Inday TrendingInday Trending
Iginigiit ng Mayamang Ama na Yaman Lamang Daw ang Habol ng Lalaki sa Kaniyang Anak; Patutunayan ng Lalaki ang Kaniyang Wagas na Pag-ibig

Iginigiit ng Mayamang Ama na Yaman Lamang Daw ang Habol ng Lalaki sa Kaniyang Anak; Patutunayan ng Lalaki ang Kaniyang Wagas na Pag-ibig

“Dad, matanda na po ako. Hayaan n’yo na akong magdesisyon para sa sarili ko! Mahal ko si Jerome at ramdam na ramdam kong mahal na mahal din niya ako!” sambit ni Kathy sa kaniyang amang si Henry.

“Kilala ko ang tabas ng ganiyang uri ng lalaki, anak. Yaman at kapangyarihan lang ang habol sa iyo niyan! Maniwala ka sa akin, Kathy. Pinangangalagaan lang kita. Ayaw kitang masaktan bandang huli,” saad naman ng ama.

“Ako ba talaga ang pinangangalagaan n’yo o ang apelyido na dala-dala ko? Nahihiya kayo na ang anak ng isa sa mga pinakamayaman at nirerespeto sa bansa ay makakapag-asawa ng anak ng isang panadero lamang,” saad pa ng dalaga.

“Tapos na ang usapang ito, Kathy. Hindi ako pabor sa pakikipagrelasyon mo riyan sa nobyo mo. Ramdam kong ginagamit ka lang niya para makuha niya ang lahat ng mayroon ka!” sambit muli ni Henry.

Galing sa mayaman at prominenteng pamilya itong si Kathy. Siya ang tagapagmana ng lahat ng negosyo at ari-arian ng kaniyang mga magulang. Ito ang dahilan kung bakit sobra siyang paghigpitan ng ama lalo na sa lalaking kaniyang napiling mahalin.

Anak kasi ng panadero at isang trabahador sa isa sa mga hotel ng pamilya ang iniibig ni Kathy na si Lino. Una pa lamang magtama ang kanilang mga mata ay alam na nilang sila ang nakalaan para sa isa’t isa. Dahil sa kabaitan ng binata ay lalong nahulog si Kathy sa kaniya.

Ngunit magkaiba ang kanilang mga mundong ginagalawan. Wala namang kaalam-alam dito si Lino dahil ang akala niya ay isang guest lamang sa naturang hotel si Kathy. Nang sabihin naman ng dalaga ang katotohanan tungkol sa katayuan nito sa buhay ay nais na siyang iwasan ni Lino.

Ngunit mas nanaig ang pag-ibig ng dalawa. Hanggang sa tuluyan nang nalaman ng mga magulang ni Kathy ang namamagitan sa kanila ng trabahador.

“Unawain mo na lang ang daddy mo, Kathy. Iwasan mo na si Lino. Hindi makakabuti para sa atin ang pagpapakasal mo sa kanila. Isa pa ay hindi mo naman ganap na kilala ang lalaking iyon. Gaano ka nakakasigurado na hindi lang yaman ang habol niya sa’yo?” wika ng inang si Leila.

“Bakit ba puro ‘yan na lang ang iniisip n’yo? Sa tingin n’yo ba ay hindi ako dapat mahalin dahil sa taglay kong ugali at kakayahan? Ganiyan bang kaliit ang tingin n’yo sa akin? Nakakasama kayo ng loob!” sambit naman ni Kathy.

“Hindi sa gano’n, anak. Nasa iyo na ang lahat ng pwedeng mahalin sa isang babae ngunit hindi mo maiaalis sa amin na pag-isipan siya nang masama dahil –” depensa ng ina.

“Dahil mahirap lang siya at napakayaman natin? Napakababaw ng tingin n’yo sa pagmamahal, ma. Lahat sa inyo ay dahil lang sa pera. Nakapagdesisyon na po ako. Sasama na ako kay Lino at wala nang makakapigil pa sa amin!” saad ng dalaga.

Dahil ayaw ng mga magulang na malayo itong si Kathy sa kanila ay napilitan silang tanggapin ang pag-iisang dibdib ng anak kay Lino.

Naging laman ang pamilya ng lahat ng usapan at mga balita dahil sa pag-iisang dibdib na ito. Hindi naman maiwasan ang masamang iniisip ng mga tao tungkol kay Lino at Kathy.

“Tingnan mo ang ginawa mo, Kathy? Pinagpipyestahan na tayo ngayon ng lahat ng tao. Ang sabi nila ay nabuntis ka raw dahil nagrebelde ka sa amin,” saad ng amang ni Henry.

“Pabayaan n’yo na sila, dad. Alam naman natin kung ano ang katotohanan. Basta masaya ako sa pagpapakasal ko kay Lino at wala akong pinagsisisihan sa naging desisyon ko,” wika naman ni Kathy.

