Ginagamit ng Dalaga ang Kaniyang Ganda at Alindog upang Kumabit sa Mayayaman; Labis na Kahihiyan ang Kaniyang Daranasin dahil sa Kalokohan
“O, Miles, saan ang punta mo at bihis na bihis ka? Huwag mong sabihin sa akin na may bago ka na namang dyowa?” tanong ng panganay na si Annie sa kaniyang bunsong kapatid.
“May kikitain lang ako sa mall, ate. Alam mo naman hindi pwedeng ikulong ko na lang ang ganda ko dito sa bahay. O siya, aalis na ako kasi kanina pa raw naghihintay sa akin ang bago kong boylet!” saad naman ng dalaga.
“Siguraduhin mong walang sabit ‘yang nobyo mo, Miles. Sa totoo lang, nag-aalala ako sa mga ginagawa mo. Ni hindi ko alam kung sino ang mga nakakasama mo. Baka mamaya ay sinasabi lang nila sa’yo na binata sila tapos ay pamilyado naman,” paalala naman ng ate.
“Malaki na ako, ate. Alam ko na ang ginagawa ko. Saka anong magagawa ko kung sila ang humahabol-habol sa akin. Huwag ka nang mag-alala pa riyan dahil kaya ko naman ang sarili ko. Aalis na ako baka mamaya ay mainip na ‘yung naghihintay sa akin. Maudlot pa ‘yung mga gusto kong ipabili,” pagmamadali pa ni Miles.
Labis na inaalala ni Annie ang kaniyang bunsong kapatid. Sa kaniya na kasi ito ipinagkatiwala ng kaniyang mga yumaong magulang. Matigas kasi ang ulo nitong Miles. Imbis na mag-aral ay walang inatupag kung hindi magnobyo ng mayaman. Malaki kasi ang paniniwala ni Miles na sa ganitong paraan niya madaling makukuha ang lahat ng inaasam.
Dahil hindi mapakali si Annie ay palihim niyang sinundan ang kapatid. Nagtungo rin siya sa mall. Labis na ikinagulat ni Annie nang makita niya kung sino ang katagpo ng kaniyang kapatid.
Dahil ayaw niyang iskandaluhin ang kapatid ay hinintay niya itong makauwi ng bahay. Inabot na ng umaga si Annie sa paghihintay sa pag-uwi ng kaniyang kapatid.
Pagdating palang ni Miles ay kinompronta na kaagad siya ni Annie.
“Saan ka galing? Bakit ngayon ka lang? Sino talaga ang kasama mo buong magdamag, Miles?” sunud-sunod na tanong ng nakatatandang kapatid.
“Bakit ba parang imbestigador ka kung magtanong? Nasa tamang gulang naman na ako para magdesisyon para sa sarili ko. Huwag mo na nga akong pakialaman, ate!” naiinis na sagot naman ni Miles.
“Akala mo ay hindi ko alam kung sino ang totoong kasama mo?! Pati ba naman ang asawa ng kapitbahay natin ay pinatos mo, Miles. Ganyan ka na ba kadesperado?” galit na sita ni Annie.
“Hindi ko kasalanan kung losyang na ‘yang si Aling Marites. Pinakikisamahan na lang naman ni Danilo ‘yung asawa n’yang ‘yun dahil may mga anak sila. Saka isa pa, nag-iingat kami kaya wala kang dapat alalahanin,” tugon pa ng dalaga.
“Naririnig mo ba ‘yang sinasabi mo, Miles? Ayos lang sa’yo na maging kabit ka? Ganyan ka na ba kababa?” sambit muli ni Annie.
“Sana ay hindi mo pagsisihan ‘yang ginagawa mo sa buhay mo! Paano mo naatim na makatulog sa gabi gayong may sinisira kang pamilya?” dagdag pa ng nakatatandang kapatid.
Imbis na makonsensya ay ipinagpatuloy pa rin ni Miles ang kaniyang pakikipagrelasyon sa kapitbahay na si Danilo. Seaman kasi ang ginoo at naibibigay nito ang lahat ng hiling ng dalaga.
Isang araw ay nagulat na lamang si Annie nang makita si Aling Marites sa labas ng kanilang pinto. Biglang kinabahan ang dalaga. Nakahanda na siya sa isang malaking komprontasyon. Ngunit nakahinga siya nang maluwag nang malamang iba pala ang pakay ng ale.
