Binalaan ng Ina ang Anak sa Paglapit sa Isang Binatang Nasasangkot Lagi sa Gulo; Bandang Huli’y Mapapatunaya Niyang Tama pala ang Ina
“Erik, hindi ba sinabi ko na sa’yo na walang mabuting daldalhin ang pakikipagkaibigan mo riyan kay Santi? Kilalang ad*k ‘yon! Baka mamaya ay kung ano pa ang ituro sa’yo ng siraulong ‘yun! Baka mamaya ay madamay ka pa sa lahat ng gulo niya,” pag-aalala ng inang si Laura.
“Sa totoo lang, ‘nay, sa tingin ko ay hindi lang siya nauunawaan ng mga tao. Mabuti ang pakikitungo niya sa akin. Siya pa nga ang tumulong sa akin para matanggap sa trabaho sa talyer. Hindi lang talaga maganda ang impresyon sa kaniya ng mga tao. Pero sa tingin ko ay pilit naman niyang binabago ang kaniyang sarili,” paliwanag naman ng binata.
“Naku, sana nga ay totoo ‘yang sinasabi mo na nagbabago na iyang si Santi. Nag-aalala lang ako anak dahil baka mamaya ay kung ano ang mangyari sa’yo sa pakikipagkaibigan mo sa lalaking ‘yan,” muling sambit ng ginang.
“Huwag na po kayong mag-alala, ‘nay, dahil alam ko po ang ginagawa ko. Saka nag-iingat din naman po ako. Hindi ko hahayaang madamay ako sa mga gusot niya,” wika naman ni Erik.
Palaaway at laman ng gulo ang binatang si Santi. Dati nga ay nasangkot pa ito sa pinagbabawal na gamot at minsan na rin itong nakulong. May mga balita pa na may mga taong nais kunin ang buhay nito dahil sa pang-aagrabyado. Kaya gano’n na lang ang kaba ni Laura para sa kaniyang anak nang malaman niyang napapalapit kay Santi si Erik.
Ni sa hinagap kasi ay hindi niya kayang masaktan ang kaisa-isang anak. Ngunit dahil sa pagnanais ni Erik na makatulong sa ina ay tinanggap nito ang tulong mula kay Santi. Ang tiyuhin kasi ni Santi ang may-ari ng talyer sa kanilang lugar kung saan nagtatrabaho ngayon ang binatang si Erik.
Isang araw ay napadpad si Santi sa talyer. Hinahanap nito si Erik dahil mayroon siyang nais ipakisuyo.
“Narito ba ang tiyuhin ko, Erik? Huwag mo nang banggitin sa kaniya itong hihingin ko sa’yong pabor. May kaibigan kasi ako at may ibibigay raw siya sa akin. Kapag kasi sa akin ibibigay ay paghihinalaan na naman ako ng mga tao na may ginagawang masama. Tutal, kilala ka naman nilang mabait at mapagkakatiwalaan, pwede bang ikaw na lang ang tumanggap ng ibibigay niya sa akin?” pakiusap ni Santi kay Erik.
Dahil hindi maganda ang kutob ni Erik sa pinapakisuyong ito ng binata ay agad siyang nagtanong.
“P-pwede ko bang malaman kung ano ang ibibigay n’ya sa’yo? Hindi naman sa wala akong tiwala, Santi, nag-iingat lang ako,” saad naman ni Erik.
“H-hindi ko nga rin alam. Basta ang sabi lang niya sa akin ay munting regalo para sa kaarawan ko. Siyempre hindi naman ako makakatanggi. Saka hindi ko na tinanong kung ano dahil surpresa raw ito,” pahayag naman ni Santi.
Pinag-iisipang mabuti ni Erik kung gagawan niya ng pabor ang binata. Nais sana niyang tumanggi dahil sa takot at dahil na rin sa babala ng kaniyang ina ngunit bumanat na kaagad si Santi.
“Tutal ako naman ang dahilan kung bakit ka napasok sa talyer na ito. Dahil sa akin ay nagkatrabaho ka. Baka naman pwede mong ibalik sa akin ang pabor. Aabutin mo lang naman, Erik. Itatago mo lang sandali at ibibigay sa akin,” pakiusap pa ng binata.
Wala nang nagawa pa si Erik kung hindi sumunod kay Santi. Naisip din kasi niya na baka ito na rin ang maging dahilan upang makabayad siya ng utang na loob.
Kinagabihan bago magsara ang talyer ay dumating ang kaibigang sinasabi ni Santi. May inabot itong maliit na kahon kay Erik.
“Pakisabi sa kaibigan ko na maligayang kaarawan. Marami ‘yan. Kung gusto mo ay pwede kang humingi kay Santi,” saad ng lalaki.
Lalong nagtaka si Erik sa tunay na lamang ng kahon. Dahil maghahatinggabi na ay isinara na ni Erik ang talyer at tuluyang umuwi. Nais sana niyang iwan ang kahon ngunit mariing ibinilin ni Santi na itago ito sa kaniyang tiyuhin.
Kaya walang pagpipilian si Erik kung hindi iuwi ang naturang kahon.
Isang kanto na lang ang pagitan ng bahay mula sa kinatatayuan ng binata ay saka nagpakita itong si Santi.
“Dala mo na ba ‘yung regalo sa akin? Baka mamaya ay nakita ng tiyuhin ko,” tanong ni Santi.
