Inday TrendingInday Trending
Nagkaroon ng Lihim na Pagmamahal ang Bunso sa Asawa ng Kaniyang Ate; Hindi Niya Akalaing Ito ang Gagawin ng Ginoo

Nagkaroon ng Lihim na Pagmamahal ang Bunso sa Asawa ng Kaniyang Ate; Hindi Niya Akalaing Ito ang Gagawin ng Ginoo

“Ate, ang swerte mo talaga diyan kay Kuya Owen, ano? Bukod sa mahal na mahal ka na ay hindi pa siya nahihiya na siya ang gumagawa ng mga gawaing bahay. Parang ayos lang sa kaniya na tawagin siyang “takusa”,” sambit ni Claire sa kaniyang Ate Ava.

“Talagang mabait at mapagmahal iyang si Kuya Owen mo kaya nga hanggang ngayon ay hindi ko pa rin maiwasan na mahulog nang paulit-ulit sa kaniya. Aba! Bibihira na lamang ang tulad niyang lalaki sa mundong ito!” pagmamalaki pa naman ng nakatatandang kapatid.

“Kapag ako nag-asawa, ate, ay hahanap talaga ako ng katulad ni Kuya Owen. Parang wala ka na kasing hahanapin pa sa kaniya. Maganda na ang ang ugali ay matipuno at gwapo po!” tila tinutukso ni Claire ang kaniyang ate.

“Ikaw talaga, Claire. Huwag muna pag-aasawa iyang intindihin mo. Tandaan mo kung bakit ka nandito sa amin. Humanap ka muna ng magandang trabaho at mag-ipon. I-enjoy mo muna ang buhay mo. Gawin mo muna ang lahat ng gusto mong gawin dahil kapag nagkapamilya ka na ay mahihirapan ka na,” payo pa ni Ava.

Kakaluwas lamang ni Claire sa Maynila upang maghanap ng trabaho. Kakatapos lamang kasi nito ng pag-aaral sa kolehiyo at alam niyang mas magiging madali ang pagsuporta nila sa kanilang mga magulang kung sa Maynila makakahanap ng trabaho ang dalaga. Kaya pansamantala ay tumutuloy muna siya sa bahay ng kaniyang ate at asawa nito.

Sa kaniyang panunuluyan sa bahay ng mag-asawa ay hindi niya maiwasan na ma-obserbahan ang relasyon ng dalawa. Labis siyang naiinggit sa kaniyang nakatatandang kapatid. Bukod kasi sa maganda ang trabaho ng napangasawa nitong si Owen ay maalaga rin ito sa pamilya.

Likas ngang mabait ang ginoo. Higit pa rito, hindi nahihiya itong si Owen na ipakita ang tunay niyang nararamdaman sa asawang si Ava. Madalas niya itong lambingin at pagsilbihan kahit sa harap ni Claire.

Noong umpisa ay natutuwa pa si Claire na nakikita ang kaniyang kapatid na pinagsisilbihan ng asawa nito. Ngunit habang tumatagal ay hindi niya alam kung bakit nakakaramdam na siya ng selos at inggit.

“Ate, hindi ka ba natatakot na isang araw ay ipagpalit ka na lang ni Kuya Owen? Ang ibig kong sabihin ay baka kapag kaharap ka lamang saka ganiyan ang kaniyang ugali ngunit may itinatago rin pala siya sa’yo,” wika ni Claire sa kaniyang ate.

“Bakit, Claire? May iba ka bang napapansin sa asawa ko? Sa tingin mo ba ay nambabae siya?” pagtataka naman ni Ava.

“Hindi naman, ate. Gusto ko lang malaman kung sa ano ang gagawin mo kapag nalaman mong may iba si Kuya Owen,” saad pa ng dalaga.

“Sa totoo lang ay hindi ko alam kung ano ang gagawin ko at mararamdaman ko. Ni hindi ko nga kayang maisip na may mahal siyang iba. Matagal ko nang kilala si Owen at alam kong hindi niya ako ipagpapalit. Hindi niya ipagpapalit ang pamilyang binuo namin,” pahayag pa ni Ava.

Hindi maintindihan ni Claire kung bakit gano’n na lang ang naging pagtingin niya sa kaniyang bayaw. Marahil dahil sa likas na mabait ito’y nabigyan niya ng maling kahulugan ang pakikitungo sa kaniya ni Owen. Hanggang sa napagtanto niyang nahuhulog na ang kaniyang loob sa asawa ng kaniyang ate.

Isang araw, sa unang pagkakataon ay nakita ni Claire na nag-away ang kaniyang Ate Ava at ang mister nitong si Owen. Dahil sa labis na sama ng loob ng ginang ay umalis ito ng bahay.