“Manghihiram lang sana ako ng kaunting pera, Annie. Baka naman mayron ka d’yan? Wala na kasi talaga akong malapitan. Pasakay pa lang ulit kasi ng barko ang asawa ko. Kinulang ang pambili ng gatas ng mga anak namin. Ang sabi kasi niya ay marami raw siyang binayaran sa pag-aasikaso ng papeles niya pabalik ng barko,” wika pa ni Aling Marites.
Dahil sa awa ay pinahiram na agad ni Annie ang ginang.
Agad namang sinita ni Annie si Miles dahil sa pangyayaring ito.
“Tigilan mo na ang pakikipagrelasyon diyan kay Mang Danilo. Nagpunta dito si Aling Marites. Maawa ka naman sa mga anak niya, Miles. Alam kong sa’yo dinala ng lalaking ‘yon ang pera at hindi sa pag-aasikaso ng mga papeles. Makonsensya ka naman!” wika pa ni Annie sa kapatid.
“Si Danilo naman ang may gusto na bilhan ako ng mga bag at alahas. Saka ‘yang si Aling Marites, dumadrama lang ‘yan. Paanong mauubusan ng pera si Danilo, e, seaman ‘yun! Baka hindi na lang kasi binibigyan ng asawa niya kaya nangutang na lang. At nagpadala ka naman sa mga paawa niya!” wika naman ni Miles.
“Sa totoo lang, Miles, ako ang kinikilabutan sa ginagawa mong iyan. Habang maaga ay umalis ka na sa sitwasyong ‘yan! Huwag mong sirain ang sarili mo para lang sa mga materyal na bagay!” sambit muli ng nakatatandang kapatid.
Ngunit wala na talagang makakapigil pa kay Miles. Ang matindi pa ro’n ay hindi lang pala si Danilo ang lalaki sa kaniyang buhay. Basta may seaman siyang nakikilala ay kaniyang inaakit upang mahumaling sa kaniya. At kapag hulog na hulog na sa kaniya ang mga lalaki ay saka niya gagatasan.
Kaliwa’t kanan ang mga bagong gamit, gadget at alahas ni Miles. Lahat ng gustuhin niya ay kaniyang nakukuha. Ngunit ang akala niyang walang katapusang ligaya ay mag-uumpisa nang matuldukan nang si Aling Marites mismo ang makahuli ng mga mensahe ni Miles sa mister niyang si Danilo.
Hindi makapaniwala si Aling Marites nang makita niya ang mga hub@d na larawang pinapadala ni Miles. Nais sana niyang sugurin si Miles sa bahay nito dahil nanginginig na ang kaniyang kalamanan sa sobrang galit. Ngunit may iba siyang plano.
Hanggang sa kinabukasan, madaling araw pa lamang ay walang patid ang pagtunog ng selpon ni Miles. Nagising naman si Annie dahil sa ingay din ng kaniyang selpon.
Nang kaniyang tingnan kung ano ito ay nagkakagulo na pala ang ilang kaanak maging ang mga taong hindi naman nakakakilala kay Miles. Pinost pala kasi ni Aling Marites ang lahat ng hub@d na larawan ni Miles sa social media at doon ay pinagpyestahan ito.
Maraming masasakit na salita ang sinabi ng mga taong nakakita ng pang-aakit ni Miles. Pati ang pagpapabili nito ng kung anu-ano kay Danilo. Ang masaklap pa ay nakarating din ito sa ibang lalaking pinapaikot din ng dalaga. Ang iba ay nagbanta pa dahil sa panlolokong kaniyang ginawa.
Labis ang pagsisisi ni Miles sa pangyayaring ito. Wala na siyang mukhang maiharap sa tao. Simula noon ay hindi na siya lumabas pa ng bahay sa takot na maging tampulan ng tukso at kahihiyan. Lumiit masyado ang kaniyang mundo. Kung nakinig lamang siya sa kaniyang ate ay hindi na sana nangyari pa ito.
Pilitin mang baguhin ni Miles ang kaniyang sarili at itama ang kaniyang mga nagawang kasalanan ay panahon na lamang ang makapagsasabi kung kailan makakalimutan ng madla ang mga kumalat na larawan. Habang buhay niyang dadalhin ang kahihiyang ito sa kaniyang sarili.