Ibinaon sa Limot ng Isang Babae ang Mapait na Karanasan; Ikakikilabot Niya ang Muling Pagbabalik ng Isang Taong Kaniyang Kinalimutan

Mataas ang pangarap nitong si Hazel. Kaya kahit na probinsyana ay pilit siyang nakipagsapalaran sa Maynila upang makapaghanapbuhay at maipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral sa kolehiyo. Para kasi sa kaniya’y ito lamang ang tanging paraan upang umasenso ang kanilang buhay.

Panganay sa tatlong magkakapatid itong si Hazel. Labis siyang ipinagmamalaki ng kaniyang mga magulang dahil nga bukod sa maganda ay napakatalino pa nito. Bata pa lamang ay mulat na siya sa kaniyang responsibilidad bilang nakakatandang kapatid. Batid niyang nakaatang sa kaniyang balikat ang pag-iiba ng kanilang buhay.

“Pagsikapan mong makakuha ng magandang trabaho kapag nakatapos ka, Hazel. Nang sa gayon ay mapag-aral mo rin sa kolehiyo itong mga kapatid mo. Ikaw na lamang ang natitira naming pag-asa dahil hindi na namin kaya ng tatay mo na bigyan kayo ng magandang buhay,” saad ni Aling Nelia sa kaniyang dalagang anak.

“Gagawin ko po ang lahat, nanay. Hinding-hindi ko po kayo bibiguin,” tugon naman ni Hazel.

Kaya lubos na pinag-igihan at pinagsikapan ni Hazel ang kaniyang pag-aaral. Sa katunayan ay kandidato siya sa pagtatapos nang mayroong karangalan sa isang kilalang unibersidad. Alam niyang abot kamay na niya ang lahat ng kaniyang mga pangarap.

Ngunit isang gabi habang papauwi siya mula sa kaniyang trabaho ay may isang lalaking sumusunod sa kaniya. Pilit siya nitong dinala sa isang liblib na lugar at doon pinagsamantalahan. Dahil sa kahinaan ay wala nang nagawa pa si hazel kahit na magpumiglas siya. 

Nang matapos ang panghahal@y na ginagawa sa kaniya ay agad na tumakas ang salaring hindi man lamang niya namukhaan.

Tila gumuho ang mundo ni Hazel nang mga sandaling iyon. Ngunit batid niyang kapag nagpunta siya sa pulis ay malaking kahihiyan ito. Baka maging dahilan pa ito upang hindi siya makapagtapos sa pag-aaral.

Advertisement

Kaya itinago niyang lahat ang nangyaring masama sa kaniya.

Ngunit dalawang buwan bago ang kaniyang graduation ay sumama ang kaniyang pakiramdam at nang pumunta siya sa ospital ay doon nga niya nalaman na nagdadalantao siya. 

“Magiging balakid ang batang ito sa pag-abot ko ng mga pangarap ko. Alam kong sariling dugo at laman ko ito ngunit hindi ito ang tamang panahon na ipanganak kita.

Marami pa akong nais gawin sa buhay, anak. At isa pa, hindi ko rin kayang magpalaki ng anak na mula sa isang malagim na insidente,” umiiyak na wika ni Hazel sa kaniyang sarili habang hawak niya ang kaniyang tiyan.

Doon ay napagdesisyunan ni Hazel na ipalaglag na lamang ang bata.

Habang tinatanggal sa kaniyang sinapupunan ang bata ay hindi maiwasan ni Hazel na lumuha. Una’y dahil alam niyang mali ang kaniyang ginagawa at napagtanto niyang sariling anak niya ang tinatanggalan niya ng karapatang mabuhay at pangalawa’y dahil sa galit sa lalaking lumapastangan at sumira ng kaniyang buhay.

Napabulong na lamang siya nang makita ang wala nang buhay na sanggol.

“Luna, pangangalanan kitang Luna. Patawarin mo ako, anak, sa ginawa kong ito. Patawarin mo ako dahil hindi ako naging mabuting ina,” patuloy sa pagtangis ang dalaga.

