Isinusumpa ng Estudyante ang Kaniyang Mabagsik na Guro; Ngunit May Natuklasan Siya Tungkol Dito na Babago sa Kaniyang Pagtingin
Nagpulasan ang mga estudyante nang marinig na nila ang yabag na mas kinatatakutan pa nila kaysa sa yabag ni ‘Lotus Feet’; mga yabag ng pagdating ng kanilang mabagsik at istriktong guro na si Ms. Leonora Victoria, nagtuturo ng asignaturang Araling Panlipunan.
‘Takatak’ pa lamang ng kaniyang sapatos na may mataas na takong, kilalang-kilala na nila.
“Hayan na siya,” mahinang bulong ni Esmie.
Parang mga robot na nagsipasukan ang mga mag-aaral na nasa pasilyo papasok sa kanilang silid-aralan. Tahimik na tahimik sila. Parang ayaw lumikha ng ingay. Mahirap nang makuha ang atensyon ng kanilang guro at pagdiskitahan silang tawagin sa resitasyon.
Isa sa mga kinakabahan ay si Esmie. Matindi pa naman kung magtanong ang guro. Hindi nito pinalalagpas ang mga mag-aaral na alam niyang hindi nag-aral.
Kaya nang matapos ang kaniyang klase na halos walang humihinga sa kaniyang mga kaklase ay nakahinga nang maluwag ang lahat.
“Grabe talaga sa klase niya, kapag hindi matibay ang dibdib mo, wala, baka sa ospital ang bagsak mo,” sabi ng isa sa mga kaklase ni Esmie.
“Pero aminin ninyo ha, si Ms. Victoria ang guro natin na nakapagpapatino sa makulit nating klase,” pahayag naman ng isa.
Tama naman ang kaniyang mga kaklase. Oo nga’t madalas na hindi ngumingiti ang guro, mabagsik ito at istrikto subalit hindi matatawaran ang husay nito sa pagtuturo. Hindi ito nagsasayang ng oras.
Hindi kagaya ng ibang mga guro nila na mahilig magpalaro subalit hindi naman naipaliliwanag kung ano ang koneksyon nito sa kanilang aralin.
O kaya naman, bitiw nang bitiw ng mga biro na hindi naman nakakatawa, subalit para hindi maging ‘awkward’ ang klase, tatawa na lamang ang klase.
O kaya naman, magkukuwento ng mga detalye sa kaniyang buhay na wala namang kinalaman sa aralin hanggang sa matapos ang klase.
Kay Ms. Victoria, wala siyang sinasayang na oras. Malinaw sa kaniya na kaya siya tumayo sa kanilang harapan upang matuto sila at hindi upang aliwin sila o pasayahin.
Naiisip nga nila, bagay na bagay kasi Ms. Victoria ang pangalan nito. Leonora. Parang babaeng leon. Ang apelyido naman nito ay parang nagsasaad ng tagumpay. Marahil si Ms. Victoria ay talaga namang matatag at malakas. Hindi basta-basta papagupo sa mga problema.
Ngunit isang araw, hindi inaasahan ni Esmie ang kaniyang matutuklasan.
Nakauwi na halos ang lahat ng mga estudyante ngunit si Esmie na bahagi ng school paper publication ay naiwan pa dahil may tinatapos pa sila para sa kanilang pahayagan.
Nagtungo siya sa palikuran upang umihi at agad na pumasok sa isang cubicle. Maya-maya, naramdaman niyang may pumasok sa palikuran.
Paglabas niya sa cubicle, nakita niya ang isang hindi inaasahang eksena, na dapat ay hindi niya makita.
Si Ms. Victoria, umiiyak.
Sa kauna-unahang pagkakataon, ngayon lamang niya nakita ang kanilang mabagsik, istrikto, at matapang na guro na humahagulhol ng iyak.
Nagulantang ito nang mapansing naroon siya at pinapanood ang kaniyang pag-iyak. Agad itong nagpahid ng mga luha at kunwa ay nagsalamin.
“N-Nandiyan ka pala… yung nakita mo… wala lang ‘yon,” nauutal na paliwanag ni Ms. Victoria. Kinuha nito ang pulbos sa bag.
“M-Ma’am, may problema po ba kayo? Ayos lang po ba kayo?” pagmamalasakit na tanong ni Esmie sa kaniyang guro. Gusto niyang pagalitan ang sarili dahil natural, kaya nga umiiyak dahil may problema at hindi okay.
“Ayos lang ako, huwag mo akong alalahanin, Esmie. Ganoon talaga ang buhay. Tatandaan mo, ang pag-iyak ay hindi kahinaan. Ito ay kalakasan na paghinto saglit upang ilabas ang lahat ng sama ng loob, at pagkatapos, muli nang haharapin ang mga hamon ng buhay.”
“Akala ko po Ma’am hindi kayo umiiyak dahil kayo ang nagpapaiyak…”
Ngumiti si Ms. Victoria. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita niya itong ngumiti. Pakiramdam niya ay napakasuwerte niya.
“Lahat ng tao ay may pinagdaraanan, ngunit iba-iba lamang ang paraan ng pagdadala. Kapag humaharap ako sa klase, ako ay guro at hindi ang personal na pagkatao ko.”
Tumango-tango naman si Esmie. Gusto sana niyang tanungin kung ano ang problema ng kaniyang guro subalit naisip niya na hindi na dapat pang ungkatin ito. Naunawaan ni Esmie ang nais sabihin ni Ms. Victoria: propesyunalismo sa trabaho.
Simula noon ay mas lalo pang hinangaan ni Esmie ang kanilang guro. Kapag tinititigan niya ito habang buong-gilas na nagtuturo, naiisip niya na talagang mahusay ito dahil nagagawa nitong humarap sa kanilang klase na hindi mararamdaman ng mga estudyante na may mabigat itong pinagdaraanan.
Makalipas ang ilang taon, buo na sa isipan ni Esmie ang propesyong nais niyang kunin.
Ang maging isang guro.
At isa sa mga modelo niya ay si Ms. Victoria, na tuwang-tuwa nang malaman ang daang nais niyang tahakin sa kaniyang buhay.
Matuling lumipas ang panahon…
Si Esmie na ngayon ang kinatatakutan at iginagalang ng kaniyang mga estudyante, bilang isang mahusay at epektibong guro.