Inday TrendingInday Trending
Masama ang Kutob ng Binata sa Pedikab Drayber na Mapula ang Mata; Hindi Niya Akalain ang Tunay na Pagkatao Nito

Masama ang Kutob ng Binata sa Pedikab Drayber na Mapula ang Mata; Hindi Niya Akalain ang Tunay na Pagkatao Nito

“Boss, ako na po ang maghahatid sa inyo sa opisina. Hindi ba’t sa may gusali sa ikalimang kanto ka nagtatrabaho? Bibigyan kita ng diskwento kung gusto mo! Dito ka na sa pedikab ko sumakay!” salubong ni Mang Nanding sa binatang si June habang pababa sa istasyon ng tren.

Tiningnang maigi ni June ang ginoo at saka siya nag-isip kung pauunlakan niya ang paanyaya ng pedikab drayber. Ngunit nang makita niyang marungis ito at namumula ang mata ay bigla siyang nagdalawang-isip. Hindi niya ito pinansin at saka sumakay sa ibang pedikab.

Nadismaya naman si Mang Nanding kaya naghanap siya muli ng pasahero.

“Manong sa unang gusali nga po sa ika-limang kanto. Pakibilisan lang po at mahuhuli na ako,” saad ni June sa drayber.

Habang nakasakay sa pedikab ay hindi maiwasan ni June na isipin si Mang Nanding.

“Bakit kaya alam n’ya kung saan ako nagtatrabaho?” saad niya sa kaniyang sarili.

Dalawang taon na ring nagtatrabaho si June sa kompanyang kaniyang pinapasukan. Ngunit para sa binata ay hindi pa ito sapat na dahilan upang maalala siya ng naturang drayber. Sa dinami dami naman kasi ng mga taong nagdaraan sa mula sa istasyon ng tren ay imposibleng maalala siya nito.

Isa pa, madalas din niyang makita ang naturang drayber ngunit iniiwasan niya ito dahil nga sa itsura nito. Sigurado siyang hindi ito gagawa ng mabuti.

Nagmamadali nang umakyat si June ng gusali patungo sa opisina. Marami pa kasi siyang nakabinbin na gawain at sigurado na naman siyang hindi niya ito agad matatapos.

“Lagot na naman ako nito kay boss. Sigurado akong overtime na naman ito,” saad muli ni June sa sarili.

Ayaw na ayaw pa naman ni June na mag-overtime dahil mahirap sumakay pauwi. Wala naman siyang sasakyan at may oras din ang tren. Kung hindi niya ito mahahabol ay kailangan na niyang sumakay ng taxi. Mahal ito kumpara sa normal niyang pamasahe.

Pilit na tinatapos ni June ang mga reports na kailangan. Ngunit ilang sandali lang ay nariyan na ang kaniyang boss.

“June, hindi pa pala tapos ang buwanang report natin para sa mga investor. Unahin mo na ang presentasyon para sa kanila. Kailangan ko na ‘yan bukas ng umaga,” utos ng amo.

“Sige, ma’am, ako na po ang bahala,” tugon naman ng binata.

“Siguraduhin mong matapos ‘yan at siguraduhin mo ring maayos ang lahat. Ayaw kong mapahiya sa meeting bukas. Mamaya ay ipasa mo sa akin ang file upang mapag-aralan ko,” wika pa ng amo.

Ito ang mga trabahong hindi basta kayang madaliin ni June. Tiyak siyang kagagalitan siya ng amo kung may mali sa presentasyon nito. Kaya naman pinaglaanan niya talaga ito ng oras para pulido ito. Hanggang sa hindi na niya napansin pa ang oras.

“Alas onse na! Sarado na ang istasyon ng tren. Sana ay may masakyan pa ako nito kahit dyip o bus!” wika ni June habang nakatingin sa kaniyang orasan.

Paglabas ni June sa gusali ay nagdadalawang isip siya kung maglalakad na lang siya papunta sa sakayan. Ngunit malayo-layo rin kasi ang kaniyang lalakarin at hatinggabi na. Hindi na ligtas para sa kaniya na maglakad mag-isa.

Bahagyang naghintay sa tapat ng gusali itong si June ng kaniyang masasakyan. Maya-maya pa ay may pedikab na padating.

“Mabuti na lang at may masasakyan pa rin ako. Hindi ko na kailangan pang maglakad,” sambit ng binata.

Ngunit laking gulat niya nang makita ang lalaking nagmamaneho ng naturang pedikab. Walang iba kung hindi si Mang Nanding.

“Siguro’y talagang minamanmanan ako ng lalaking ito. Akala ata’y may makukuha siya sa akin,” kinakabahang wika ni June.

“Sasakay po ba kayo, sir? Tamang-tama at palabas na rin po ako patungong istasyon naman ng bus,” saad ni Mang Nanding sa binata.

“Sir, sumakay na po kayo at alam n’yo namang mahirap ang sasakyan rito kapag ganitong oras na. Delikado kung maglalakad ka pa,” saad naman ng isang guwardiya.

