limang taon na siya sa Dubai nang makilala niya ang babaeng si Pamela. Una pa lamang niyang makita ang dalaga ay nabighani na siya kaagad dito.

Lalo nahulog ang loob ni Nathan sa dalaga nang maramdaman niya kung gaano ito kalambing.

Nagsimula nang ligawan ng binatang si Nathan ang dalagang si Pamela dahil sa pag-aakalang ito na ang nararapat sa kaniya. Agad naman siyang sinagot ng dalaga. Ngunit sa paglipas ng panahon ay maraming natutuklasan si Nathan sa kaniyang bagong kasintahan.

“Pamela, kailan mo balak sabihin sa akin ang totoo? Bakit hindi mo sinabi sa akin na dati ka na palang may kinakasama?” sita ni Nathan kay Pamela.“Sa tingin ko kasi ay hindi na dapat pang sabihin ito sa’yo. Bahagi na iyan ng nakaraan ko at hindi na iyan mahalaga pa para sa akin. Dahil ngayon ay ikaw na ang buhay ko,” saad naman ni Pamela.

“Pero karapatan ko pa ring malaman ang lahat ng ito. Sa tuwing tinatanong kita tungkol sa nakaraan mo’y itinatanggi mong nagkaroon ka ng nobyo. ‘Yun naman pala’y magkasama na kayo sa bahay,” saad pa ng binata.

“Huwag ka nang magalit pa sa akin, Nathan. Ikaw na ang mahal ko at hindi na siya. Ikaw na ang buhay ko ngayon. Ikaw na ang nagmamay-ari sa akin. Ano ba ang kailangan kong gawin para patunayan sa’yo na ikaw na ang laman ng puso ko?” sambit naman ng nobya.

Sa puntong ito ay nadaan si Nathan ng paglalambing sa kaniya ni Pamela. Napagtanto din ng binata na kung mamahalin niya ang kasintahan ay kailangang mahalin niya ito ng buong-buo. Kailangang tanggapin niya ang lahat ng nakaraan nito.

Pinatawad ni Nathan si Pamela at muling nagbalik sa ayos ang kanilang relasyon.

Ilang buwan ang nakalipas ay nagulat na lamang si Nathan nang biglang magdesisyon si Pamela na umuwi na ng Pilipinas.

“Matagal ko nang gustong tumigil sa pagtatrabaho, Nathan. Gusto ko munang magpahinga. Napapagod na rin kasi ako. Tutal, papakasalan mo naman ako, hindi ba? Bumuo na lang tayo ng pamilya at ako na ang mag-aalaga sa mga bata at sa iyo,” saad ni Pamela sa kasintahan.

Dahil nasa tamang edad na rin naman ang dalawa’y pumayag si Nathan ngunit sa kondisyong maiiwan muna ang binata sa ibang bansa upang magtrabaho at makaipon.

Sa tuwing umuuwi si Nathan ng Pilipinas ay doon na siya tumutuloy sa bahay ng pamilya ni Pamela.

Isang araw habang abalang nagtatrabaho si Nathan ay nakatanggap siya ng tawag mula sa dalaga.

“Buntis ako, Nathan! Magkakaanak na tayo!” bungad kaagad ni Pamela nang sagutin ng nobyo ang kaniyang selpon.

Labis naman ang saya ni Nathan sa pagkakataong iyon dahil sa wakas ay magkakaroon na siya ng anak. Hindi na rin siya makapaghintay na umuwi at pakasalan si Pamela. Lalo pa siyang nasasabik sa tuwing nakikita niya ang mga ultrasound na ipinapakita ng nobya.

Nang magbuntis si Pamela ay lalong lumaki ang pinapadala ni Nathan sa kaniyang kasintahan. Nauunawaan naman niya ito dahil alam niyang nag-iipon sila para sa pagpapatayo ng bahay at sa panganganak ng kasintahan.

