Inday TrendingInday Trending
Nabuhay sa Poot at Sama ng Loob sa Ama ang Isang Dalaga; Kamatis Lang Pala ang Magpapabago ng Kaniyang Isip

Nabuhay sa Poot at Sama ng Loob sa Ama ang Isang Dalaga; Kamatis Lang Pala ang Magpapabago ng Kaniyang Isip

“Eunice, hanggang kailan mo ba balak iwasan ang papa mo? Nawawalan na rin ako ng idadahilan sa kaniya,” saad ni Temyong sa dalagang apo.

“Bakit kasi hindi mo pa po sabihin sa kaniya ang totoo? Sabihin n’yo na ho kasi sa kaniya na ayaw ko siyang makita!” tugon naman ng ni Eunice.

“Hanggang ngayon pa ba ay masama ang loob mo sa papa mo? Matagal na panahon na ‘yun, apo. Wala na ang nanay mo at tanging ang papa mo na lang ang magulang mo,” paliwanag naman ng matanda.

“Kasalanan niya na nawala nang maaga si mama. Kung hindi niya binigyan ng sama ng loob ang mama ko ay malamang ko’y kasama pa rin natin siya hanggang ngayon. Bakit ba kailangan pa niyang guluhin ang buhay ko? Hindi ba’t may iba na siyang pamilya? Doon na lang siya!” muling sambit ng apo.

“Sa susunod na magpunta dito ang papa mo ay kailangan mo na siyang harapin, apo. Ayusin mo ang lahat sa pagitan n’yo habang may pagkakataon pa,” payo ng matanda.

Madalas kung pagsabihan ni Lolo Temyong ang kaniyang apo dahil sa pakikitungo ng dalaga sa ama nito. Masama pa rin kasi magpahanggang ngayon ang loob ni Eunice sa pang-iiwang ginawa sa kanilang mag-ina ng kaniyang ama. Sinisisi rin ng dalaga ang kaniyang ama sa pagkakaroon ng sakit sa puso ng kaniyang ina.

Labis na lungkot ang idinulot nito sa damdamin ni Eunice dahilan upang kapootan niya ang amang si Rick.

Ilang beses nang pabalik-balik si Rick sa bahay ng maglolo upang makausap niya ang dalaga. Nais niyang humingi ng tawad sa lahat ng nagawa niya ngunit ayaw siyang harapin ni Eunice.

Hanggang sa isang araw ay hindi na niya maiwasan pa ang ama nang hindi sinasadyang magkaharap sila sa isang restawran.

“Kausapin mo naman ako, anak. Ano ba ang kailangan kong gawin para kausapin mo lang ako?” pagmamakaawa ni Rick sa dalaga.

“Anak? Ngayon ay tatawagin mo akong anak? Nasaan ka ba noong kailangan ka namin ng mama ko? Hindi ba nandiyan sa piling ng bago mong pamilya? May mga anak ka na, hindi mo na ako kailangan pa!” pagtataboy naman ni Eunice sa ama.

“Pakinggan mo naman ang paliwanag ko, anak. Anak pa rin naman kita at mahal kita. Hayaan mong makabawi ako sa lahat ng pagkukulang ko. Patawarin mo na ako, anak,” muling pakiusap ng ginoo.

“Tigilan mo nga ang pagtawag sa akin ng anak dahil kinikilabutan ako! Tawagin mo akong anak kung nagpakaama ka sa akin at kung naging mabuting asawa ka sa mama ko. Bumalik ka na sa pamilya mo dahil wala kang anak na narito!” mariing sambit ni Eunice.

Labis na nasaktan si Rick sa mga pahayag ng anak. Ngunit nauunawaan niya kung saan nanggagaling ang galit nito.

Nang malaman ni Temyong ang nangyari sa pagatin ng apo at ng ama nito ay agad niyang pinagsabihan si Eunice.

“Bakit mo naman pinagsalitaan ng hindi maganda ang papa mo?” sita ni Lolo Temyong.

“Ang kulit kasi n’ya. Sinabi ko lang naman sa kaniya ang katotohanan. Hindi ko na siya kailangan sa buhay ko, lolo. May pamilya na rin naman siya kaya hindi na rin niya ako kailangan pa,” tugon naman ng dalaga.

“Huwag kang magsalita ng ganiyan, apo. Kahit anong mangyari ay siya pa rin ang papa mo. Kahit paano pa nga ay maswerte ka dahil nariyan pa siya. Napagtanto niya ang lahat ng kaniyang kamalian kaya ngayon ay lumalapit siya sa’yo,” paliwanag pa ng matanda.

