Inday TrendingInday Trending
Hindi Maawat ng Ina ang Lalaking Ito sa Pag-inom ng Alak; Isang Leksyon ang Ituturo sa Kaniya ng Mismong Bisyo

Hindi Maawat ng Ina ang Lalaking Ito sa Pag-inom ng Alak; Isang Leksyon ang Ituturo sa Kaniya ng Mismong Bisyo

“Ano, Marvic? Lasing ka na naman?” nanggagalaiting hiyaw ng kaniyang ina sa binatang si Marvic, nang umuwi siya nang gabing iyon na lasing na lasing na naman.

Ngali-ngali na siyang batuhin nito ng hawak nitong bote ng mantika, dahil naabutan niyang nagluluto ito ng hapunan nila. Paano kasi ay tatlong magkakasunod na gabi na siyang umuuwing langong-lango sa alak at sa tatlong gabing iyon ay ito rin ang nag-aasikaso sa kaniya dahil hindi na niya halos maitayo pa ang sarili sa kalasingan.

“Iyan ang dahilan kung bakit ayaw mong magtrabaho sa company, e! Kapag nasa construction ka kasi, malaya kang makakainom pagkatapos ng trabaho!” patuloy pa ring sermon nito sa kaniya, kahit pa ang totoo ay bahagya lamang iyong naiintindihan ni Marvic. Pakiramdam niya kasi ay umaakyat lahat ng kinain niya mula sa kaniyang tiyan palabas sa kaniyang lalamunan—nasusuka siya!

Ngunit bago pa man siya tuluyang makatakbo sa kanilang banyo ay hindi na niya napigilan pa ang paglabas ng kaniyang mga kinain mula sa sikmura niya! Talagang umiikot na ang paningin ni Marvic na lalo pang nadagdagan nang nakatikim siya ng pambabatok sa kaniyang ina!

Hindi lang iisang beses nangyari ang ganito sa binata. Ang totoo, buhat nang siya ay tumuntong sa tamang edad ay unti-unti na niyang pinag-aralan ang pag-inom ng alak, kaya’y ngayon ay hindi na niya ito kayang tanggihan pa. Halos hindi na siya makabuo ng isang linggo na hindi umiinom at nagpapakalango sa alak na animo kailangan niya ito para siya ay mabuhay!

Kinabukasan ay ibayong sakit ng ulo ang naramdaman ni Marvic. Halos hindi siya makabangon kaya naman hindi na rin siya nakapasok pa sa trabaho. Matindi ang naging inuman nila kagabi, kaya naman ngayon ay matindi rin ang kaniyang hang-over. Buong araw siyang nakahiga sa kaniyang higaan at walang ganang kumain. Ang ginawa naman ng kaniyang ina’y nagluto ng mainit na sabaw at siya nitong ipinainom sa kaniya. Ipinaghanda rin siya nito ng pampaligo kahit pa habang ginagawa nito iyon ay panay pa rin ang sermon nito sa kaniya.

Maya-maya ay gumaan din sa wakas ang pakiramdam ni Marvic. Pagkatapos niyang maligo ay naisipan niyang bumili na lang muna ng yosi sa tindahang malapit lang naman sa kanilang bahay. Ngunit ang hindi niya inaasahan ay maabutan niya palang nag-iinuman na naman ang mga pinsan niya sa tapat ng tindahang iyon, at ano pa nga ba ang nangyari? Hayun at nayaya na naman siya ng mga ito na makiupo sa kanila at makitagay. Siyempre, hindi na naman tumanggi si Marvic. Makakita lang siya ng alak ay animo na siya naglalaway!

“Naku, tamang-tama ang dating mo, ‘insan. Kabubukas lang namin nito! Halika na’t nang tayo’y makarami ng inom!” nakangisi pang pag-aaya sa kaniya ng kaniyang pinsan.

Mabilis pa sa alas kuwatrong nakapuwesto kaagad si Marvic sa bakanteng espasyo ng mahabang upuan ng mga ito. Hindi nagtagal ay mabilis na ngang umikot ang baso…

“Ano ba itong alak na iniinom natin, pare? Parang ang bilis kong tinamaan, a?” takang tanong ni Marvic sa kaniyang pinsan, maya-maya lamang. Hindi pa man nila nauubos ang isang bote ng iniinom nilang alak ay animo kasi hilong-hilo na si Marvic. Napakainit din ng kaniyang pakiramdam at nakadarama rin siya ng pananakit ng lalamunan.

“Oo nga. Ako nga rin, ganiyan ang nararamdaman ko. Baka ganito lang talaga ang tama nitong alak. Padala kasi ito ng ninong kong nasa ibang bansa kay papa, e. Dinekwat ko nga lang ito,” kakamot-kamot sa ulong sagot naman ng nasabing pinsan ni Marvic.

Magsasalita pa sana ang binata, ngunit naunahan sila ng biglang pagbulagta ng isa sa kanilang mga kainuman – ang kanilang tanggerong kanina pa dumudoble ng tagay sa bawat ikot ng kanilang baso. Nagulat sila, pati na rin si Marvic. Pagkatapos ay unti-unti na ring lumala ang pagkahilong nararamdaman nila, hanggang sa pare-pareho silang unti-unti na ring mandilim ang paningin. Ilang sandali pa’y pawang mga nakabulagta na sa kalsada, sa harap ng tindahan, ang mga lasinggero!

Nataranta naman ang nakasaksi sa nangyari. Ang tinderang si Aling Lina. Alam niya kasing kauumpisa lamang mag-inuman ng mga kalalakihang iyon kaya nagulat siya nang halos sabay-sabay silang bumulagta! Tumawag siya ng tulong at agad na isinugod sa ospital ang mga ito, at doon nila nalamang kontaminado pala ng nakalalasong kemikal ang alak na ’yon, kaya naman pinu-pull out na ’yon sa ibang bansa!

Muntik nang ikatigok nina Marvic at ng mga kapwa niya lasinggero ang pagiging uhaw nila sa alak. Kaya naman simula noon ay nadala na silang tumikim man lang nito. Iyon lang pala ang makakapagpatigil sa kanila sa bisyo!

Advertisement