Malakas ang Kutob ng Misis na May Ibang Babae ang Kaniyang Mister Subalit Todo-Tanggi Ito; Hanggang Isang Araw, Dinalaw Niya Ito sa Presinto

Malakas ang Kutob ng Misis na May Ibang Babae ang Kaniyang Mister Subalit Todo-Tanggi Ito; Hanggang Isang Araw, Dinalaw Niya Ito sa Presinto

KarmaLoveStories

“Maniwala ka sa akin, honey. Wala akong ibang babae. Bakit ba ayaw mong maniwala sa akin?”

Pilit na kinukumbinsi ni Cesar ang kaniyang misis na si Rachelle na wala siyang ibang babae o karelasyon maliban dito.

“Hindi ko alam, Cesar. Malakas ang kutob ko na niloloko mo ko! Noong isang araw, nakakita ako ng bahid ng lipstick sa kuwelyo ng polo mo. Tapos iba rin ang amoy, amoy pabango ng babae. Anong gusto mong isipin ko? Eh hindi naman ako nagpapabango!” wika ni Rachelle.

“Napaparanoid ka lang. Wala akong babae, honey. Lagi mong tatandaan na ikaw lang ang una at huling babaeng mamahalin at pakakasalan ko. Hindi ba nga ay pinaglaban pa kita sa mga magulang mo? Huwag mo sanang kalimutan ang bagay na iyan. Huwag ka na kasing maghinala sa akin,” pangungumbinsi ni Cesar sa kaniyang misis.

“Sisiguraduhin mo lang ha dahil kung hindi, puputulin ko ‘yang kaligayahan mo!” pagbabanta pa ni Rachelle.

Totoo naman talaga na walang ibang babae si Cesar.

Bakit kailangan niyang humanap ng isang kalaguyo kung puwede naman niyang tikman ang mga babaeng naisin niyang tukain?

Walang commitment. Walang pananagutan.

Naniniwala si Cesar na bukod sa asawa, puwede pa naman siyang tumikim ng ibang putahe upang hindi naman siya kaagad magsawa.

Kapag naramdaman niyang payag ang babae na tikiman lamang ang magaganap at walang anumang pananagutan, agad na itong sinusunggaban ni Cesar. Pagkatapos niyon ay wala na. Maliban na lamang kung ang babae ang humiling ng pangalawa o pangatlong pagkakataon.

Basta’t malinaw ang latagan ng baraha: may asawa na siya, at para walang sabit, hanggang tikiman lang. Bawal ang commitment. Bawal mahulog, ‘ika nga.

Isang araw, isang babaeng nakilala niya sa social media ang napapayag niyang makipagkita sa kaniya at magcheck in sa ‘biglang-liko.’

Ang ganda-ganda ng babaeng ito sa mga litrato niya sa social media, subalit nang makita na ni Cesar sa personal ay tila nais na niyang umuwi. Subalit naisip niya, sayang din naman ang putaheng ito, laman-tiyan na rin.

Tatakluban na lamang niya ng kumot ang mukha o kaya naman ay pipikit na lamang siya.

Nang nasa loob na sila ng paupahang kuwarto sa loob ng suking motel ay agad na sinagpang ng babae si Cesar. Nagulat siya na para itong maamong tupa sa labas ngunit nang sila na lamang ay para itong gutom na gutom na leon; tila hayok na hayok sa laman.

“S-Sandali, sandali lang…” awat ni Cesar. “Mag-inuman muna tayo. Nagpakuha ako ng beer. Alam mo na, para mas masarap ang banatan natin.”

Maya-maya ay narinig na nga ang doorbell ng kuwarto. Dumating na ang serbidora. Dala nito ang isang tray na naglalaman ng inorder na beer ni Cesar, isang sisig na pulutan, at isang lalagyanan ng yelo.

Inuman sila.

Maya-maya, medyo naparami yata ang inom ni Cesar. Nagsimula na siyang gapangin na naman ng babae. Ilang na ilang naman si Cesar. Tamang-tama na dumating na sa lobby ng motel ang inorder niyang pizza. sinabi niya sa receptionist na siya na lamang ang kukuha.

“Bababa muna ako sa lobby ah, kukunin ko yung binili ko para pagkain natin,” pagpapaalam ni Cesar.

Halatang-halata sa mukha ng babae ang matinding pagkadismaya subalit wala itong nagawa nang lumabas na si Cesar. Gumamit pa siya ng hagdanan upang maging mabagal ang kaniyang pagbaba at pagpanhik.

Nang makuha na niya ang dapat makuha, gumamit siya ng hagdanan upang mabagal pa rin ang kaniyang pag-akyat.

Naisip niya para bang minalas siya sa nakuha niyang babae ngayon. Hindi niya gusto ito. Mas maganda pa nga kung tutuusin ang misis niya.

Ngunit bigla siyang nahilo sa kaniyang pag-akyat-panaog. Agad siyang pumasok sa kuwarto. Numero 13.

Pagkalapag ng kahon ng pizza ay agad siyang dumaluhong sa kama. Nakahiga na ang babae at sinibasib niya ito ng mapangahas na halik.

“Ito ang gusto mo ah… sige pagbibigyan kita…”

Isang malakas na sampal ang dumapo sa kaniyang mukha.

“Aray? Bakit mo ko sinampal?” tanong ni Cesar.

“Hayop ka! Sino ka! Walanghiya!”

Pulang-pula ang mukha ni Cesar nang mapagtanto niyang ibang kuwarto pala ang napasukan niya sa labis na kalasingan. Ibang babae pala ang nahalikan niya. Dumating naman ang kasama ng babae at agad na pinagsusuntok si Cesar.

Sa prisinto ang bagsak ni Cesar.

Dahil sa insidente, nabuking ni Rachelle ang ginagawang kalokohan ng mister.

“Ang bilis ng karma ‘no? Walang lihim ang ‘di nabubunyag, Cesar. Katangahan mo na mismo ang nambuking sa iyo, hayop ka!” saad sa kaniya ng galit na galit na misis. “Pero salamat na rin sa katangahan mo dahil tapos na ang mga panloloko mo!”

Hindi man itinuloy ng magkasintahan ang pagsasampa ng kaso kay Cesar, nawalan naman siya ng misis. Sising-sisi si Cesar sa kaniyang mga nagawa ngunit huli na ang lahat.

More Stories