Mahilig Manguha ng Papuri ng Iba ang Empleyadong Ito; Matatanggal pa Pala Siya sa Trabaho dahil Doon
“Good job, Karina! Napakahusay ng ginawa mong presentation, kaya napapayag natin ang ating mga investors na magdagdag pa sila ng funds sa ating kompaniya!” masiglang pagbibigay puri ng kanilang boss kay Karina matapos ang magandang resulta ng kanilang trabaho. Abot-tainga naman ang ngiti ng dalaga, habang ang kaniyang mga kasamahan ay mga nanghahaba ang nguso at napapaikot ang mga mata sa inis sa kaniya!
Hindi naman kasi talaga si Karina ang gumawa ng trabahong ’yon kundi ang mga empleyadong nasa ilalim niya. Iyong mga bagong pasok na inatas sa kaniya upang sanayin niya ang mga ito! Lahat ng ideyang ginamit doon ay galing sa kanilang mga isip at hindi kay Karina na ang tanging ginawa lang naman habang nagtatrabaho sila ay magmando!
Ganito talaga ang hilig gawin ni Karina. Kaya nga marami na sa mga katrabaho niya ang naiinis sa kaniya. Hindi naman kasi siya maisuplong ng mga ito dahil palagi silang hinaharang ng kanilang manager, na ayon sa usap-usapan sa loob ng opisina, ay kaulayaw daw ng dalaga. May kumakalat kasing tsismis na ‘number two’ siya ng kanilang manager, kaya malakas ang kapit ng babaeng ito!
“Nakakainis talaga ’yang kabit na ’yan! Hilig niya talagang mang-agaw, ano?” naiinis na sabi ng isa sa mga empleyadong gumawa ng naturang trabaho.
“Sinabi mo pa! Mang-aagaw na nga ng asawa, mang-aagaw pa ng papuri sa mga trabahong hindi naman siya ang gumagawa! Nakakairita lang, ’no?!” Umikot naman ang mga mata ng kausap nito.
Nahinto ang kanilang pag-uusap nang mamataan nilang daraan ang kanilang pinag-uusapan. Kasabay nito ang kanilang manager na noon ay kausap nito—o mas tamang sabihing, kaharutan nito—habang sila ay naglalakad patungo sa canteen.
“Sa next project, galingan mo ulit, ha? Hindi tayo p’wedeng mabulilyaso rito, dahil mismong ang may-ari ang magsu-supervise ng gagawin nating trabaho. Alam mo namang istrikto si sir. Sigurado na ang promotion natin kapag nagkataon!” dinig nilang anang kanilang manager kay Karina na agad namang tumango nang buong tapang!
Sa narinig ay nagkatinginan ang mga empleyadong inagawan ni Karina ng papuri, kani-kanina lang. Tila ba nagkaintindihan ang kanilang mga isipan at pare-pareho silang napangisi. Isang ideya kasi ang pumasok sa kanilang mga isipan na nakapagbigay ng ngisi sa kanilang mga labi!
Lumipas ang mga araw at tama nga ang hula ng mga kasamahan ni Karina. Sila na naman ang gagawa ng trabaho nito! Sila ang magpapakahirap, magpapakapuyat at magpapakasubsob sa trabaho habang si Karina naman ang tagamando, gayong kung tutuusin ay pare-pareho lamang naman sila ng posisyon!
Ganoon pa man ay wala ni isa mang reklamong narinig si Karina mula sa mga ito. Ginawa nila ang dapat gawin at tinapos nang mabilis ang kanilang trabaho! Tuwang-tuwa naman si Karina, at sa sobrang tuwa niya ay hindi na niya pinagkaabalahan pang pag-aralang muli ang ginawa ng mga empleyado bago niya ito tuluyang ipasa sa kanilang boss.
Matapos iyon ay biglang nagpatawag ng meeting ang may-ari ng kompaniya. Lahat ng mga empleyado ay dapat daw na naroon. Agad namang nakaramdam ng kasabikan si Karina at ang kalaguyo niyang manager, dahil iniisip nila na ito na ang panahong iaanunsyo ng kanilang boss kung sino ang mapo-promote sa kanilang mga posisyon! Malaki ang kumpiyansa ng dalawa na sa kanila mapupunta ang tagumpay!
“Magandang araw sa inyong lahat. Siguro naman, alam n’yo na kung bakit ko kayo ipinatawag, hindi ba? Nais kong bigyan ng nararapat na pabuya ang mga empleyado ng kompaniyang ito na nagpapakita ng galing at husay sa kanilang mga trabaho…ngunit bago ang lahat, gusto kong itanong kung sino ang gumagawa ng lahat ng trabahong ipinapasa n’yo sa akin?” tanong ng kanilang boss na agad namang sinagot ni Karina…
“Ako po, sir,” kunwari ay nahihiya pang aniya na may ngisi sa labi.
Nagpatango-tango naman ito bago siya inabutan ng isang sobre. Sabik na sabik namang binuksan iyon ni Karina at ganoon na lang ang pagtataka niya nang makitang pera ang laman n’on at may nakasulat pang nagsasaad na iyon na raw ang huli niyang sweldo!
“A-ano po ang ibig sabihin nito?!” gulat na tanong ni Karina.
“Ang ibig sabihin n’yan, you’re fired! Tinatanggal na kita sa trabaho mo, pati na rin itong kalaguyo mo!” galit na anas naman ng kanilang boss. “Nakarating na sa akin ang lahat ng kalokohang ginawa n’yo, dahil kinunan ng mga bagong empleyado ko ang kanilang mga sarili habang ginagawa nila ang bawat trabahong ikaw ang umaako ng papuri! Hindi ko kailangan ng mga sinungaling at manggagamit sa kompaniya ko!”
Matapos iyon ay luhaang umuwi si Karina na ngayon ay wala nang trabaho, habang ang mga inaagawan naman niya ng papuri ang siyang nakakuha ng inaasam niyang promosyon! Doon napatunayan ni Karina na hindi kailan man nagtatagumpay ang mga mapanlamang dahil hindi nalilingat ang karma!