Advertisement

Pilit na bumangon si Hazel sa mapait niyang sinapit. Kahit mahirap ay pilit niyang ang binangon ang kaniyang sarili.

Nakapagtapos siya ng kolehiyo nang may pinakamataas na karangalan. Dahil dito ay kaliwa’t kanan ang mga kompanyang nag-aalok sa kaniya ng trabaho.

Makalipas ang maraming taon ay tuluyan nang nakalimutan ni Hazel ang mapait na sinapit. Naging maayos na rin ang kaniyang buhay at napagtapos na rin niya ang kaniyang mga kapatid. Nakapangasawa rin siya ng mayaman at nagkaroon sila ng isang anak.

Wala na nga yatang mahihiling pa itong si Hazel.

Ngunit isang araw, napansin na lamang ni Hazel na naglalaro ang kaniyang anak ni Riley sa silid nito at tila may kausap. Dahil nga natural lamang sa mga bata na nagitin ang kanilang imahinasyon lalo na sa tuwing sila’y naglalaro, hinayaan lamang ito ni Hazel.

Ngunit sa paglipas ng araw ay napapansin niyang nagbabago na ang kaniyang anak. Ni ayaw na nitong makihalubilo sa iba at nais na lamang niya’y magkulong sa silid at makipaglaro sa kaniyang kaibigan.

Sa puntong ito ay napagdesisyunan na ni Hazel na kausapin ang anak.

“Anak, kailangan ay makipaglaro ka rin sa mga katulad mong bata. Mas ma-eenjoy mo ang mga laruang ito kapag may kalaro ka,” saad ni Hazel sa anak.

Advertisement

“May kalaro naman po ako, mommy, kaya hindi ko na po kailangan pang lumabas,” tugon naman ng bata.

“Sige nga, anak, kung kalaro ka’y ituro mo kay mommy kung nasaan ito? Ilarawan mo rin siya sa akin,” wika pa ng ina.

“Narito po siya sa tabi ko at nakikipaglaro sa akin,” giit ng anak.

“Hindi po ba niyo siya nakikita? Nariyan po siya at nakatitig po siya sa inyo,” wika pa ni Riley.

“Anak, itigil mo na ito. Wala kang kalaro at ang lahat ay nasa imahinasyon mo lang. Lumabas ka na ng silid mo dahil naghihintay na ang ilang kalaro mo sa labas,” pilit na pinipigilan ni Hazel ang sarili na sigawan ang kaniyang anak.

Kahit ano pang sabihin ni Riley ay iginigiit ni Hazel na wala siyang nakikita.

Ngunit labis niyang ikinagulat ang sumunod na sinabi ng kaniyang anak.

“Luna, hindi ba sabi mo sa akin ay kilala mo ang mommy ko. Bakit hindi ka magpakita sa kaniya? Sabihin mo sa kaniya na narito ka at nakikipaglaro sa akin,” sambit ng bata.

Advertisement

Tumindig ang mga balahibo ni Hazel dahil sa kaniyang narinig. Sigurado siyang kahit kailan ay hindi niya naikwento sa anak ang tungkol sa anak niyang si Luna. kahit sino ay walang nakakaalam ng kaniyang tinatagong lihim.

Bumalik sa kaniyang alaala ang lahat ng nakalipas na pilit niyang kinalimutan. Pati ang kaniyang anak na kaniyang ipinalalag.

Napaluhod na lamang si Hazel at niyakap si Riley. Labis naman ang pagtataka ng bata sa ginawang ito ng kaniyang ina.

“Kapag nakita mo si Luna ay iyakap mo ako sa kaniya. Pakisabi rin na sana’y mapatawad niya ako at kahit kailan ay mananatili siya sa aking puso,” wika ni Hazel habang patuloy sa pagluha. 

Iyon na ang huling pagkakataon na nakita ni Riley ang kaibigang si Luna. Dalangin naman ni Hazel na matahimik na ang kaluluwa ng kaniyang anak. Sa tamang panahon ay nais din niyang sabihin sa lahat ang katotohanan ng mapait niyang nakalipas.