Nilason ng Babae ang Isip ng Lolo ng Napangasawa Saka Ito Dinala sa Isang Home For The Aged; Hindi Niya Akalain ang Ganti ng Mister
“Totoo nga ang balita, anak, ikakasal na nga kayo ni Mark. Aba’y bakit naman huli na ata akong nakaalam nito,” saad ni Maribeth sa anak na si Jane habang kausap niya ito sa isang video call.
“’Ma, sa totoo lang ay gusto ko kitang surpresahin. Kaso hindi naman mapigilan ni Tiya Rosa na magsabi sa iyo. Sa tingin ko ay nasasabik na rin siya sapagkat sa wakas ay ikakasal na ako,” saad naman ng dalaga.
“O, basta, kailangan mong sabihin sa akin ang lahat ng detalye agad nang sa gayon ay makauwi naman ako. Siya nga pala, kumusta na ‘yung pinoproblema mo? Paano naman ‘yung lolo ni Mark kapag ikinasal kayo? Hindi ba’t sila nalang ang magkasama sa bahay? Baka naman mamaya ay gawin kang taga-alaga niyang mapapangasawa mo?” saad muli ng ina.
“Ang sabi nga niya sa akin ay kasama pa rin daw naming titira sa bahay ang lolo niya. Wala naman daw kasing ibang mag-aalaga. Sa ngayon ay hindi ko pa ‘yan iniisip muna. Basta, ako nang bahala. Hindi ako papayag na gawin niya akong taga-alaga ng matanda!” sagot muli ni Jane.
Gustong-gusto ni Maribeth si Mark para sa kaniyang anak na si Jane. May pinag-aralan kasi ito at may ibubuga dahil isa itong magaling na arkitekto. Batid niyang magiging maganda ang kinabukasan ng kaniyang anak.
Ngunit ang pumipigil lang rin sa mag-ina ay ang lolo ng binata, si Lolo Teodoro. Matanda na ito ay hindi pa naman nag-uulyanin ngunit alam nilang darating din ang panahon na magiging alagain ito. Lalo pa’t mahilig talagang mangialam ang matandang iyon sa mga desisyon sa buhay ng kaniyang apo na labis na ikinaiinis ni Jane.
Hindi nga nagtagal ay tuluyan nang ikinasal si Jane kay Mark. Walang mapagsidlan ang kaligayahan ng dalaga dahil nasunod ang lahat ng kaniyang gusto. Ginastusan talaga ng kaniyang nobyo ang hiniling niyang kasal.
Habang nasa handaan ay nagbigay ng mensahe itong si Lolo Teodoro para sa bagong kasal.
“Masaya ako para sa aking apo dahil ngayon ay may makakatuwang na siya sa kaniyang buhay. Pero araw-araw kong sinasabi sa kaniya na hindi na kailangan ang ganitong kagarbong kasalan. Hindi naman sa laki ng handaan nasusukat ang pagmamahalan kung hindi sa buhay na kaya nilang pagsaluhan pagkatapos ng kasal,” wika ng matanda.
Bahagyang napahiya itong si Jane dahil sa tingin niya ay pinariringgan siya ng lolo ni Mark. Mula noon ay ‘di na niya nagawa pang ngumiti dahil hindi niya maitago ang kaniyang inis sa matanda.
Napansin naman ito agad ni Mark.
“Jane, ayos ka lang ba? Bakit parang biglang nagbago ang mood mo,” tanong ng mister.
“Paano ba namang hindi magbabago? ‘Yang lolo mo, bakit kailangan pa niyang ipamukha sa akin na hiniling ko ang malaking kasalang ito? Para tuloy masama na ang tingin sa akin ng ibang tao,” saad naman ni Jane.
“Bakit ka nag-iisip ng ganiyan? Walang masamang nais ipahiwatig si Lolo Teodoro. Nagpapaalala lang siya sa atin at sa buhay may-asawa. Huwag mo siyang pag-isipan ng masama dahil ang mahal ko ay mahal niya,” tugon pa ni Mark.
“Basta, bigla na lang ako nawalan ng gana. Tapusin na natin ang pagdiriwang na ito nang makauwi na tayo,” dagdag pa ni Jane.
Napailing na lang si Mark sa inasal ng kaniyang misis.
Pag-uwi sa bahay ay diretso agad si Jane sa silid. Habang si Mark naman ay kinakausap ng kaniyang Lolo Teodoro.
“Bilisan mo ang paggawa ng bago kong apo, Mark. Gusto kong abutan pa ang magiging mga anak mo,” saad ng matanda.
“Hindi mo lang basta aabutan, ‘lo, ikaw pa ang mag-aalaga!” natatawang saad naman ni Mark.
“Aba’y hindi ko uurungan ‘yan! Basta huwag kang magseselos dahil baka mas mahalin ko na ang mga apo kong bago kaysa sa iyo,” natatawa ring saad ng matanda.
Habang nag-uusap ang maglolo ay nakamasid naman si Jane at inis na inis. Hindi na naman siya napansin ng asawa dahil nga nakadikit na naman ito sa kaniyang lolo.
Lumipas ang panahon at hindi mapakisamahan ni Jane nang maayos si Lolo Teodoro. Sa palagay niya ay malaking balakid ang matanda sa atensyon ng kaniyang asawa.
