Inday TrendingInday Trending
Pinaalis na Sila sa Kanilang Lupain, Sumakabilang-Buhay pa ang Kaniyang Ama Dahil sa Sama ng Loob; Paano Maghihiganti ang Binata sa Mayamang Haciendero?

Pinaalis na Sila sa Kanilang Lupain, Sumakabilang-Buhay pa ang Kaniyang Ama Dahil sa Sama ng Loob; Paano Maghihiganti ang Binata sa Mayamang Haciendero?

Tatlong araw nang nakaburol ang mga labi ni Mang Redentor, ang amang magsasaka ni Lucas, na sumakabilang-buhay dahil sa alta presyon dahil sa panggigipit na ginawa ng mayamang hacienderong si Don Mauricio na siyang may-ari umano ng lupaing ayon kay Mang Redentor, ay minana pa nito mula sa kaniyang mga ninuno.

Ayon kay Don Mauricio, nabili na nito ang hekta-hektaryang lupang sinasaka nila at maging ng iba nilang mga kasama. Balak umano itong pagawaan ng karerahan ng kabayo. Ang ibang mga magsasaka ay tumanggap na ng pera mula sa kaniya kapalit ang pag-alis sa lupang kinatitirikan ng kanilang mga tahanang deka-dekada na rin ang edad, gayundin sa mga palayan nilang lakas, dugo’t pawis ang pinuhunanan, na ngayon ay mauuwi na sa wala.

Ngunit nagmatigas ang pamilya ni Mang Redentor. Aniya, mas nanaisin pa niyang bumaha ng dugo sa kaniyang tinatamnang lupain kaysa makuha ito ng iba. Binantaan niya ang sinumang estrangherong mangangahas lumapit o kumanti sa kanila na humandang mataga sa katawan kapag pinagpilitan ang nais.

Subalit sa sama ng loob, pagod na katawan, at pagal na isipan ay tumaas ang presyon ni Mang Redentor na naging dahilan upang mapatibuwal siya’t mabagok ang ulo sa isang nakausling bato sa lupa. Natagpuan na lamang ang matigas nitong b*ngk*y na nababalutan ng putik dahil bumuhos ang ulan. May tatlong oras na yata itong walang buhay.

Hindi maintindihan ni Lucas kung anong damdamin ang pumupuno sa kaniya ngayon habang nakatitig sa puting kabaong ng kaniyang ama. Ang ina niya ay abala sa pag-eestima ng mga panauhing nakikiramay. Kapeng barakong mapait na nagpapaanod sa mumurahing pambarang biskwit ang kanilang isinisilbi sa mga taong dumadagsa at nais na masilip si Mang Redentor habang nakahimlay sa maliit na nitong tahanan.

Hanggang sa nagbulung-bulungan ang mga naroon nang walang ano-ano’y may pumaradang magarang sasakyan sa tapat ng lamayan. Si Don Mauricio, kasama ang kaniyang mga tauhang ubod din ng yabang at akala mo’y pag-aari ang buhay ng mga tao sa nakasukbit na mahahahang baril sa kani-kanilang mga balikat at katawan.

Naglalakad pa lamang palapit ang don, sinugod na kaagad ito ng kaniyang inang naghisterya at mabangis na pumalahaw ng iyak.

“Hayop ka! Hayop ka! Anong ginagawa mo rito? Ang kapal ng mukha mong magtungo rito? Tingnan mo, tingnan mo! Makakaya mo bang titigan ang himlayan ng aking asawa, na sumakabilang-buhay dahil sa kasakiman mo! Ha!” galit na sumbat ni Aling Nerissa kay Don Mauricio. Dinuro nito ang mukha ni Don Mauricio.

Tila nang-iinis na inayos lamang ni Don Mauricio ang kuwelyo ng kaniyang polo shirt na nagulo dahil sa paghila ng kaniyang naghihisteryang ina. Agad naman itong nailayo ng mga mapagmalasakit nilang kapitbahay.

“Grabe ka naman, Nerissa! Nagpunta ako rito upang makiramay, ha? Huwag ka nang magalit at baka sumunod ka sa mister mo, ikaw rin…” nakangising pang-uuyam ng don.

Hindi na nakatiis si Lucas at siya naman ang pumagitna nang marinig na niyang inuuyam ang kaniyang kaisa-isa na lamang na magulang.

“Mayaman ka lang at inaangkin ang lupa namin ngunit wala kang karapatang alipustahin ang aking ina! Nais mo bang maghalo ang balat sa tinalupan?” galit na banta naman ni Lucas habang nakahawak na sa hawakan ng kaniyang nakasukbit na itak sa baywang.

Ngunit lalong nagkatensyon nang itutok ng mga tauhan ni Don Mauricio ang kanilang mahahabang baril kay Lucas.

“Kalma ka lang, Lucas! Kalma! Masyado kang mainit. Narito ako para makiramay sa inyo. Heto nga oh, magbibigay ako ng abuloy,” at iniabot ng don ang tseke kay Lucas. Tiningnan ito ng binata. 30,000 piso. Ito ang halagang ibinibigay sa bawat pamilyang sinasabihan ni Don Mauricio na lisanin na ang lupain.

Pinunit ni Lucas ang tseke sa harapan ni Don Mauricio at hinagis sa mukha nito.