“Uuwi rin ako, Claire. Ikaw na muna ang bahala sa mga pamangkin mo. Kailangan ko lang huminga at alisin ang galit sa dibdib ko. Hindi ko rin gustong makita ng mga bata ang ganitong sitwasyon,” bilin ni Ava sa bunsong kapatid.

“Ako na ang bahala dito, ate. Tatawagan na lang kita kung ano man ang mangyayari,” wika naman ni Claire.

Dahil din hindi sanay itong si Owen na nag-aaway silang mag-asawa at mabigat din ang kaniyang loob ay napilitan siyang uminom ng alak at maglasing. Uminom siya nang uminom hanggang sa langong-lango na siya.

Nang makita siya ni Claire na nagsusuka ay agad siyang tinulungan nito.

“Hindi ko naman talaga gustong saktan ang damdamin ng ate mo. Bakit kailangan niyang umalis kaysa pag-usapan namin ito?” wika pa ng lasing na si Owen.

Sa pagkakataong ito ay nakakita ng pagkakataon si Claire. Hindi niya mawari ngunit handa na siyang ibigay ang kaniyang sarili sa ginoo.

“Narito naman ako, Kuya Owen. Kaya kong ibigay ang pang-unawa na hindi kayang ibigay ng ate ko sa’yo. Nakita ko naman kung paano mo siya paglingkuran. Kaya kong ibalik sa iyo ang pagmamahal na maibibigay mo,” pahayag ni Claire habang kinakalamay niya ang kalooban ng bayaw.

Dahil basang-basa na ang damit nitong si Owen ay inihiga muna ito ni Claire upang tulungan na makapagbihis. Ngunit hindi na niya napigilan pa ang kaniyang sarili at agad niya itong hinalikan.

Ang hindi alam ni Claire ay kitang-kita ng kaniyang Ate Ava mula sa bintana ang kaniyang ginawa. Nagmadali ang ginang upang kumprontahin ang asawa at kapatid. Ngunit papasok pa lamang siya ay narinig niya si Owen na tinulak si Claire at agad itong pinagsabihan.

Nang dumampi ang mga labi ni Claire sa ginoo at tila nawala ang tama ng alak dito.

“A-ano ba ang ginagawa mo, Claire? Asawa ako ng ate mo! Mahal ko siya! Hindit tama ito!” saad ni Owen sa hipag.

“Pero mahal na kita, Kuya Owen! Ako na lang ang mahalin mo. Handa akong maging pangalawa at kaya kong itago ang lahat ng ito sa ate ko. Pumayag ka lang,” pagsusumamo ni Claire sa ginoo.

Ngunit tutol masyado si Owen sa gustong ito ni Claire.

Hanggang sa hindi na napigilan ni Ava ang kaniyang sarili.

“Hindi ko akalain na sarili ko pang kapatid ang gagawa sa akin ng ganitong bagay. Hindi mo alam kung gaano kasakit sa akin ito,” halos manghina si Ava at patuloy ang kaniyang pagluha habang sinasabi ito sa kaniyang kapatid.

“Ang sabi mo’y kapag nag-asawa ka’y kukuha ka ng tulad ni Owen pero hindi ko sinabi sa iyo na ang asawa ko mismo ang ahasin mo!” hindi na napigilan pa ni Ava na sumigaw at sampalin ang kapatid.

Labis naman ang kahihiyan at paghingi ng tawad ni Claire sa kaniyang ate.

“P-patawarin mo ako, ate. Hindi ko lang napigilan ang sarili ko! Patawarin mo ako!” pakiusap ng dalaga.

“Lumayas ka na sa bahay na ito, Claire! Hindi na kita kaya pang pagkatiwalaan! Hindi ko akalain na nagpatira ako sa bahay ko ng ahas,” giit ni Ava.

Kahit anong pagsusumamo ni Claire ay hindi na siya pinakinggan pa ng kapatid. Nang gabi ding iyon ay nagbalot siya ng gamit at tuluyan nang umalis sa bahay ng mag-asawa.

Mula noon ay nagkaroon na ang lamat ang relasyon ng magkapatid. Ni wala na ring mukhang maiharap si Claire sa kaniyang Ate Ava.

Sa kabilang banda ay lubusang pinahanga ni Owen si Ava sa pagiging tapat nito sa kanilang pagmamahalan. Hindi niya akalain na sa kahit anong sitwasyon ay kayang umiwas ng kaniyang asawa sa tukso.

Pilit na ibinaon sa limot ng mag-asawa ang pangyayaring iyon. Mas lalong tumatag ang pagsasama nila Owen at Ava. Alam nila sa kanilang mga puso na walang kahit sino o ano pa man ang makakatibag ng kanilang pagmamahalan.

Advertisement