Harap-Harapang Niloloko ng Mister ang Kawawang Asawa; Huli na ang Lahat nang Magising Siya sa Katotohanan
Hindi na mapigilan ni Gail na tumulo ang kaniyang mga luha nang mabasa niya ang palitan ng mga mensahe ng kaniyang asawa at ng bagong babae nito sa selpon. Ilang beses naman nang nagawa ng asawa na ipagpalit siya sa iba ngunit sa tuwing nahuhuli niya ito ay nasasaktan pa rin siya.
Ilang sandali lang ay nakita si Gail ng kaniyang asawang si Jordan na hawak ang selpon nito.
“Akin na nga ‘yang selpon ko! Pakialamera ka talaga!” bulyaw ng mister.
Hindi naman natinag si Gail sa kaniyang pagkakaupo. Nakayuko lamang ito habang patuloy ang pagpatak ng kaniyang mga luha.
“Ano ba ang ginawa ko sa’yo, Jordan, para lokohin mo ako nang paulit-ulit? Pinipilit ko namang gawin ang lahat ng gusto mo!” pagtangis ng ginang.
“Pero hindi pa sapat! Tingnan mo nga ‘yang sarili mo! Losyang ka pa kaysa sa lola ko! Sinong lalaki ang mahuhumaling sa iyo n’yan?” sambit naman ni Jordan.
“Dahil din naman sa inyo kaya hindi ko na mabigyan ng prayoridad ang sarili ko. Mas inuuna kita at ang mga bata. Hindi ba sapat ang pagmamahal ko at pagiging tapat ko sa’yo para hindi ka na maghanap ng iba? Napakasakit ng ginagawa mong ito sa akin, Jordan. Pinapamukha mo sa akin na dahil lang sa katawan ko at hitsura ko ay may karapatan ka nang palitan ako!” patuloy sa pag-iyak si Gail.
“Kung ginagalingan mo kasi ay hindi na ako maghahanap ng iba. Nakita mo naman ‘yang si Sheila, bawat kurba ng katawan niya ay perpekto. Pinapanatili niyang maganda ang sarili niya para sa tuwing darating ako ay maibigay niya ang kaligayahan na hinahanap ko na hindi mo man lang kayang ibigay!” sigaw pa ni Jordan.
“Ngayon iiyak-iyak ka! Kung hindi ka nangingialam ng selpon ng may selpon ay hindi mo ‘yan daranasin!” dagdag pa ng ginoo sabay alis sa silid.
Naiwan naman si Gail na puno ng hinagpis ang kalooban.
Sa totoo lang ay hindi na rin makayanan ni Gail ang pambababaeng ginagawa ng kaniyang asawa. Ilang beses na rin niyang tinangkang hiwalayan ang asawa. Ngunit hindi niya magawa. Hindi rin naman niya masabi sa kaniyang mga magulang ang nangyayari sa kanilang mag-asawa dahil ayaw na nitong magbigay pa ng sama ng loob sa mga ito.
Ang tanging nalalapitan at nagiging sandigan na lamang niya ay ang kaniyang kapatid na si Marisse.
“Iwan mo na kasi ‘yang asawa mo, ate. Sobra na ang ginagawa niya sa’yo! Kailan ka ba gigising sa katotohanan?” naiinis na sambit ni Marisse sa kapatid.
“Iniisip ko lang naman ang mga bata. Ayaw kong maging makasarili. Ayaw kong lumaki sila na may magulong pamilya!” depensa naman ni Gail.
“Ang sabihin mo ay kahit ano ang gawin sa’yo ni Kuya Jordan ay mahal mo pa rin siya! Matagal naman nang magulo ang pamilya n’yo. Ilang beses ka na bang niloko ng asawa mo? Akala mo ba ay hindi ‘yan alam ng mga anak mo?” saad muli ng kapatid.
“Umaasa ako kasi, Marisse, na isang araw ay babalik ang dating Jordan na pinakasalan ko. Alam kong hindi pa huli ang lahat para sa aming pamilya,” wika muli ni Gail.
Napapailing na lamang si Marisse sa tuwing nagkakaroon sila ng ganitong pag-uusap ng kaniyang ate. Batid kasi niyang hindi talaga kayang iwan ng nakatatandang kapatid ang asawa nito.
“Kung gano’n naman pala’y wala na akong magagawa, ate. Siguro’y kailangan mo ngang baguhin ang sarili mo at ibigay ang gusto niya. Galingan mo rin sa kama tulad ng mga babaeng ipinagmamalaki niya!” nagsasawa nang payo ni Marisse.