Nang makauwi muli si Nathan sa Pilipinas ay hinanap niya kay Pamela ang pera ngunit laking gulat niya nang sabihing pinautang ang nito ang lahat ng kanilang ipon sa kaniyang mga kamag-anak.

“Nagsimula kasi ng negosyo ang mga magulang ko. Kasosyo naman tayo doon. Sa ngayon lamang ay hindi pa kumikita ang negosyo kaya wala pang bumabalik. Pero darating din ang panahon na makakabawi tayo,” pahayag ni Pamela.

Ngunit ilang buwan bago manganak si Pamela ay muling nanghingi ito ng malaking halaga kay Nathan dahil daw tuluyan nang nalugi ang negosyo at wala na siyang naitabi para sa panganganak.

Labis ang pagtataka ni Nathan sa nangyayari. Dahil doon ay kinutuban siya ng masama sa kaniyang nobya. Bigla na lamang niyang naisip na tignan nito ang profile sa social media. Sa kaniyang pagmamasid ay may napansin siyang larawan ng isang lalaki.

Nang tingnan din niya ang buong profile nito ay nabigla siya nang malaman na ito pala ang lalaking dating kinakasama ng kaniyang nobya. At sa tingin ni Nathan ay nagkikita pa sila.

Para makasigurado ay hiningi niya ang tulong ng kaniyang pinsan na nasa Pilipinas. Pinamanmanan niya si Pamela sa mga pinupuntahan nito. At doon nga’y natuklasan nila na nagkikita pa rin ng dalawa.

Ang masakit pa doon ay nang malaman nilang ang tunay na ama ng dinadala ni Pamela ay hindi si Nathan kung hindi ang dati nitong kinakasama.

Labis ang sama ng loob ni Nathan dahil sa pinaikot lamang siya ni Pamela. Hindi na niya alam pa ang kaniyang gagawin dahil lubos siyang nasaktan sa ginawang panloloko sa kaniya. Higit pa’y naubos ang lahat ng kaniyang ipon para lamang sa wala.

Sa pagkakataong na nalulugmok siya ay muli niyang tiningnan ang larawan ng dati niyang kasintahang si Betty. Lubos siyang nanghihinayang sapagkat kung ito sana ang kaniyang kasintahan hanggang ngayon ay hindi siya nito pasasakitan ng tulad ni Pamela.

Gumawa ng paraan si Nathan upang tuluyan nang putulin ang relasyon nito kay Pamela. Kahit na anong gawing paliwanang ng dalaga ay hindi na pinansin pa ni Nathan.

“Mula noon ay puro kasinungalingan na ang lumalabas sa bibig mo. Bakit ko hinayaang bilugin mo ang ulo ko?! Manloloko ka!” sambit ng galit na galit na si Nathan kay Pamela.

Tuluyan nang tinapos ng binata ang kaniyang pakikipagrelasyon kay Pamela. Pilit na lamang niyang binangon ang kaniyang sarili mula sa kaniyang pagkakadapa.

Isang taon ang lumipas nang muli niyang makita ang larawan ng dating kasintahang si Betty. Sa pagkakataon ito ay buo na siyang muli at desidido nang gawin ang lahat upang maipaglaban ang kaniyang pag-ibig.

Muli niyang hinanap si Betty at nang kaniyang matagpuan ay hindi na niya ito pinakawalan pa. Agad siyang nagtapat ng pag-ibig dito.

Ang hindi alam ni Nathan ay matagal na siyang hinihintay ni Betty. Hindi ito nagkaroon ng ibang relasyon at umaasa pa rin na sila pa rin ni Nathan bandang huli.

Muling binuhay ng dalawa ang dati nilang pag-iibigan. Dahil sa mga dinanas ni Nathan ay mas nagkaroon siya ng dahilan na mas pangalagaan at mahalin si Betty.

Hindi nagtagal ay nagpakasal din ang dalawa at nagkaroon ng sarili nilang pamilya. Hindi akalain ni Nathan na bandang huli ay si Betty pa rin pala ang kaniyang makakatuluyan.

Advertisement