Ngunit kahit na nakikita ni Henry na walang pagsidlan ang kaligayahan ng anak ay hindi pa rin niya maiwasan na pag-isipan ng masama itong si Lino. Bawat kilos ng manugang ay pinabantayan niya sa kaniyang mga tauhan. Kahit saan magtungo ang ginoo ay pinasusundan ito ni Henry.

Batid naman ni Lino ang ginagawang ito sa kaniya ng mayamang byenan.

“Pasensya ka na kay daddy. Kilala mo naman siya. Darating din ang araw na matatanggap ka n’ya,” saad ni Kathy sa asawa.

“Kaya minsan ay gusto ko talagang bumukod na tayo. Kahit simpleng buhay lamang ang mayroon tayo basta walang makikialam sa atin. Hindi ko naman nais ang magarbong buhay na mayroon ka. Kaso alam kong sanay ka na sa ganito. Aaminin kong hindi ko kayang ibigay sa’yo ang yaman na mayroon ang pamilya mo pero pagsusumikapan kong buhayin ka at bigyan ng magandang buhay sa abot ng makakaya ko,” wika naman ni Lino.

“Kahit wala ang yaman na ito, Lino, basta kasama kita. Pero nag-iisa lang akong anak ng mga magulang ko. Kailangan din nila ako. Sa ngayon ay hinihingi ko ang pang-unawa mo sa kanila. Darating din ang panahon na hindi ka na nila paghihinalaan pa at magiging maayos na ang lahat,” saad pa ni Kathy.

Lumipas ang mga taon ngunit walang pagbabago sa pakikitungo ni Henry kay Lino. Lagi niya itong minamata sa kung ano ang narating nito sa buhay. Walang tiwala ang mayamang ginoo sa lahat ng mga desisyon ni Lino para sa kanilang mag-asawa.

Hanggang sa isang araw ay bigla na lamang nagkasakit itong si Kathy. Nagkaroon ito ng malalang karamdaman na namana niya sa pamilya ng kaniyang ina at unti-unting nanghina.

Ginamit ng mag-asawa ang kanilang yaman upang maghanap ng lunas sa sakit ng anak sa iba’t ibang panig ng mundo. Ngunit sila ay nabigo.

“Patawarin mo ako, Lino,” sambit ni Kathy sa kaniyang asawa.

“Sumumpa ako sa’yo na kahit kailan ay hindi kita iiwan ngunit sa tingin ko ay kailangan ko nang mamaalam sa iyo upang sumama sa ating Nilikha,” patuloy pa ni Kathy.

Bumaha ng luha sa silid nang araw na iyon. Batid ng lahat na ano mang oras ay babawiin na ang buhay ni Kathy.

Sa kabila ng lahat ng nangyayari ay patuloy pa rin si Henry sa pag-iisip ng masama tungkol kay Lino. Iniisip niyang masaya pa ang manugang marahil sa pagkawala ng kaniyang asawa dahil mapupunta na kay Lino ang lahat ng yaman na para sa anak.

Ilang sandali pa nga ay tuluyan nang namaalam si Kathy baon ang pagmamahal ng kaniyang asawa. Makalipas ang ilang araw ay inilibing na rin nila ang mga labi ni Kathy.

Pagkatapos nito ay agad na kinumpronta ni Henry ang manugang.

“Siguro naman ay masaya ka na sa pagkawala ng anak ko? Sa iyo na mapupunta ang lahat ng yaman na dapat ay sa kaniya. Magagawa mo na ang lahat ng gusto mo,” wika pa ng ginoo.

Napatitig na lamang ang mga lumuluhang mata ni Lino sa kaniyang byenan.

“Hanggang sa huli ay ganito pa rin ang iniisip n’yo sa akin? Na tanging yaman n’yo lang ang habol ko? Mahal ko si Kathy at kung pwede lang ibigay ko ang buhay ko sa kaniya ay ginawa ko na. Minahal ko siya dahil sa kabutihan ng kaniyang puso at positibo niyang pagtingin sa buhay. Kung nagkapalit man kami ng katayuan, ako ang mayaman at siya ang mahirap at nakilala ko siya’y siya pa rin ang pipiliin ko nang paulit-ulit,” lumuluhang sambit ni Lino.

Pumasok sa silid si Lino upang kunin ang kaniyang mga gamit at tuluyan nang nilisan ang mansyon ng yumaong asawa. Tanging ang larawan lamang sa kanilang kasal ang binitbit ni Lino paalis ng malaking bahay na iyon.

Dahil sa ginawang ito ni Lino ay napahiya si Henry. Dito niya napagtanto na sinayang lamang niya ang lahat ng pagkakataon na dapat ay napaligaya niya ang anak sa pagtanggap niya nang buo sa minamahal nitong si Lino.

Mula noon ay tuluyan nang tinalikuran ni Lino ang lahat ng tungkol sa pamilya ni Kathy. Lalo pang nagpaantig sa kalooban ni Henry nang malamang kahit kailan ay hindi na umibig at nag-asawang muli si Lino.

Advertisement