Napaisip naman si Gail. Marahil ay may punto ang kaniyang kapatid. Ito na lang naman ang tanging hindi niya nagagawa para maibalik ang masayang pagsasama nila ng asawa.
Nang gabing din iyon ay maagang pinatulog ni Gail ang mga bata. Agad siyang naligo at nagsuot ng pinaka-maalindog niyang damit. Naglagay siya ng kolorete sa mukha at nagpabango. Saka niya hinintay ang kaniyang asawa na pumasok sa silid.
Nang makita naman si Gail ng kaniyang asawa ay nagulat ito. Ngunit walang dating ang itsura ng ginang para sa mister. Kaya pilit na nilalambing ni Gail si Jordan. Ngunit kahit ano ang gawin niya ay walang gana sa kaniya ang mister.
“Ano ba ang ginagawa mo, Gail?” sita ni Jordan.
“Hindi ba ito ang gusto mo? ‘Yung maging magaling din ako sa kama? Binabago ko ang sarili ko para sa’yo nang sa gayon ay ganahan kang muli sa akin,” paliwanag ni Gail.
“Nakakatawa ka. Sa tingin mo ay ginaganahan pa ako sa hitsura mong iyan? Tingnan mo nga ang sarili mo. Tignan mo ang katawan mo!” bulyaw ni Jordan.
Maya-maya ay biglang tumunog ang selpon ng ginoo. Binasa ni Jordan ang mensahe na galing sa kaniyang kalaguyong si Sheila. Nakangiti pa ang ginoo habang tinitingnan niya ang mga hub@d na larawang ipinadala ng kaniyang kabit. Saka niya ito ipinakita sa kaniyang asawa.
“Ganito ang gusto ko! Ni wala ka sa kalingkingan nitong si Sheila. O siya, aalis muna ako dahil may hinanda raw siya para sa akin! Magbihis ka na at mukha kang t@nga sa porma mo!” sambit pa ng ginoo sabay alis.
Labis ang sama ng loob na naramdaman ni Gail. Napatingin siya sa salamin at doon na bumuhos ang kaniyang mga luha. Napagtanto niyang hindi na siya tunay na mahal ni Jordan.
Sa puntong iyon ay nagdesisyon ang ginang na tuluyan nang makipaghiwalay sa kaniyang mister. Bitbit ang kaniyang mga anak ay nanirahan muna siya sa kaniyang mga magulang. Doon ay inilahad na ni Gail ang buong katotohanan sa mga ito.
Malaya naman siyang tinanggap ng kaniyang mga magulang.
“Sana’y noon mo pa ito sinabi sa amin, anak. Hindi na sana humantong pa sa ganito. Dito na lang kayo ng mga bata. Narito lang kami ng nanay mo para umalalay sa inyo,” saad ng ama ni Gail.
Napayakap na lamang si Gail sa kaniyang mga magulang.
Lumipas ang mga buwan ay hindi na nagkaroon pa ng ugnayan itong si Gail sa kaniyang asawa.
Hanggang sa isang araw ay nabalitaan na lamang ni Gail na nasa ospital raw ang dating asawa at nanghihina na. Nagkaroon daw kasi ito ng nakakahawang sakit mula sa kalaguyo nito. Marami na pala kasing lalaki ang nagdaan kay Sheila, at walang nakakaalam na mayroon na itong nakakahawang sakit.
Nang malaman ito ni Gail ay agad silang nagpa-test ng kaniyang mga anak. Mabuti na lamang at hindi sila nahawa sa kaniyang dating asawa.
Dinalaw ni Gail ang dating asawa sa huling pagkakataon. Nang makita siya ni Jordan ay napaluha na lamang ang ginoo.
“Nagsisisi na ako sa lahat ng kasalanan ko sa’yo. Kung hindi sana kita niloko ay wala ako sa ganitong sitwasyon ngayon. Siguro’y ito na ang ganti sa akin ng tadhana sa lahat ng panloloko at pang-aalipustang ginawa ko sa’yo noon. Alam kong mahirap ngunit sana sa huling pagkakataong ito ay mapatawad mo na ako,” saad ni Jordan kay Gail.
“Pinapatawad na kita, Jordan. Binaon ko na sa limot ang lahat ng mga nangyari sa atin noon,” wika naman ni Gail habang tangan ang kamay ng dating asawa.
Sa puntong iyon ay sinapit na ni Jordan ang kaniyang huling hantungan. Kahit paano ay lumisan pa rin siya sa mundong ito nang mapayapa baon ang pagpapatawad ng kaniyang dating asawang si Gail.