Inday TrendingInday Trending
Tinalikdan ng Ampon ang mga Magulang na Kumupkop sa Kaniya; Bandang Huli’y Mapagtatanto Niya ang Kahalagahan ng mga Ito

Tinalikdan ng Ampon ang mga Magulang na Kumupkop sa Kaniya; Bandang Huli’y Mapagtatanto Niya ang Kahalagahan ng mga Ito

“Hanggang ngayon ba ay ayaw mo pa rin kaming makausap ng papa mo, Tim? Kahit na matagal na panahon naming itinago sa’yo ang katotohanan ay hindi naman namin ipinaramdaman sa iyo na hindi ka namin tunay na anak. Patawarin mo kami kung naglihim kami sa iyo,” sambit ni Evelyn sa kaniyang binatang anak.

“Pwede po ba pabayaan niyo muna ako? Masakit sa aking malaman na ang buhay ko pala’y isang malaking kasinungalingan. Hindi ko na alam ngayon kung paano ako magsisimula. Kung paano ko kayo pakikitunguhan dahil hindi ko naman kayo kaano-ano!” tugon naman ni Tim.

“Wala namang magbabago, anak. Ikaw pa rin ang kaisa-isa naming anak at kami ng Papa Leo mo ang mga magulang mo! Kahit hindi ka naman sa amin nanggaling ay minamahal ka namin higit pa sa isang tunay na anak,” pahayag pa ng ginang.

“Umalis na po muna kayo at iwan ako. Gusto ko po munang mapag-isa,” tanging naging tugon ng binata.

Sa loob ng labing anim na taon ay ang mag-asawang Evelyn at Leo na ang kinikilalang mga magulang ni Tim. Hindi magkaanak ang negosyanteng mag-asawa kaya nang makita nila sa labas ng kanilang tindahan sa palengke ang batang si Tim ay alam nilang dininig na ng Diyos ang kanilang mga dalangin.

Unang araw pa lamang na mahagkan ni Evelyn si Tim ay sinabi na niya sa kaniyang sarili na siya na ang magiging ina nito.

Ngunit apat na taon pa lamang si Tim noon nang magpakita ang mga magulang nito. Humingi ng kaunting salapi sa mag-asawa kapalit ang hindi na nia pagpapakitang muli. Dahil ayaw na rin nila Evelyn at Leo na magulo pa ang buhay ng bata ay binigyan nila ito ng pera.

Sa paglipas ng panahon ay naging magulang sina Evelyn at Leo kay Tim. Ibinigay nila ang lahat ng pangangailangan nito. Higit pa dito’y ibinigay nila ang pagmamahal at kalinga sa anak.

Ngunit tunay ngang walang lihim na hindi nabubunyag. Isang araw ay narinig ni Tim na nag-uusap ang kaniyang mga magulang tungkol sa tunay niyang pagkatao at doon ay tahasan na nilang inamin kay Tim ang katotohanan.

Labis na nagdaramdam itong si Tim. Pakiramdam niya’y matagal na siyang niloloko ng mga kinilalang magulang. Kahit na anong hingi ng tawad ng mag-asawa ay nagmamatigas itong si Tim.

Hanggang sa isang umaga ay lumabas na lamang Tim sa kaniyang silid.

“Nais kong makilala ang mga tunay kong magulang. Dalhin niyo ako sa kanila dahil doon ako nabibilang,” sambit ni Tim sa mag-asawa.

Upang maibsan ang dinadala ng kanilang anak-anakan ay pumayag sina Evelyn at Leo sa kagustuhan nito.

“Anak, babalik ka pa sa amin ng papa mo?” tanong ni Evelyn sa binata.

“Hindi ko na kayang pakisamahan ang mga taong walang ginawa kung hindi lokohin ako buong buhay ko. Doon na lang ako sa tunay kong mga magulang dahil sa kanila naman talaga ako galing,” sambit ni Tim.

“Huwag ka namang magsalita ng ganiyan, Tim. Minahal ka namin ng Mama Evelyn mo. Ibinigay namin ang lahat ng makakaya namin upang bigyan ka ng magandang buhay,” saad naman ni Leo.

“Kahit na lokohin ako at pagsinungalingan ako? Hindi niyo alam kung ano ang nararamdaman ko ngayon! Hindi ko alam kung saan ako lulugar! Pakiramdam ko ay inagaw niyo sa akin ang pagkakataon na makasama ko ang tunay kong pamilya. Dapat noon pa ma’y sinabi niyo sa akin upang sa gayon ay matanggap ko kaagad!” pahayag muli ni Tim.

Pilit na hinanap ng mag-asawa ang kinaroroonan ng tunay na mga magulang ni Tim. Nakita nila ang mga ito sa isang bahay malapit sa ilog.

Imbis na matuwa ang tunay na amang si Rogelio na makita ang kaniyang anak na si Tim ay nainis pa ito.

“Ano ang ginagawa mo rito? Hindi ba sinabi na namin sa mga magulang mo na hindi ka na nila pwedeng isauli sa amin!” saad ng ginoo kay Tim.

