Inday TrendingInday Trending
Laging Tinutukso ang Binatilyong Ito Dahil Iba-Iba ang Kulay Nilang Magkakapatid; Isang Araw, Napuno na Siya

Laging Tinutukso ang Binatilyong Ito Dahil Iba-Iba ang Kulay Nilang Magkakapatid; Isang Araw, Napuno na Siya

“Baka naman patulan mo na si Omeng ha, Raymond. Huwag na huwag kang papatol. Sa liit mong ‘yan. baka ikaw pa ang mabasagan ng mukha.”

Nangangaral na naman ang ina ni Raymond na si Aling Magdalena.

“Hindi ho,” paungol niyang tugon.

“Hindi ho…” gaya naman sa kaniya ni Aling Magdalena. “Huwag mo na lang silang pansinin. Lilipas din ‘yan. Ang mahalaga eh nakakapag-aral ka. Naiintindihan mo ba ako, Raymond? Ikaw ang panganay at ikaw ang inaasahan kong makakatulong sa akin para maiahon naman natin sa kahirapan ang pamilyang ito.”

Napasulyap si Raymond sa kaniyang inang nasa isang sulok ng kanilang lumang bahay, nagpapas*so ng kaniyang bunsong kapatid na isang taong gulang na subalit hindi pa napapabinyagan. Ang dalawa pa niyang mga kapatid ay himbing pa sa pagkakatulog sa sahig. Wala silang kuwarto. Ni wala ngang dibisyon o partisyon ang loob ng kanilang bahay. Kung ano ang gitna, iyon na ang sala, ang kuwartong tulugan nila, hapag-kainan, at iba pa.

Sobrang hirap ng buhay nila.

Ang kaniyang ina, batay sa tsismisan ng kanilang mga kapitbahay, ay dati umanong bayarang babae na umaakyat-akyat sa barko noon para magbigay-aliw sa mga marino at iba pang mga pasaherong dayuhan, lalo na ang mga ‘Kano.

Siya, na panganay at 15 taong gulang, ay itim ang balat dahil ayon sa kaniyang ina, isang sundalong Nigerian ang kaniyang ama. Pinangakuan umano itong dadalhin sa ibang bansa, subalit nang mabuntis ito ay bigla na lamang nawala na parang bula.

Ang sumunod sa kaniya ay si Lance na siyang pinakagwapo sa kanilang magkakapatid. Kahit na nanlilimahid ito sa dungis kapag naglalaro sa labas, litaw na litaw ang kaputian nito. Kulay-asul din ang mga mata. Briton umano ang ama nito, na hindi na rin alam ni Aling Magdalena kung saang lupalop naroon.

Ang sumunod naman ay maputi rin subalit halatang-kalatang singkit ang mga mata. Si Darwin ito subalit ‘Beho’ ang tawag sa kaniya ng kanilang mga kapitbahay dahil mukha itong Intsik. Intsik kasi ang tatay nito, sabi ng kanilang ina.

At ang bunso na isang taong gulang na pinadedede pa ay anak ng isang Pilipino. Kinakasama ng kaniyang ina. Ipinagpapasalamat na rin ni Raymond na umalis na ito sa kanilang buhay dahil sinasaktan nito ang kanilang ina, at isa pa, napakabatugan.

Matapos hugasan ang pinagkainan ay lumarga na si Raymond patungo sa paaralan.

Sanay na siya sa mga mapanghusgang tingin ng kaniyang mga kapitbahay, lalo na ang grupo ng mga siga sa kanila, sa pangunguna ni Omeng.

Lagi itong nakatambay sa isang tindahan na nasa kanto. Gusto sanang umiwas ni Raymond sa bahaging ito subalit walang ibang paraan. Walang ibang malulusutan at madadaanan kundi sa bahaging ito, para makalabas siya ng kanilang looban at makatungo sa malaking kalsada, patungo sa kanilang paaralan.

At kagaya nga ng kaniyang inaasahan, naroon na nga at nakaabang na naman ang grupo nina Omeng. Mukhang abala ang mga ito sa paglalaro ng cara y cruz.

Lihim na natuwa si Raymond. Mainam na abala sila para hindi mapansin ang kaniyang pagdaan. Tinulinan niya ang paglalakad habang nakatungo ang ulo.

Subalit napansin pa rin siya ng mga ito.

“Hoy Negro! Bakit nagmamadali ka?”

Napahinto si Raymond nang harangin siya ng mabikas na katawan ni Omeng. Pinalibutan din siya ng mga barkada nito.

Hindi niya alam kung bakit mainit ang dugo nito sa kaniya gayong wala naman siyang ginagawang masama.

“Paraan ako, Omeng. Mahuhuli na kasi ako sa pagpasok sa paaralan,” kiming tugon ni Raymond.