“Ang sabihin n’ya ay inuusig lang siya ng konsensya n’ya! Baka hindi makatulog sa gabi kaya ngayon ay kinukulit ako!” muling sagot ni Eunice.

Batid ni Lolo Temyong na matigas pa rin ang puso ni Eunice sa ama at kahit ano pa ang sabihin niya’y hindi na magbabago ang panananaw nito.

Kinabukasan, maagang ginising ni Lolo Temyong itong si Eunice.

“Lolo, ano po ang ginagawa n’yo dito sa silid ko? Napakaaga pa. Wala po akong pasok ngayon sa opisina,” saad ng dalaga habang pilit na bumabalik sa pagkakatulog.

“Ilalagay ko lang itong mga kamatis sa gilid ng iyong kama. Huwag mong aalisin ang mga ito, a! Sige, bumalik ka na sa pagkakatulog mo,” wika naman ni Lolo Temyong.

Nang hapong din iyon ay nilagyan ni Lolo Temyong ng bulok na kamatis ang mga magagandang kamatis na inilagay niya sa sisidlan sa gilid ng kama ng apo.

“Ano po ba ‘yan, lolo? Bakit kailangan n’yong gawin ‘yan?” pagtataka ni Eunice.

“Nais kong obserbahan mo ang mga kamatis na ito. May malaking aral na naghihintay sa’yo,” saad pa ng matanda.

Lumipas ang mga araw at unti-unting nabubulok ang mga magagandang kamatis. Umaalingasaw na ang amoy nito sa silid ng dalaga.

“Lolo, aalisin ko na po ang mga kamatis. Napakabaho na po at inuuod na ang iba! Ano po ba ang nais n’yong ipabatid sa akin?” naiinis na wika ni Eunice.

“Nakita mo kung gaanong kaganda ng mga kamatis na nilagay ko noong isang umaga? Tapos nang hapon ay nilagyan ko naman ng isang bulok na kamatis,” bungad ni Lolo Temyong.

“Ang magagandang kamatis ay nagsisimbolo ng magagandang bagay sa buhay mo, mga masasayang sandali, mga pangarap mo sa hinaharap. Samantalang ang kamatis naman na bulok ay ang galit, hinagpis, at sama ng loob mo sa iyong ama. Tingnan mo ang ginagawa nito sa buhay mo. Dinadamay ng poot mo ang lahat ng magagandang bagay sa buhay mo. Kung aalisin mo ito at palalayain mo ang iyong sarili ay mas magiging magaan ang kalooban mo. Hindi mo na kailangan pang tiisin ang amoy ng mga nabubulok na mga kamatis,” pahayag pa ng matanda.

Nakuha ni Mang Temyong ang atensyon ng kaniyang apo. Napagtanto ni Eunice na ang tinutukoy ng kaniyang lolo ay ang galit at sama ng loob niya sa kinamumuhiang ama.

“Palayain mo na ang sama ng loob mo, apo. Matagal nang wala ang nanay mo at hindi rin niya gusto na mabuhay ka sa galit. Hindi naman ibig sabihin ng pagpapatawad mo sa iyong ama ay kailangan mo nang sumama sa kaniya. Panahon lamang ang makakapagsabi kung talagang magiging malapit kayo sa isa’t isa. Ngunit sa ngayon ay pakawalan mo na ang galit mo. Magpatawad ka na, apo,” dagdag muli ni Lolo Temyong.

Nang araw na ding iyon ay tinawagan ni Eunice ang kaniyang ama upang makipagkita. Doon ay pinag-usapan nila ang lahat ng nangyari sa kanilang pamilya. Inilabas ni Eunice ang lahat ng sama ng loob na kaniyang kinikimkim sa ama hanggang sa tuluyan na niyang pinalaya ang sakit na kaniyang nararamdaman.

“Pinapatawad ko na po kayo, papa. Bibigyan ko po kayo ng pagkakataon upang maging ama sa akin. Patawad din po sa lahat ng nasabi ko sa inyo. Tiyak kong kung buhay ang mama ko ay pagagalitan din ako no’n,” wika ni Eunice habang nangingilid ang mga luha sa mga mata.

“Hayaan mo, anak, sa pagkakataong ito ay gagawin ko ang lahat upang hindi ka biguin muli,” wika naman ni Rick sa dalaga.

Mula noon ay pinagsikapan ni Rick na ibalik ang tiwala sa kaniya ng anak na si Eunice. Mas naging maayos naman ang disposisyon sa buhay ng dalaga dahil sa wakas ay wala na siyang mabigat na dala-dala sa kaniyang dibdib.

Malaki ang pasasalamat ni Eunice sa kaniyang Lolo Temyong dahil sa mga aral na ibinahagi nito sa kaniya.

Advertisement