
Nais Isahan ng Isang Gahamang OFW ang Kaniyang Kasamahan; Bandang Huli’y Hindi rin pala Niya Ito Mapapakinabangan
“Pare, ang lupit pala niyang si Charlie, ‘yung kasama mo sa apartment. Laman siya ng usapan ngayon sa kabilang departamento,” balita kay Brando ng isang katrabaho.
“Bakit? Ano’ng nangyari kay Charlie?” pagtataka ng ginoo.
“Akalain mo ‘yun, ngingisi-ngisi lang sa atin, ‘yung pala ay milyonaryo na sa Pilipinas. Samantalang mas mataas pa ang katungkulan natin sa kaniya’y pilit pa rin nating pinagkakasya ang sahod natin para panggastos dito at may paipadala sa pamilya natin. Hindi mo talaga sukat akalain, ano?” sambit pa ng lalaki.
Matagal nang may inggit itong si Brando sa kaniyang kasamahang si Charlie. Kasama niya itong naninirahan sa isang apartment ng kanilang kumpanya. Pareho silang nagtatrabaho sa pabrika sa ibang bansa ngunit laking gulat nila nang malamang marami na itong ipon.
Sa pagkakataong iyon ay naramdaman ni Charlie na muli siyang naungusan ng katrabaho.
Isang araw, habang nagpapahinga sa kaniyang apartment ay mayroon siyang narinig na balita. Nakakuha raw ng mga ginto ang ilang kasamahan sa isang disyerto.
Naisip niyang yayain si Charlie. Ang plano niya ay ito ang gumastos nang lahat upang malamangan niya ito.
“Sigurado ka ba sa sinasabi mo, Brando? Talagang may ginto sa lugar na iyon?” tanong ni Charlie sa kasamahan.
“Hindi nga raw pwedeng ipagkalat dahil kapag marami na ang nakaalam ay puputaktihin na ang lugar na iyon. Habang tayo-tayo pa lamang ang may alam nito’y agad na nating puntahan upang makarami tayo,” paliwanag pa ni Brando.
“Ngunit may hihilingin ako sa’yo. Kailangang ikaw muna ang gumastos dahil alam mo namang hindi gano’n kalaki ang pera ko. Pero kapag nakakuha tayo ng ginto ay babayaran ko rin sa’yo. Hahatiin natin ang makukuha natin tapos ay dadagdagan ko para ipambayad sa mga nagastos mo,” dagdag pa ng ginoo.
Nag-aalangan man si Charlie sa sinasabing ito ni Brando ay pumayag na rin siya dahil sa pakikisama. Hindi na rin siya umaasa pang makakakuha sila ng ginto.
Agad nilang nagplano ng kanilang gagawin sa disyerto. Nagbaon sila ng mga pagkain at inumin.
Nang makarating sila doon ay hindi nila inaakala ang init na kanilang tatamasahin.
“Pare, siguro ay bumalik na lang tayo. Baka kasi kung ano pa ang mangyari sa atin. Wala pa namang katao-tao rito, hindi natin alam kung saan hihingi ng tulong,” saad ni Charlie sa kaibigan.
“Ngayon pa ba tayo susuko, pare, malapit na tayo sa sinasabi nilang lugar. Magtitiis na lang tayo nang kaunti. Isipin mo na lang ang mga gintong makukuha natin,” wika naman ni Brando.
Sumunod na lamang si Charlie sa kaibigan kahit na uhaw na uhaw at pagod na pagod na ito dahil sa init at bigat ng kanilang dala.
Ilang oras pa ng paglalakad ay nakita na nila ang sinasabing kweba sa disyerto. Maingat nila itong pinasok. At sa kanilang pagsasaliksik ay nanlaki ang mga mata nila sa kanilang natunghayan.
“Napakaraming ginto nito, pare!” saad ni Charlie kay Brando.
“Tara na at paghatian na natin. Bitbitin mo na ang kaya mong bitbitin,” masayang sambit ni Brando.
Inilabas nila ang lahat ng gamit na nasa loob ng bag at ang mga ginto ang kanilang nilagay at agad silang umalis sa lugar na iyon sa pag-aakalang baka may dumating din at nakawin sa kanila ang mga nakuhang ginto.
Dahil sa mas mabigat na ang kanilang dala ay mas mahirap na sa kanila ang pagbalik. Naubos na rin ni Charlie ang tubig na kaniyang dala.
“Pare, may tubig ka pa ba riyan? Uhaw na uhaw na ako. Parang hindi ko na kaya talaga!’ saad ni Charlie.
Dahil halos puno pa ang sisidlan ng tubig ni Brando ay may naisip siya.
“Oo, pare, pero alam mo namang mahalaga ang tubig sa ngayon. Ganito na lang, paiinumin kita ng tubig ko, kaso sa isang lagok ay bibigyan mo ako ng isang tipak ng ginto. Pasensiya ka na, pare, titiisin ko ang uhaw ko para sa iyo,” pahayag ni Brando.
Dahil sa labis na pagkauhaw ay pumayag agad si Charlie.
Sa kanilang paglalakad ay pirmi ang panghihingi ng tubig ni Charlie kapalit ng ginto. Agad na kinukuha ni Brando ang kabayaran ng kaibigan dahi nais niyang makasigurado.
Habang tumatagal ay labis na ring nakakaramdam ng uhaw itong si Brando lalo pa ring bumibigat ang kaniyang dala habang binabayaran siya ng ginto ni Charlie para sa tubig na kaniyang kailangan.
Lalo pang tumindi ang sikat ng araw. Hanggang hindi na rin makayanan ni Brando ang init. Ngunit nang siya na ang iinom ay ubos na ito at wala nang natira ni isang patak. Wala rin silang makitang kahit sapa man lamang sa walang hanggang disyertong ito.
“Parang naliligaw na tayo. Napapagod na ako,” saad ni Brando.
“Gusto mo bang tulungan kita sa mga dala mo?” tanong naman ni Charlie.
“Hindi na! Kaya ko na ito!” kahit nahihirapan ay pilit na binubuhat ni Brando ang mga ginto sa takot na kamkamin ito ng kasamahan.
Sa pagtagal nila sa ilalim ng mainit na araw na iyon ay lubusan nang nauhaw si Brando at nawalan ng malay. Ilang sandali pa, dahil din sa init ay tuluyan na itong binawian ng buhay!
Pinipilit man ni Charlie na hilahin ang kaibigan ay nauubusan na rin siya ng lakas.
Nagpatuloy sa paglalakad si Charlie hanggang sa unti-unti na rin siyang manghina. Susuko na sana siya ngunit may nakasalubong siyang mga manlalakbay. Nang mkita siya ng mga ito’y agad siyang tinulungan at pinainom ng tubig.
Pilit man nilang balikan si Brando ay hindi na nila ito makita pa. Masakit man kay Charlie ang nangyari sa kasamahan ay wala na siyang magagawa kung hindi tanggapin ang masaklap nitong sinapit.
Bandang huli ay hindi rin napakinabangan ni Brando ang mga gintong kaniyang nakuha dahil sa kaniyang pagiging gahaman.
Samantala, bilang tulong sa pamilya ni Brando ay binigyan ni Charlie ang mga ito ng parte sa ginto na kaniyang nakuha.
Naging maunlad ang buhay ni Charlie at ng kaniyang pamilya. Tuluyan na siyang umuwi sa Pilipinas at hindi na nagtrabaho pa sa ibang bansa.
Imbes na solohin ni Charlie ang biyayang kaniyang nakuha ay ginamit niya ang kaniyang kayamanan sa pagtulong sa kapwang nangangailangan.