“Sus, eh bobo ka naman eh, bakit kailangan mo pang mag-aral? Teka nga, pengeng pera dalian mo! Akin na yung baon mo,” muling pangingikil sa kaniya ni Omeng.

“Hindi puwede, Omeng. Ibinigay sa akin ito ng Nanay ko, may kailangan kaming pagkagustusan sa paaralan. Kung gusto mo, ibibigay ko na lamang sa iyo ang pagkain ko rito, may baon akong kanin na may itlog na nilaga at kamatis,” nanginginig na sabi ni Raymond.

“Sige, amin na, pero kailangan ko pa rin ng pera. Kapag hindi ka nagbigay, hindi ka na makakalampas dito. Sasapakin ko mukha mo.”

Nanginginig na kinuha ni Raymond ang baunan niya na nasa loob ng kaniyang bag at iniabot sa tropa ni Omeng.

“Oh, pera? Dali! naiistorbo ang laro namin, Negro!”

Ngunit nagdudumali nang tumakbo si Raymond.

Hinabol naman siya ng mga ito at nang makorner na siya, agad siyang sinipa ni Omeng dahilan upang mapabuwal siya sa lupa.

Napasubasob si Raymond sa putikan. May mapulang likido sa gilid ng kaniyang labi. Tumama pala ang nguso niya sa isang nakausling bato.

“Siraulo ka ah… hoy, bakit mo kami tatakasan ha? Ikaw na lampa ka! Palibhasa salot ka, at ang nanay mong bayaran! Ano ha? Lalaban ka?”

Tinadyakan pa ulit siya ni Omeng. Napaaringkingking sa sakit si Raymond. Marumi na ang kaniyang uniporme.

“T-Tama na, Omeng, tama na…”

Nagsimula na silang palibutan ng mga miron na walang pakialam sa kanila. Ni wala man lamang ni isang umawat. Ganoon talaga sa iskwater. Matira matibay. Kung sino ang malakas at nanununtok, siya ang mananaig.

Sa isa pang pagtatangkang sipain siya, dito na pumalag si Raymond. Hinawakan niya ang kanang binti ni Omeng at hinila ito pababa. Napabagsak sa lupa si Omeng.

At nagdilim na ang lahat kay Raymond. Kumubabaw siya kay Omeng at pinakawalan sa mukha nito ang mga suntok, sapak, buntal, na hindi pa nito natitikman. Walang may gustong magpatikim dahil takot sa kaniya.

Suntok para sa mga panlalait sa kaniyang ina…

Sapak para sa mga panghuhusga at panlilibak sa kaniyang hitsura at kulay…

Buntal para sa mga lalaking nanloko sa kaniyang ina, at inanakan lamang na parang aso at saka lumayas na…

Natulala ang lahat sa kanilang nasaksihan. Walang nais umawat. Maging ang mga kaibigan ni Omeng ay hindi nakahuma. Ang dating maamong tupang inaapak-apakan nila, ngayon ay isang mabangis na tigreng handang sumila.

“T-Tama na, Raymond… tama na… suko na ako…”

Lupaypay na tumigil si Raymond sa kaniyang pagsuntok kay Omeng.

Naibaba niya ang nakataas na kamay. Napasuko niya si Omeng! Halos habulin niya ang paghingal. Dahan-dahan at nanlalambot siyang tumindig.

Walang nangahas magsalita. Walang makakibo sa mga agwador. Hindi makapaniwala ang lahat. Lahat ay nakatingin sa kanya.

Isa-isa niyang tiningnan ang mga nakapaligid sa kanya. Walang pagtanggi sa mga mata ng mga ito. Matagal na panahon na ring naghari-harian si Omeng sa kanilang Looban. Tila naging representasyon siya ng mga kagaya niyang inaapi at minamaliit. Parang nangingilag na sa kaniya ang lahat.

Simula noon, sa tuwing naglalakad siya sa kanilang lugar ay wala nang nangangahas na kumanti sa kaniya.

Maging ang tropa ni Omeng.

Maging si Omeng.

Alam ni Raymond na maling-mali ang kaniyang ginawa. Katakot-takot na sermon ang nakuha niya mula sa kaniyang ina. Subalit wala na siyang pakialam.

Naisip niya minsan, hindi rin masamang ipagtanggol ang sarili. Naisip niyang kung hindi kikibo at hindi gagawa ng aksyon ay walang mangyayari, lalo na ang paghahari-harian ng iba. Kailangang ipamalas ang katapangan upang hindi luray-lurayin ng iba. Nakuha lamang ni Omeng ang hinahanap niya.

Simula noon ay nakaramdam ng paggalang si Raymond mula sa kaniyang mga kapitbahay at mga kalugar. Ipinangako naman niya sa sarili na saka lamang niya ipagtatanggol ang sarili kapag talagang kinakailangan.

Advertisement