Ipinagpalit ng Ama ang Magandang Trabaho para Makasama ang Sanggol na Anak; Paglipas ng Panaho’y Ito ang Ganti ng Anak
“Ibang klase talaga ‘yang asawa mo, Roman! Kakapanganak lang ay naglandi kaagad! O, paano na ngayon ‘yang anak mo? Sabagay, p’wede mo namang iwan ‘yan sa akin at ako na ang titingin muna habang nasa ibang bansa ka,” saad ni Lorie sa kaniyang nakababatang kapatid.
“Ate, h-hindi na ako pupunta ng ibang bansa. Hindi ko na tatanggapin ang trabaho ko doon. Dito na lang muna ako para alagaan ko itong si Kelvin,” tugon naman ni Roman.
“Nasisiraan ka na ba ng ulo, Roman? Matagal mo nang hinihintay ang trabaho na ‘yan, ‘di ba? Kung hindi ka aalis ay paano na kayo ng anak mo? Paano mo siya bubuhayin?” wika muli ng kapatid.
“Ako na ang bahala sa amin, ate. Kaya ko pa naman dahil kahit paano ay may naipon ako. Iniisip ko na magtinda muna ng mga inihaw. Kailangan kasi niya ako sa tabi niya. Ngayong wala na ang nanay niya’y masaklap naman kung pati ako ay aalis. Hindi ko hahayaan na walang magulang na magpalaki rito sa anak ko,” paliwanag pa nito.
“Ako na nga ang bahala sa kaniya, Roman! Kailangan mong pumunta ng ibang bansa para mas malaki ang kitain mo nang sa gayon ay mas maiahon mo ang anak mo sa hirap. Gamitin mo ‘yang isip mo! Hindi pa naman niya alam ‘yan dahil wala pang isip ‘yan!” susog pa ni Lorie.
Ngunit tila buo na ang desisyon nitong si Roman na hindi na umalis pa patungong ibang bansa.
Ilang araw nga ang nakalipas at nabalitaan na lang ni Lorie na tinalikuran na ng kapatid ang magandang offer sa ibang bansa.
“Pagsisisihan mo ang ginawa mong desisyon, Roman, lalo na kapag wala nang makain ‘yang anak mo! Kapag hindi mo na naibibigay sa kaniya ang lahat ng pangangailangan niya. Minsan lang dumating ang ganoong pagkakataon tapos ay tinalikuran mo pa! Huwag sanang dumating ang panahon na kamuhian ka ng anak mo dahil hindi mo maibigay sa kaniya ang lahat ng pangangailangan niya!” sambit pa ng ginang.
Wala namang magulang ang hindi nagnais ng magandang buhay para sa kaniyang pamilya. Ngunit sa tuwing pinagmamasdan kasi ni Roman ang kaniyang anak ay hindi niya magawang iwan ito. Labis siyang nahahabag sa tuwing naaalala niyang iniwan na lang basta ito ng dating asawa para lang sumama sa ibang lalaki.
“Sa pagkakataong ito, anak, ikaw ang pipiliin ko. Sisikapin kong ibigay sa iyo ang magandang buhay nang hindi na ako kailangang lumayo pa,” saad pa ng ama.
Sa umpisa ay naging madali lang ang lahat sa mag-ama. Nagtitinda ng barbecue itong si Roman sa hapon. Mabuti na rin ito nang sa gayon ay maalagaan pa rin niya ang sanggol na si Kelvin.
Ngunit dumating ang maraming pagsubok sa buhay ng dalawa. Naging sakitin ang sanggol. Marahil ay dahil na rin sa usok mula sa tindang inihaw nitong si Roman. Bukod sa maya’t maya ang pag-atake ng hika ng anak ay mahal din ang gamot at pati ang gatas na iniinom nito. Isama mo pa ang diaper at iba pa nitong pangangailangan. Dahil dito ay unti-unting nauubos ang kaniyang ipon.
“Ano na ngayon ang gagawin mo, Roman? Hindi na rin ako p’wedeng mag-alaga ngayon sa anak mo dahil may trabaho na ako. Paano mo bubuhayin ‘yang si Kelvin? Ibigay mo muna kaya sa ina at siya muna ang mag-alaga para makakilos ka,” mungkahi ni Lorie.
“Ate, alam mo naman kung ano ang ginawa niya sa amin, ‘di ba? Kung talagang may malasakit pa siya sa bata ay dapat matagal na niya itong binalikan. Pero ni pangungumusta ay wala akong natanggap mula sa kaniya,” masama ang loob ng ginoo.
“Ako na ang bahala sa anak ko, ate, gagawin ko ang lahat para maging maayos ang buhay niya. Gagampanan ko ang pagiging ama ko sa kaniya,” dagdag pa ni Roman.
Tinupad naman ng ginoo ang kaniyang pangako. Kahit ano mang pasukin niyang trabaho ay sinigurado niyang makakasama niya ang kaniyang anak. Kahit hirap na hirap na siya ay hindi man lang siya nagreklamo. Sa tuwing tinititigan niya ang mukha ni Kelvin ay lalong tumitindi ang kaniyang pagnanais na bigyan ito ng magandang buhay.