“Umalis na po ako sa amin dahil gusto ko pong makasama ang tunay kong pamilya. ‘Tay, dito na po ako titira sa inyo. Kahit na anong buhay ay kakayanin ko basta kasama ko po kayo,” wika naman ni Tim.

“Wala ka nang lugar sa pamilyang ito. Ni hindi nga namin kayang pakainin ang apat na kapatid mo, pati ikaw ay dadagdag pa sa iisipin namin! Bumalik ka na kina Evelyn at Leo, wala ka nang lugar dito!” pagtataboy ng ama.

Dahil sa sigawan ay biglang lumabas ang asawa ni Rogelio na si Mildred. Labis ang gulat nito na makita ang binatang anak.

“Ikaw na ba si Tim?” naluluhang sambit ng ginang.

“Halika sa loob at pumasok ka, a-anak,” paanyaya pa nito.

Pinaunlakan naman ni Tim ang tunay na ina. Ngunit habang nasa loob ng bahay ang binata ay rinig niya ang pagtatalo ng kaniyang mga tunay na magulang.

“Dagdag pasanin na naman ‘yan dito sa bahay! Mag-isip ka nga, Mildred. Kaya nga pinamigay na natin ‘yan noon, ‘di ba?” sigaw ni Rogelio.

“Pero, anak, natin siya! Nagbabalik ang anak mo sa atin! Pwede ba natin siyang talikdan muli?” sambit naman ni Mildred.

“Bahala ka sa buhay mo! Basta ako, pagod na pagod na akong kumayod at hindi ko na kaya pa ang isang bunganga na palamunin,” muling sambit ng asawa.

Napayuko na lamang si Tim sa kaniyang narinig. Ngunit iginiit pa rin ng kaniyang ina ang pananatili sa kanilang munting tahanan.

Dahil nga sa kahirapan ay kailangan nang tumigil ni Tim sa pag-aaral. Kinailangan din niyang mag hanapbuhay upang makatulong. Madalas pa ay nag-aaway ang kaniyang mga magulang tungkol sa kaniyang pananatili. Hindi na nga maayos ang kaniyang tinitirhan ay ramdam pa niyang hindi siya nais ng ama na naroon.

Bumalik sa kaniyang alaala ang pagmamahal at pagkalinga ng mag-asawang kumupkop sa kaniya. Napagtanto niyang kahit hindi siya kaanu-ano ng mga ito ay walang sandali na ipinaramdam ng mga ito na iba siya.

Hindi na niya napigilan pa ang pagpatak ng kaniyang mga luha. Muli niyang binalot ang kaniyang mga damit at saka nagpaalam sa tunay niyang mga magulang.

“Aalis na po ako. Hindi ko na po makakayanan pa na nag-aaway kayo lagi nang dahil sa akin. Maraming salamat po sa pagsilang sa akin sa mundong ito. Higit sa lahat ay maraming salamat dahil kina Mama Evelyn at Papa Leo niyo ako ibinigay,” wika pa ni Tim.

Tuluyan nang nilisan ni Tim ang lugar na iyon. Alam niyang mabigat ang kniyng mga nasabi sa kaniyang Mama Evelyn at Papa Leo kaya ayaw na sana niyang magbalik pa roon. Hindi niya alam kung kaya pa siyang patawarin ng mga ito.

Sa huling pagkakataon ay tinignan ni Leo ang labas ng kanilang bahay kung saan siya lumaki. Patuloy ang kaniyang pagluha dahil bumalik sa kaniya ang walang sawang pagmamahal ng mga kinilalang magulang.

Aalis na sana siya nang may marinig siyang tinig.

“Umuwi ka na, anak. Kay tagal ka na naming hinihintay ng papa mo,” umiiyak na sambit ni Evelyn.

Paglingon ni Tim ay hindi na niya naiwasan na tumakbo patungo sa kinikilalang ina. Niyakap niya ito ng mahigpit at saka siya humingi ng tawad.

“Hindi ko po sinasadya ang lahat ng nasabi ko, ‘ma. Sana ay mapatawad niyo pa ako! Patawarin niyo po ako ni Papa,” pagtangis ni Tim.

“Naiintindihan ka namin, anak. Kahit na hindi ka galing sa amin ay narito ka lagi sa puso namin ng papa mo. Mahal na mahal ka namin at kahit kailan ay nangangako kami na hindi ka namin tatalikuran,” saad pa ng ginang.

Pinawi ng mahigpit na yakap na iyon ang lahat ng kalungkutan ni Tim.

Tuluyan nang umuwi ang binata kina Evelyn at Leo. Labis din ang kaniyang pasasalamat sa mga kinikilalang magulang dahil sa pagmamahal at kalinga na ibinibigay ng mga ito sa kaniya.

Tunay ngang natagpuan ni Tim ang pamilya sa mag-asawang Evelyn at Leo. Sinuklian naman ng binata ang lahat ng nagawa ng mag-asawa para sa kaniya.

Advertisement