Kinakabahan man si June ay inialis na niya sa kaniyang isip ang masamang kutob. Nakita na naman ng guwardiya ang itsura ng drayber kaya malaki na ang posibilidad na hindi siya nito gawan ng masama.

Tuluyan nang sumakay si June sa pedikab. Upang mawala ang kaniyang kaba ay minabuti na lang niyang kausapin si Mang Nanding.

“M-matagal na po ba kayong drayber ng pedikab? Matagal na kayo sa lugar na ito?” tanong ni June.

“Sa totoo lang ay bago lang ako sa lugar na ito. Nangangamuhan lang ako. Hindi sa akin ang pedikab na ito. Kaya heto, pilit na kinakabisado ang lugar at kahit hatinggabi ay nagtatrabaho pa rin para may sobrang kitain kahit paano,” sagot naman ng drayber.

“Bakit? Taga saan po ba talaga kayo at ano ang trabaho niyo noon?” unti-unti nang nawawala ang kaba ni June.

“Taga Mindanao pa ako. Mahirap ang buhay namin doon kaya naman sinikap kong dalhin ang mag-iina ko rito sa Maynila. Ang hindi ko alam ay mas mahirap pala talaga ang buhay dito. Pero ayos lang dahil malapit naman kami sa mga ospital,” dagdag pa ni Mang Nanding.

“Ospital? Bakit kailangan ninyo ng ospital?” muling tanong ng binata.

“‘Yung anak ko kasi ay may malalang sakit. Sa probinsya naman namin ay hindi sapat ang pasilidad ng ospital para sa kalagayan niya. Heto nga’t namumula na ang mata ko sa labis na pagbibigay ng dugo sa kaniya. Madalang kasi ang dugo na mayroon kami. Kaya talagang sa akin nakasalalay ang anak ko. Madalas nga ay hindi na ako nakakapahinga rin pagkakuha nila sa akin ng dugo. Kailangan kong kumayod para sa mag-iina ko,” saad pa ng ginoo.

“Hinahayaan nilang kunan kayo ng dugo nang madalas? Hindi ba’t hindi ‘yun maaari?’ pagtataka pa ni June.

“Nakakalusot dahil emergency ang nangyayari at hindi naman sila makakita ng ibang magbibigay ng dugo para sa anak ko,” tugon naman ng ginoo.

Biglang napalitan ng habag ang lahat ng pagdududa nitong si June. Ngayon ay malinaw na sa kaniya ang lahat kung bakit ganito ang itsura ng ginoo.

Napansin ni June na malapit na siya sa babaan. Kinuha niya ang kaniyang pitaka at kumuha ng perang higit pa sa kaniyang pamasahe.

“Ito po ang tatlong daan, ginoo. Alam kong maliit na halaga lang ito kumpara sa kailangan ninyo pero tanggapin n’yo na po ito. Pandagdag lang sa panggastos ninyo,” wika ni June kay Mang Nanding.

“Naku, huwag na, hijo. ‘Yung pamasahe mo na lang ang bayaran mo. Alam kong kailangan mo rin ‘yan. Salamat na lang,” tugon naman ng ginoo.

“Sige na ho at tanggapin niyo na. Para po ito sa anak ninyo. Pakisabi ay magpagaling siya,” giit muli ni June sabay abot sa kamay ni Mang Nanding.

Ngumiti ang ginoo.

“Napabuti mo. Maraming salamat at makakauwi na ako. Malaking tulong ito sa amin. Pagpalain ka ng Maykapal. Ako nga pala si Nanding. Kapag nagkita tayo ulit bukas ay isasakay kita nang libre. Tawagin mo lang ako, ha!” wika pa ng pedikab drayber.

Paalis na sana si June nang maalala niya ang tanong na tumatakbo sa kaniyang isipan.

“Mang Nanding, siya nga pala, paano n’yo po ba nalaman na sa ikalawang gusali sa ika-limang kanto ako nagtatrabaho?” pagtataka niya.

“Simple lang, sikat ang kompanyang pinagtatrabahuhan mo. Kitang kita ko sa nakasulat sa iyong uniporme,” nakangiting sagot naman ni Mang Nanding.

Simula nang gabi na ‘yun ay natanggal na sa isipan ni June ang masamang kutob niya sa ginoo. Bagkus ay nagkaroon pa siya ng bagong kaibigan.

Sa tuwing naaabutan niya si Mang Nanding na naghihintay sa istasyon ng tren ay sumasakay na siya sa pedikab nito. Lagi niyang sinosobrahan ang bayad upang kahit paano ay makakatulong sa pagpapagamot ng anak.

Kinausap rin ni June ang ilang kasamahan upang humingi ng donasyon, pinansyal man o materyal na bagay. Ngunit ang pinakamaganda niyang nakuha ay mga taong handang magbigay ng dugo para sa may sakit na anak ni Mang Nanding.

Hindi man madali ang lahat ay dalangin ni June na kahit paano ay bumuti ang buhay nitong si Mang Nanding dahil alam niyang mabuti itong ama at asawa sa kaniyang pamilya.

Advertisement