“Wala akong pinagsabihan kahit sino Sige na, Santi, tutal nasa iyo naman na ang kahon na iyan ay uuwi na ako,” pagpapaalam naman ni Erik.
Ngunit pilit na sinusundan ni Santi si Erik. Saka niya ipinakita ang tunay na laman ng kahon.
“Ipinagbabawal na gamot? Akala ko ba, Santi, ay nagbago ka na?” gulat na tanong ni Erik.
“Ito naman parang hindi tunay na lalaki. Tara, sumama ka sa akin at tuturuan kita kung paano ito gamitin. Matatanggal ang lahat ng problema mo sa buhay!” wika pa ng binata.
Labis ang pagtanggi ni Erik. Dahil sa ginawang ito ng binata ay napahiya si Santi. Ngunit hindi tumigil si Santi sa panghihikayat kay Erik na subukan din ang kaniyang mga bisyo. Hindi talaga ito nais ni Erik kaya upang tigilan siya ni Santi ay pumapayag na lang siyang mamagitan sa pagkuha at pag-abot ng “regalo” ng kaibigan.
Hanggang sa isang araw ay napansin ni Aling Laura na tila may bumabagabag sa kalooban ng anak.
“Ayos ka lang ba, Erik? Bakit may nangyari ba sa trabaho?” tanong ng ina.
Dahil ayaw ni Erik na mag-alala pa ang kaniyang nanay ay hindi na lang niya sinabi pa ang katotohanan.
“Pagod lang ako siguro, ‘nay,” tugon ng anak.
“Erik, ‘yung sinabi ko sa’yo tungkol kay Santi. Ang balita dito ay mainit na naman daw ang mga mata ng pulis sa kaniya. Sana ay tuluyan mo nang layuan ang lalaking iyan. Kahit umalis ka na lang sa trabaho basta hindi ka madamay sa mga gulo sa buhay ni Santi,” muling paalala ng ina.
Dahil dito ay nais nang manindigan ni Erik na hindi na siya muli pang papayag sa nais ni Santi. Lalakasan na niya ang kaniyang loob na tanggihan ang binata kahit ano pa man ang maging kapalit nito.
Ilang araw ang nakalipas ay muling lumapit si Santi kay Erik upang padaanin ulit sa kaniya ang “regalo” raw na ibibigay ng kaibigan. Dahil alam na ni Erik ang tunay na laman ng kahon ay labis ang kaniyang pagtanggi.
“Labas na ako riyan, Santi. Nais ko lang ay magtrabaho. Ayaw ko ng magulong buhay. Tutal patas naman na tayo, ‘di ba? Huwag mo na akong idawit sa gusot mo!” sambit ni Erik.
Nayabangan at napahiya si Santi sa ginawang ito ni Erik. Hindi ito pumayag na basta na lang siyang talikuran ng binata.
“Ang yabang mo, Erik, tandaan mo ‘yan! May kalalagyan ka sa akin. Hintayin mo lang ang araw na ‘yun!” babala ng binata.
Natatakot man sa balak na gawin sa kaniya ni Santi ay tinatagan ni Erik na manindigan sa kaniyang pasya.
Hindi akalain ni Erik na tototohanin ni Santi ang kaniyang banta. Pinainan niya si Erik ng ipinagbabawal na gamot. Iniligay niya ito sa gamit ng binata. At saka siya tumawag ng pulis upang ireport na mayroong tauhan ng talyer ang nagbebenta at gumagamit ng dr0g@.
Abot hanggang tenga ang ngiti ni Santi nang makitang kinakausap ng mga pulis si Erik dahil sa nakita nilang ipinagbabawal na gamot sa bag nito. Ngunit imbis na arestuhin ang binata ay nagulat na lamang si Santi nang siya ang dakpin ng mga pulis.
“A-anong ibig sabihin nito? Wala naman kayong nahuli sa akin bakit pati ako ay nadamay? Siya ang dapat na makulong!” pagpipiglas ni Santi.
Nagulat na lamang si Santi nang ang mismong tiyuhin na niya ang nagsalita.
“Ako ang nagpahuli sa’yo, Santi. Nakita ko sa CCTV ang ginawa mong paglalagay ng dr0ga sa bag ni Erik. Hanggang ngayon ay hindi ka pa rin nagbabago! Ngayon ay nais mo pang manira ng isa pang buhay. Siguro nga ay hindi ka na dapat pang makalabas sa kulungan dahil isa kang salot ng lipunang ito. Pagnilayan mo ang lahat ng masasamang ginawa mo sa likod ng rehas!’ sambit ng tiyuhin ng binata.
Labis ang pagkabiglang ito ni Santi. Hindi niya akalain na siya pa pala ang mismong mabibitag sa kaniyang patibong.
Laking pasalamat naman ni Erik dahil sa ginawang ito ng kaniyang amo. Hindi niya kasi lubos maisip ang pangambang maaari niyang dalhin sa ina kung siya ay napagbintangan.
Nang malaman naman ni Laura ang nangyari sa anak ay halos mahimatay ito sa kaba.
“Salamat sa Diyos at walang masamang nangyari sa iyo, anak. Hindi ko makakaya kapag napasama ka,” saad ni Laura sa anak.
Simula noon ay namili na ng magiging kaibigan itong si Erik.
Samantalang si Santi naman ay tuluyan nang hinayaan ng kaniyang tiyuhin na makulong dahil sa perwisyong idinudulot nito.