Lumipas ang mga taon at lumaki na rin si Kelvin. Mula nang nag-hayskul ito ay nakakuha na ng mas magandang trabaho itong si Roman. Ngunit prayoridad pa rin niya ang kaniyang anak. Umuuwi siya kaagad upang sabay silang kumain nito. At sinisiguro niyang palagi siyang nagbibigay rito ng panahon.
Kaya naman nang magka-edad si Mang Roman at ito namang si Kelvin ay nakapagtapos na ng pag-aaral at nakapagtrabaho na’y pinaghinto na rin niya ang ama sa paghahanapbuhay.
“Ako na po ang bahala sa inyo, ‘tay,” saad naman ni Kelvin.
“Anak, malakas pa naman ako. Kaya ko pang magtrabaho. Ipunin mo na lang ang pera mo nang sa gayon ay magamit mo sa hinaharap,” wika naman ng ama.
Masayang-masaya si Mang Roman sa kinahantungan ng kaniyang anak. Lalo na nang nakikita niyang may maganda itong trabaho.
Ngunit isang araw ay tinamaan ng matinding sakit ang ginoo.
“Anim na buwan ang magiging gamutan ng iyong ama. Sa mga panahon na iyon ay lubos siyang maghihina kaya kailangan niya ng masusing pag-aalaga,” saad ng mga doktor.
“‘Tay, kung kailangan kong umalis sa trabaho ko ay gagawin ko para lang maalagaan ko kayo,” saad ni Kelvin.
“Huwag na, anak. Kaya ko na ang sarili ko. Huwag mo na rin akong ipagamot dahil ayaw ko nang maging pabigat pa sa iyo,” wika ng ama.
Hindi pumayag si Kelvin. Kahit tutol ang ama ay wala na itong nagawa pa. Umalis si Kelvin sa kaniyang trabaho para lang maalagaan ang ama. Lahat ng kaniyang ipon ay handa niyang ilabas para lang magamit sa pagpapagamot ng kaniyang Tatay Roman.
Dahil paubos na rin ang ipon ni Kelvin ay napilitan siyang magtinda-tinda online. Marami ring mga kaibigan ang tumulong sa kaniya upang maipagpatuloy ang gamutan ng kaniyang ama.
Naaawa naman itong si Mang Roman sa kaniyang anak dahil sa kalagayan nito.
“Sabi ko naman sa iyo na huwag mo nang ubusin ang ipon mo sa pagpapagamot sa akin, anak. Ipunin mo na lang ang pera mo nang sa gayon ay kahit paano’y may seguridad ka,” saad ng ama.
“‘Tay, tama na po! Hindi ko hahayaan na may mangyaring masama sa inyo. Ngayon pa nga lang ako bumabawi sa inyo sa lahat ng nagawa ninyo para sa akin. Akala n’yo ba ay hindi ko alam? Tinalikuran ninyo ang magandang trabaho para lang lumaki akong nasa tabi ko kayo. Kaya handa ko rin itong gawin para sa inyo. Ako ang anak mo at ako ang mag-aalaga sa’yo. Gagawin ko ang lahat para gumaling ka. Kaya lumaban ka para sa ating dalawa,” umiiyak na sambit ni Kelvin.
“Anak, naging mabuti ba akong ama sa’yo? Iyon lang naman ang nais kong malaman,” saad ni Mang Roman.
“Higit pa sa mabuti, ‘tay. Hindi ko nakita ang kakulangan ng isang ina dahil nariyan ka sa tabi ko,” tugon muli ng binata.
“Kung uulitin ang buhay ko, anak, pipiliin ko pa rin pagdaanan ang hirap basta makasama mo ako sa iyong paglaki. Ipinagmamalaki kita, anak. Salamat sa Diyos at ikaw ang binigay Niya sa akin,” hindi na rin napigilan ni Mang Roman ang maluha.
“Ako ang mas nagpapasalamat sa Diyos dahil ikaw ang binigay Niya sa’kin bilang ama ko. Wala nang mas suswerte pa sa akin, ‘tay!” sambit muli ng anak sabay yakap sa ama.
Dahil sa pagmamahal na ipinapakita ni Kelvin kay Mang Roman ay mas pinili nitong lumaban sa kaniyang sakit. Wala pang anim na buwan ay idineklara na ng mga doktor na tuluyang gumaling na ang ginoo. Labis ang pasasalamat ng mag-ama sa Diyos dahil sa magandang pangyayaring ito.
Ang pera’y nauubos pero maraming paraan upang kitain ito. Ngunit pinatunayan ng mag-ama na ang pagmamahal at pananatili sa tabi ng iyong pamilya ay hindi matutumbasan ng kahit anumang halaga ng salapi.
Naging sandigan ni Mang Roman at Kelvin ang bawat isa. Ngayon ay mas masaya na silang hinaharap ang bawat bukas na magkasama at puno ng pag-asa.