Kamote ang Naging Pantawid-Gutom ng Pamilyang Ito; Kamote rin ang Nagsalba sa Kanila sa Kahirapan

“Mga anak, bumangon na kayo at kumain ng almusal!” sigaw ni Bobot sa mga anak na nagsisiksikan sa isang papag.

Sa mesa ay makikita ang pagkain na araw-araw nagsasalba sa mahirap nilang pamilya.

“Wow, ginataang kamote!” tuwang tuwang bulalas ng bunsong anak niyang si Jolina. Nagawa pa nitong magdasal bago kumain.

Maya-maya pa ay magana nang kumakain ang mag-anak habang masaya silang nagtatawanan.

Hindi maiwasang isipin ni Bobot na napakapalad niya sa kaniyang pamilya. Kahit na mahirap ang buhay nila ay hindi kailanman naging mapaghanap ang mga ito.

Kahit na madalas ay kamote lang ang pantawid-gutom nila ay hindi niya naringgan ng reklamo ang mga ito. Kaya naman ganoon na lamang ang pagsisikap niya na kahit papaano ay mapakain naman ng masarap na pagkain ang kaniyang pinakamamahal na pamilya. 

“Oh paano, mauuna na ako ha? Magtitinda muna ako sa plaza ng kamote. Sana ay makarami!” nakangiting paalam ni Bobot sa kaniyang pamilya. 

“Sige, mag-iingat ka, ha!” bilin ng kaniyang asawa.

Advertisement

“Ingat po, Tatay!” halos magkakapanabay na bulalas naman ng kaniyang tatlong anak.

Masiglang binitbit ni Bobot ang dalawang balde na pawang naglalaman ng kamote na inani niya noong nakaraang araw. Linggo, kaya naman umaasa siya na makakaubos siya ng paninda.

“Kamote ho! Matamis at sariwang-sariwa!” sigaw niya sa mga dumadaan.

Tanghali na ngunit nangangalahati pa lang ang unang balde. Napabuntong hininga si Bobot sa ilalim ng tirik na tirik na araw. 

Nang magdidilim na at hindi pa nauubos ang unang balde ng kamote ay bumagsak na ang balikat ni Bobot. Mukhang nilagang kamote na naman ang hapunan nila. Kulang-kulang singkwenta pesos lang kasi ang halaga ng naibenta niya.

Nagliligpit na si Bobot nang mapansin niya ang isang komosyon sa pwesto ng ale na nagtitinda ng kakanin.

Mayroon kasing isang matanda na pilit nitong pinagtatabuyan.

“Umalis ka rito kung wala kang pambili! Malas ka sa negosyo!”

Advertisement

Lulugo-lugo namang naglakad palayo ang matanda. 

Agad siyang nagbalot ng isang supot ng kamote at hinabol ang matanda.

“Tatang!” malakas na sigaw niya, kaya naman gulat na napalingon ito.

“Sa inyo na ho ito. Lagain niyo ho pag-uwi niyo sa bahay. Pantawid gutom na rin ho,” nakangiting wika niya bago inaabot dito ang supot na naglalaman ng kamote.

“Naku, hijo. Wala akong pambayad dito ha,” nahihiyang inabot nito ang supot.

“Wala hong problema. Hindi ko naman ho nabenta ‘yan. Kaysa naman hindi na mapakinabangan,” natatawang tugon niya sa matanda.

Isang matamis na ngiti ang isinukli nito sa kaniya. At may sinabi itong hindi niya kaagad naunawaan.

“Salamat sa’yo. Napakabuti ng iyong puso. ‘Wag kang mag-alala, ito na ang huling araw na kakain ng kamote ang pamilya mo,” makahulugang salita nito bago ito naglakad palayo.

Advertisement

Gusto pa sana niya itong usisain ngunit humalo na ito sa bugso ng tao at tuluyan na itong nawala sa kaniyang paningin.

Malungkot man siya habang naglalakad pauwi ay siniguro niya na mayroon pa rin siyang masayang ngiti nang makauwi siya sa bahay.

“Singkwenta lang ang nabenta ko,” malungkot na bulong niya sa asawa.

“Ayos lang ‘yan, Bobot. Hindi naman nagrereklamo ang mga bata,” nakangiting wika ng kaniyang asawa.

Halos madurog ang puso ni Bobot. Hanggang kailan ba sila maghihirap nang ganito?

“May awa ang Diyos. Ngingitian din tayo ng kapalaran,” dagdag pa nito.

Nang gabing iyon ay masaya silang nagsalo sa nilagang kamote.

Kinabukasan, madaling araw pa lamang ay gising na si Bobot. Mangunguha kasi siya ng kamote na pambenta.

Advertisement

Kasalukuyan siyang naghuhukay ng kamote nang may matamaan na kung anong matigas ang hawak niyang maliit na pala.

Nagkakatakang inilawan niya iyon. Ganoon na lamang ang panlalaki ng mata niya nang mapagtanto kung ano ang bagay na kaniyang nakuha. 

Isang piraso ng ginto!

“Paanong may ginto dito?” nagugulumihanang bulong niya.

Nang ipagpatuloy niya ang paghuhukay ay hindi siya makapaniwala sa nakita. Imbes kasi na kamote ang mahukay niya ay ginto ang nasa ilalim ng lupa!

Noon niya naalala ang sinabi ng matanda noong nakaraang araw.

“‘Wag kang mag-alala, ito na ang huling araw na kakain ng kamote ang pamilya mo.”

Ito ba ang tinutukoy ng matanda?

Advertisement

Halos malula siya sa dami ng piraso ng gintong nahukay. Sa tingin niya ay hindi iyon bababa sa bente.

Naghihihiyaw na umuwi si Bobot sa bahay nila upang ibalita sa asawa niya ang biyayang kanilang natamo. Maging ito ay hindi makapaniwala.

“Diyos ko! Maraming maraming salamat sa biyaya Niyo!” umiiyak na bulalas nito.

Milyon-milyon ang halaga na nakuha nila mula sa ibinentang ginto kaya naman iyon na ang naging simula ng maalwan nilang pamumuhay.

Nakapagpagawa sila ng magandang bahay at nakabili ng mga mamahaling sasakyan.

Ang mga anak niya ay nag-aaral na sa isang magandang eskwelahan at nakapagtayo sila ng iba’t ibang uri ng negosyo. 

At higit sa lahat, naibibili na niya ng masarap na pagkain ang kaniyang pamilya! Kahit na ganoon, araw-araw pa ring may kamote sa kanilang hapag para naman hindi nila makalimutan ang kanilang pinanggalingan. 

Sino nga naman ang mag-aakala na ang dating nagtitinda lang ng kamote ay magiging isang milyonaryo? May awa ang Diyos. Kaya ‘wag tayong mawawalan ng pag-asa.