Nainggit ang Ginang sa Mag-asawa na Nakaluluwag sa Buhay; Nagulantang Siya nang Malaman ang Pinanggagalingan ng Pera ng mga Ito
Kay laki ng simangot ni Jean habang pauwi silang mag-asawa mula sa kanilang “date.”
Nasabik pa naman siya nang malaman magde-date pala silang mag-asawa. ‘Yun pala ay sa isang fast food lang sila kakain at maglalakad-lakad sila sa parke!
Ano sila, mga teenager?
“Mahal, pagpasensiyahan mo na ang nakayanan ko. Alam mo naman na nagsisimula pa lang tayong mag-ipon, hindi ba? Hindi pa natin kaya ‘yung mga mamahalin,” narinig niyang wika ng kaniyang asawang si Mike na nagmamaneho ng kakarag-karag nitong kotse.
Hindi siya nagsalita. Naiinis kasi siya sa asawa. Pakiramdam niya ay hindi ito nag-eeffort sa relasyon nila porke’t mag-asawa na sila.
“Pakiramdam ko, nagbago ka na kasi mag-asawa na tayo,” nagtatampong tugon niya.
Narinig niya ang pagbuntong hininga nito.
“Bakit mo naman naiisip ‘yan? Alam mo na gusto ko lang mapabuti kayo ng magiging baby natin,” malumanay na paliwanag nito.
“Kasi, bakit naman sila Janna at Gino? Bagong mag-asawa lang din sila katulad natin pero nakakapaglibot sila sa magagandang lugar? Nakabili rin sila ng bagong kotse. Samantalang tayo, itong lumang kotse pa rin ang gamit natin. Parehas lang naman kayo ng trabaho ni Gino!” nakairap na kastigo niya sa asawa.
“Hindi ko rin alam, mahal. Baka tinulungan sila ng mga magulang nila. ‘Wag mo naman ipagkumpara ang buhay nila sa’tin. Pasasaan ba at makakaipon din tayo at makakabili tayo ng kotse, bahay, at makakapunta rin tayo sa magagandang lugar. ‘Wag nating madaliin,” pakiusap nito.
Malungkot siyang tumango. Nauunawaan niya naman ang asawa. Kaya lang kung minsan ay hindi niya maiwasan na ikumpara ang buhay nila sa iba.
Kinabukasan ay binisita siya ni Janna sa kanilang maliit na bahay. Kagaya nila ni Mike ay wala pang isang taon na mag-asawa ito at si Gino.
Namangha siya nang makita niya ang kaibigan na balot na balot ng mamahaling mga alahas. May hawak pa itong mamahaling bag.
Marahil napansin nito ang pagkapako ng tingin niya sa hawak nitong bag.
“Ito ba? Regalo ni Gino,” humahagikhik na wika nito.
Inilibot nito ang tingin sa kanilang maliit na apartment. Kapagkuwan ay napangiwi ito.
“Ang liit ng bahay niyo, Jean. Paano na ‘yan kapag nanganak ka na?” tanong nito.
“Hindi naman magtatagal ‘to. Nag-iipon pa lang kasi kami ni Mike ng pambili ng bahay,” sagot niya sa kaibigan.
Tumaas ang kilay nito. “Pwede naman kayong lumipat na at hulug-hulugan na lang ang bahay, hindi ba?”
“Ayaw ng asawa ko. Gusto niya ‘yung may pambayad na kami, dahil ayaw niyang mangutang.”
Isang malakas na tawa ang isinukli ni Janna.
“Jean, bakit ba sunod ka lang nang sunod kay Mike? Asawa mo siya, hindi boss. Kung ano talaga gusto mo, dapat ‘yun ang masunod! Tingnan mo ang sarili mo kumpara sa akin, mukha kang losyang na losyang!” kastigo nito.
Matagal nang nakaalis si Janna ngunit sariwa pa rin sa isipan niya ang sinabi ng kaibigan. Tama ito. Bakit nga ba siya nagtitiis sa kung anong gusto ng asawa niya?
Nang makauwi ito ng bahay ay agad nitong napansin ang masamang timpla niya.
“Mahal, bakit ka na naman nakasimangot? Baka makasama ‘yan sa pagbubuntis mo,” agarang puna nito.
“Napagtanto ko lang na hindi ito ang buhay na gusto ko, Mike. Pakiramdam ko ay aping-api ako kumpara kay Janna!”
Naiiling na umupo ito sa sofa.
“Halika rito, lumapit ka, may ikukwento ako sa’yo.”
Nakasimangot na umupo siya sa tabi ng asawa.
“Alam mo ba, kanina, natanggal sa trabaho si Gino?”
“Ha? Bakit, anong nangyari?” gulat na usisa niya.
“Kasi dahil panay nga ang paggala nilang mag-asawa sa kung saan saan, laging absent sa trabaho. Nagalit ang boss namin,” naiiling na kwento nito.
“Kanina umiiyak ‘yun sa’kin bago siya umuwi. Alam mo kung bakit?”
“Bakit?”
“Kasi hindi niya alam kung paano niya sasabihin kay Janna na wala na siyang trabaho. Namomroblema siya kasi ‘yung bahay at kotse nila, utang lang.”
Nagimbal siya sa nalaman. Kaya naman pala tila hindi nauubusan ng pera ang mag-asawa!
“Hala, grabe naman! Kanina pinagmamalaki pa ni Janna ang mamahaling alahas at bag niya. Malamang kakailanganin niya ring ibenta ‘yun!” malungkot na komento niya.
“Oh, ‘di ba? Kung tumulad tayo sa kanila na sige nang sige sa pangungutang, baka sa kangkungan tayo pulutin kapag nagkagipitan,” tila nanenermong wika ni Mike.
Nahihiyang ngumiti si Jean sa asawa. Noon ay tuluyan na siyang nagising sa katotohanan.
“Oo nga, mahal, tama ka. May mga bagay talaga na hindi dapat minamadali. Pasensiya ka na at hindi ako nagtiwala sa’yo. Nakalimutan ko na gusto mo lang naman na mapabuti ang pamilya natin.”
Niyakap niya ito nang mahigpit.
Makalipas ang tatlong taon ay handa na silang lumipat sa mas malaking bahay. Sinorpresa pa siya ng asawa – bumili ito ng bagong kotse para sa munti nilang pamilya.
Samantalang ang mga kaibigan nilang si Janna at Gino ay nagbabayad pa rin ng mga kautangan.
Masayang masaya si Jean. Natutunan niya na walang mabuting dulot ang paghahangad ng mga bagay na hindi niya pa kayang bilhin. Ngunit alam niya rin na kapag nagtiyaga siya at naghintay sa perpektong panahon ay makukuha niya ang anumang naisin.