Mayabang ang Ginang na Nagpapagawa ng Malaking Bahay; Isang Pangyayari ang Magtuturo sa Kaniya na Magpakumbaba
Maaga pa lang ay nagising na si Aling Flora. Iyon kasi ang unang araw na sisimulan ang paggawa ng magandang bahay na matagal na niyang pinapangarap.
Nang dumating ang alas otso at wala pa rin ang mga manggagawa ay kagyat na tumaas ang kilay ni Flora.
“Ano ba naman ‘tong mga karpinterong ‘to, unang araw pa lang, huli na kaagad sa trabaho!” iritang bulalas niya habang nakatanaw sa pagdating ng mga manggagawa.
Makalipas ang sampung minuto ay isang sasakyan ang huminto. Lulan nito ang mga manggagawa.
“Ma’am, pasensiya na ho kayo, nasiraan kasi kami ng sasakyan,” wika ng foreman na nagngangalang Junel.
“Ano pa nga bang magagawa ko?! Hala, sige, magsimula na kayo nang hindi naman masayang ang ibinabayad ko sa inyo!” mataray na utos niya sa lalaki.
Agad namang tumalima ito at nagsimulang mag-utos sa mga tauhan.
“Ito ang problema sa mga maliliit na manggagawa eh, kaya hindi umaasenso, tatamad-tamad!” nakairap pang talak niya habang minamasdan ang mga karpinterong nagkukumahog sa paghahanda ng mga kagamitan.
Ilang sandali lang ay abala na ang lahat sa pagtratrabaho.
Makalipas ang tatlong oras ay nagtaka siya nang magtipon-tipon ang mga karpintero habang pinagsasaluhan ang isang payak na meryenda.
“Bilis-bilisan niyo ha, tandaan niyo kanina, tanghali na kayo dumating,” muli ay paalala niya sa mga trabahador.
“Opo, Ma’am!” halos magkakapanabay na wika ng mga ito.
Pilit na inalis ni Flora ang inis sa kaniyang sistema. Gusto niya kasing maging positibo lalo pa’t isang magandang bagay ang makapagpatayo ng bahay.
“Walang sinabi ang mga malilit na bahay ng mga kumare ko sa malaking bahay na ipapatayo ko,” napapahagikhik na wika pa niya.
Ang kaniyang anak na OFW talaga ang nagbigay sa kaniya ng pera upang maipagawa niya ang bahay. Alam kasi nito na iyon ang pangarap niya.
Kaya naman sisiguraduhin niya na magiging mabilis at maayos ang paggawa ng kaniyang bahay.
Halos araw-araw kung talakan niya ang mga manggagawa lalo pa’t ilan sa mga ito ay talaga namang napakakupad kung kumilos! Pakiramdam niya ay kinukuha lamang ng mga ito ang pera niya.
“Porke hindi niyo bahay, hindi niyo inaayos ang paggawa! ‘Yan ang dahilan kaya hindi kayo makakapagpagawa ng bahay na kagaya ng bahay ko!” wika niya sa mga trabahador.
Nang mga sumunod na araw ay napansin niya ang bahagyang pagbawas ng bilang ng mga karpintero, kaya naman mas lalo niyang minadali ang pagtatrabaho ng mga ito.
Hanggang sa isang araw ay nagulat siya na isang tao na lang ang pumunta sa kanila. Ang foreman na si Junel.
“Anong nangyari? Bakit wala ‘yung mga tauhan mo?”
“Ma’am, nag-alisan ho. Hindi na raw nila kaya ang mga naririnig nila mula sa inyo,” tugon nito.
“Ano? Humanap ka ng ibang tauhan! Kung ayaw nilang kumita ng pera, bahala sila!” galit na utos niya.
Napakamot sa batok ang lalaki.
“Ma’am, wala hong gustong kumuha ng trabaho, eh. Nabalitaan kasi nila kung paano niyo tratuhin ang mga trabahador. Kahit naman ho kasi maliliit na tao ay nangangailangan ng respeto,” naiiling na komento ni Junel.
“Maging ako ho, Ma’am. Hindi ko na kayang ituloy pa ito. Binigyan niyo lang ho kami ng trabaho, hindi niyo binili ang pagkatao namin,” dismayadong wika ng lalaki bago ito nagpaalam.
“Ang aarte niyo! Kayo pa ang tatanggi sa trabaho! Hindi lang kayo ang tao, maghahanap ako ng magagaling, hindi ‘yung tulad niyong makukupad!” sigaw niya pa sa papalayong lalaki.
Subalit nahirapan siya na maghanap ng papalit sa mga trabahador niya. Marahil ay kumalat na nga sa mga ito ang nangyari at iniiwasan ng mga ito na tanggapin ang proyekto na iniaalok niya.
Naalarma si Flora. Alam niya kasi na masasayang ang pera nila kung hindi matatapos ang paggawa ng bahay.
At wala silang maraming pera para doon! Sapat lamang ang pera na ibinigay ng anak niya.
Sa huli ay nagawa niyang makiusap sa dati niyang foreman na si Junel. Mabuti na lamang at hindi pa ito tumatanggap ng ibang proyekto.
Ang mataas na si Flora ay walang ibang nagawa kundi ang magpakumbaba sa mga tao na tutulong sa kaniyang mabuo ang kaniyang pinapangarap na bahay.
Wala palang silbi ang pera niya kung wala namang gustong lumapit sa kaniya.
“Pasensiya na kayo sa mga nasabi ko noon. Naging mayabang ako. Nakalimutan ko na walang silbi ang pera kung walang gagawa ng trabaho. Patawarin niyo ako. Hinding-hindi ko na kayo guguluhin. Wala na kayong maririnig na masasakit na komento mula sa akin,” pangako niya pa.
Sa kabutihang palad ay naunawaan naman siya ng mga ito.
Agad nagsibalikan ang mga ito sa trabaho. At makalipas ang ilang buwan ay masayang-masaya si Flora sa kinalabasan ng kaniyang bagong bahay.
Isang aral ang itinuro ng pangyayaring iyon kay Flora. Ang pakikipagkapwa tao ay mahalaga. Dahil gaano man karami ang pera mo, kung hindi mo ituturing na tao ang mga nasa paligid mo, ikaw ay maiiwang nag-iisa.