Inday TrendingInday Trending
Narinig Niyang Kailangan ng Mag-Inang Pumunta sa Ospital Dahil sa may Sakit na Anak at Walang Matutuluyan ang Dalawa; Tulungan Niya Kaya ang Mag-Ina?

Narinig Niyang Kailangan ng Mag-Inang Pumunta sa Ospital Dahil sa may Sakit na Anak at Walang Matutuluyan ang Dalawa; Tulungan Niya Kaya ang Mag-Ina?

Lulan ng bus si Honey pauwing Manila, nang mapansin niya ang mag-inang kaniyang katabi sa upuan. Tila may sakit ang anak nito, iyon ang pinakauna niyang napansin ayon sa pag-aalala ng ina.

Babalewalain na sana niya ang katabi nang marinig niya ang naging usapan ng ale sa kausap nito sa kabilang linya.

“Didiretso na kami sa ospital, kasi wala naman kaming matutuluyan sa Manila. Alam mo naman na wala na tayong kamag-anak doon,” malungkot na wika nito. “Hayaan mo na. Kahit sa labas na lang muna kami ng ospital matulog ng kapatid mo ayos lang, basta ang mahalaga’y mapatignan lang siya sa magaling na espisyalista rito sa Manila,” dugtong pa nito.

Pakiramdam ni Honey ay may kamay ang pumiga sa puso niya sa narinig na usapan ng ale at sa kung sinuman ang kausap nito sa selpon.

“Huwag niyo kaming alalahanin ni Melba, ang isipin mo’y ang mga naiwan nating anak d’yan sa’yo. Alagaan mo sila at huwag pababayan. Kung kinakailangang manlimos ako rito sa Manila para lamang masuportahan ang mga kakailanganin ni Melba ay gagawin ko, gumaling lamang siya. Kaya ikaw d’yan, ikaw na lang ang maaasahan ko sa mga anak natin. Kaya nakikiusap akong huwag mo silang pababayaan habang nandito kami sa Maynila,” mahabang bilin nito sa kausap.

Tantiya ni Honey ay ang asawa nito ang kausap sa kabilang linya.

“Sige na. Bye na, ingat kayo d’yan ng mga anak natin,” paalam nito sa ibinaba ang tawag.

Nilingon ni Honey ang katabing mag-ina saka nagtanong. “Ano po ba ang sakit ng anak niyo, ale?”

Nilingon siya ng ale saka malungkot na ngumiti. “Hindi ko pa nga matukoy kung ano ba talaga? Kasi no’ng pina-check up namin siya sa ospital sa bayan, ang sabi ay may mayoma raw siya. Pero noong sumunod naman ay ovarian cyst daw. Kaya hindi ko talaga alam kung alin ang totoo.

Pero napapansin kong pumapayat siya at palaging matamlay, kaya nagdesisyon na kami ng asawang kung makipagsapalaran sa Manila, para lang mapatignan siya ng tama,” anito saka muling nilingon ang anak na tulog na tulog. “Ang hirap kapag may sakit ang anak mo. Minsam gusto mo na lang hingin ang sakit niya para lang hindi mo siya nakikitang naghihirap,” dugtong nito saka pinahid ang luhang dumungaw sa mga mata nito.

Muli’y gustong maiyak ni Honey sa nakikitang sakit sa mga mata nang ale. Masakit nga siguro sa isang ina na nakikitang nahihirapan ang mga anak nila at wala man lang silang nagagawa.

“Narinig kong wala kayong matutuluyan sa Manila, ale. Gusto niyo bang doon muna manatili sa bahay namin habang nagpapagaling ang anak niyo? Mahirap kasing manatili sa ospital, tapos ikaw lang mag-isa ang mag-aalaga sa anak mo.

Mas maiging may matutulugan kayong maayos. Libre po ang alok kong ito, ale. Hindi ko kayo sisingilin, gusto ko lang na makatulong sa inyo at pagaanin kahit papaano ang bigat na pinapasan niyo,” ani Honey.

Galing sa puso niya ang nais na pagtulong, kaya kailanman ay hindi niya naisip na humingi nang kapalit sa mga taong nais niyang tulungan.

Mangiyak-ngiyak sa tuwa ang ale dahil sa alok niya. Hinawakan nito ang kaniyang kamay at labis na nagpasalamat sa kabutihan ng kaniyang puso.

Pagkarating nila ng Maynila ay agad niyang ipinaalam sa mga magulang ang pagpapatuloy niya sa mag-inang si Cynthia at Melba. Ikinuwento niya ang dahilan kaya naawa siya sa mag-ina at gaya niya’y iyon rin ang naramdaman ng kaniyang mga magulang. Hindi nagdalawang isip ang mga magulang niyang patuluyin ang mag-ina at tulungan na rin ang mga ito.

Ob-gyn doctor ang kaniyang inang si Nimfa, kaya ito na rin mismo ang kumonsulta kay Melba na may sakit sa matres. At nang makita nga nitong ovarian cyst ang sakit nito’y agad na nagsuhesyon si Nimfa na operahan na agad si Melba upang hindi na mas lumala ang kondisyon nito.

Agad namang ibinenta ng asawa ni Cynthia ang isang baka sa probinsya nila upang pandagdag sa gagastusin nila para sa magiging operasyon ni Melba, at kung anoman ang kulang ay ang pamilya na ni Honey ang dumadagdag. Kaya hindi masyadong nabigatan ang mag-ina dahil nariyan ang pamilya ni Honey upang alalayan sila.

“Maraming-maraming salamat sa inyo, doktora, pati na sa anak mong siyang naging anghel naming mag-ina. Kung hindi dahil kay Honey ay hindi namin kayo makikilala at kung hindi dahil sa kaniya ay baka sa lansangan kami natutulog ngayon nang anak ko,” tumatangis na wika ni Cynthia.

“Walang anuman iyon, Cynthia. Sinadya yata talaga ng Panginoong Diyos na pagtabihin kayo ng anak ko upang ihatid niya kayo sa’min. Masaya ako’t kahit papaano’y natulungan namin kayo at nakikita ko ang malaking improvement ni Melba mula noong una kayong naparito. Ginawa lamang kaming istrumento ng Diyos upang tulungan kang pagaanin ang bigat na dinadala mo, Cynthia,” ani Nimfa sa niyakap ang bagong kaibigan.

Napakasarap sa pakiramdam ang tumulong lalo na sa taong alam mong nangangailangan talaga nang tulong mo. Siguro nga’y tama ang sinabi ni Nimfa, sinadya yata talaga ng Panginoong Diyos na pagtabihin sina Honey at ang mag-ina, dahil alam nitong likas na maaawain at matulungin si Honey.

Makalipas ang ilang Linggo ay muling nakabalik sa probinsya sina Cynthia at ang anak nitong si Melba na hindi katulad no’ng dating hinang-hina dahil sa sakit na nararamdaman. Salamat sa mga taong handang tumulong kahit hindi nila kaano-ano ang isang tao.

Advertisement