“Inyo na ‘yang pera mo ngunit hinding-hindi ko ibibigay ang lupain namin. Nagsakripisyo na ang Itay, kaya hindi ako makakapayag na makuha mo lamang nang basta-basta ang lupaing minana pa namin sa aming mga ninuno, at nagsilbing libingan ng aking Itay!” galit na galit na sabi ni Lucas.

Ngumisi nang nakaloloko si Don Mauricio.

“Masyado kang matapang, bata. Baka nga mangyari sa iyo ang sinasabi mong itong lupang ito ang magsilbing libingan ninyo ng pamilya mo. Palalagpasin ko ang pambabastos ninyong ito sa akin dahil sa burol na ito, ngunit sa susunod na linggo, ako ay magbabalik upang palayasin kayo! Tiyakin ninyong mailibing na ninyo ang b*ngk*y ni Redentor bago mangyari iyon, dahil pasensyahan tayo, dahil anuman ang abutan ko rito sa aking pagbabalik, wala akong pakialam, kakaladkarin ko kayong paalis dito! Boys, tara na!” huling salita ni Don Mauricio at tila mga robot na sumunod na sa kaniya ang mga tauhan. Isang dura ang pinakawalan ni Lucas at niligis ito sa lupa gamit ang kaniyang paa.

Agad na dinaluhan ni Lucas ang kaniyang ina.

“Inay, ipinapangako ko sa inyo na hinding-hindi makukuha ng matapobreng don na iyan ang lupaing ito. Hindi mauuwi sa wala ang mga sakripisyo ni Itay.”

Makalipas ang ilang araw ay inihatid na sa huling hantungan ang mga labi ni Mang Redentor.

“Anong gagawin natin ngayon, anak?”

Hindi nakakibo si Lucas.

“Huwag kayong mag-alala, Inay. Hindi ako papayag na makuha nila ang lupain natin at masaktan kayo. Poprotektahan ko kaya sa abot ng aking makakaya.”

“Anak… nawala na ang Itay mo… ayokong mawala ka sa akin… ayokong mapahamak ka…” lumuluhang paalala ng kaniyang inay.

Sa halip na magluksa sa bahay ay minabuti ni Lucas na bantayan ang kanilang palayan upang walang sinumang mga tauhan ni Don Mauricio ang pumasok doon. Dala-dala niya ang mahabang itak ng kaniyang Itay.

Paano kaya niya makakamit ang hustisya na hindi mababahiran ng dugo ang kaniyang mga kamay?

Hanggang sa makita niya ang kanilang tatlong kalabaw na alagang-alaga ng kaniyang Itay, na minahal na rin para na niyang kapatid.

Naalala niya ang maikling kuwentong ‘Walang Panginoon’ ng manunulat na si Deogracias Rosario na pinag-aralan nila noong siya ay nasa Ikatlong Taon sa hayskul, sa asignaturang Filipino. Parang ganito rin ang nangyayari sa kanila.

Paano kaya kung gayahin niya ang ginawa ng pangunahing tauhan sa naturang kuwento?

Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Lucas.

Kagaya sa kuwentong kaniyang nabasa, tuwing hapon ay hinahampas niya ng latigo ang dalawa sa tatlong kalabaw matapos na maghapong pagtrabahuhin sa bukid. Habang ginagawa niya ito ay nakasuot siya ng madalas na kasuotan ni Don Mauricio. Ginawa niya ito araw-araw.

Hanggang sa dumating na ang araw na pinakahihintay ni Lucas.

Pagkababa ni Don Mauricio sa kaniyang sasakyan ay palihim na pinakawalan ni Lucas ang dalawang kalabaw. Nang makita nito si Don Mauricio ay nagmistula itong mga toro sa galit. Nilusob ng dalawang galit na galit na kalabaw si Don Mauricio upang suwagin.

Nagtatatakbo naman ang don sa takot.

Ngunit hindi gaya sa kuwento, hindi nasuwag ng mga kalabaw si Don Mauricio. Hindi naisakatuparan ni Lucas ang kaniyang plano.

Sa pagtakbo at pagtakas ni Don Mauricio mula sa mga kalabaw ay hindi nito napansin ang isang malaking butas sa lupa.

Ito pala ang balon na hinukay noon ng mga magsasaka upang pagkuhanan ng tubig. Natuyot na ang tubig nito kaya tinabunan na ng mga dayami.

Doon nagawi si Don Mauricio sa kaniyang pagtakbo. Lumusot siya sa napakalalim na butas.

Kagaya ng naging dahilan ng pagsakabilang-buhay ni Mang Redentor ay nabagok ang ulo ng kaawa-awang don; nagkandabali-bali rin ang mga buto, lalo na sa likod, na naging dahilan upang bawian ito ng buhay.

Simula noon ay naging matiwasay na ang pamumuhay ng mga magsasaka dahil wala nang nangamkam sa kani-kanilang mga ari-arian.

Wala na palang kamag-anak si Don Mauricio kaya ang mga ari-arian nito ay pinaghati-hatian ng kaniyang mga tauhang nakaranas din ng pang-aalipusta sa kaniya, at nagkaniya-kaniya na sila sa pagbabagong-buhay.

Advertisement