Kaya naman nakaisip siya ng isang paraan.
“Bukas na bukas ay ihahatid ko na itong si Lolo Teodoro sa home for the aged. Hindi ko na matagalan pa ang pakikisama sa kaniya,” saad ni Jane sa ina.
“Tiyak kong hahanapin ‘yan ng asawa mo! Anong sasabihin mo pag nagkataon?” tanong naman ni Maribeth.
“Ako na ang bahala sa lahat. Matagal ko na rin naman itong pinag-isipan. Makakalusot ako rito,” wika pa ng anak.
Nilason ni Jane ang utak nitong si Lolo Teodoro. Madalas niyang ipasok sa isip nito na malaki na itong hamabalang sa pagsasama nilang mag-asawa. Ito rin daw ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay wala pa rin silang anak.
“Sa totoo lang ay iniisip na rin ni Mark na dalhin na kayo sa home for the aged. Darating din naman daw ang oras na mag-uulyanin kayo at hindi na niya kayo maaalagaan pa,” saad pa ni Jane.
Sumama ang loob ni Lolo Teodoro. Hindi niya kasi akalain na ganito pala ang plano sa kaniya ng apo. Ngunit nauunawan naman niya ito dahil hindi nga naman madali ang mag-alaga ng isang matanda.
Kaya naman napagdesisyunan ng matanda na magpadala na lang kay Jane sa home for the aged.
“Sabihin mo na lang sa kaniya na palagi akong tawagan. Ibigay mo rin ang sulat na ito para sa kaniya,” bilin ng matanda.
Dali-daling inihatid ni Jane si Lolo Teodoro sa home for the aged. Pagkatapos ay itinago niya ang sulat ng matanda upang hindi na ito mabasa pa ni Mark.
Pag-uwi ni Mark ay nadatnan na lang niya si Jane na nasa sala at umiiyak.
“Jane, anong nangyari? Nasaan si Lolo Teodoro?” bungad ni Mark.
“Mark, wala akong nagawa. Sinundo siya rito ng isang van. Ang sabi nila sa akin ay kukunin na nila si lolo dahil ito raw mismo ang tumawag sa kanila at nakiusap na dalhin na siya sa isang home for the aged. Hindi ko naman alam kung saang home for the aged siya dinala. Ayaw na rin daw kasi ni lolo na matunton natin siya. Matagal na daw niya itong plano nang sa gayon ay hindi na siya maging alagain. Sinubukan ko siyang pigilan pero buo na raw ang desisyon niya!” umiiyak na paliwanag ni Jane.
Hindi makapaniwala itong si Mark sa kaniyang narinig.
“Sana ay tinatawagan mo man lang ako, Jane! Saan ko ngayon hahanapin si lolo?” natatarantang saad ng mister.
“Tinakot ako ni Lolo Teodoro na hindi raw niya aalagaan ang sarili niya kapag sinabi ko ito agad sa’yo. Naguguluhan ako sa mga nangyayari, Mark. Hindi ganitong buhay ang gusto ko! Parang kasalanan ko dahil hindi ko naitawag agad sa iyo!” patuloy pa pagtangis si Jane.
Nabahag naman lalo sa kaniya ang asawa.
“Huwag ka nang mag-alala at ako na ang gagawa ng paraan upang makita siya. May mga desisyon talaga si lolo na siya lang ang nakakaunawa,” wika ni Mark sabay yakap sa asawa.
Mula nang araw na iyon ay masaya na si Jane dahil sa wakas ay wala na ang sagabal na matanda at nasosolo na niya ang mister. Nakumbinsi na rin niya si Mark na tigilan na ang paghahanap sa kaniyang lolo dahil baka ito na rin ang tunay na gusto ng matanda.
Sa tuwing tumatawag si Lolo Teodoro upang makausap si Mark ay ibinabagsak na lang ni Jane ang telepono at sinasabing “wrong number” lang daw.
“Paniniwalang paniwala itong si Mark sa lahat ng drama ko. Hindi magtatagal ay makakalimutan na rin niya ang lolo niya. Hahayaan na niya roon sa home for the aged at kami naman ay magsasama nang matiwasay!” saad ni Jane sa ina.
Masaya na sana si Jane ngunit nagulat siya nang biglang isang araw ay naroon na si Mark kasama ang lolo nito!
“A-anong ginagawa ng matandang ‘yan rito? Hindi ba’t nasa home for the aged na siya? Akala ko ba’y tinigilan mo na ang paghahanap sa kaniya?” tanong ni Jane.
“Titigilan ko na sana ang paghahanap kay lolo nang makita ko ang liham na ito mula sa kaniya. Nais niyang puntahan ko siya at dalawin minsan sa isang buwan, at hindi mo ito ibinigay sa akin! Lalo na akong nagduda nang sabihin mo sa akin na laging may nagkakamali na tumatawag sa ating telepono. Kaya hinintay ko ito. At saka ko narinig ang tinig ng lolo ko. Sinabi niya ang lahat sa akin!” pahayag ni Mark.
Pilit na dumedepensa itong si Jane ngunit kahit anong paliwanag niya ay hindi na nakikinig pa itong si Mark.
“Tapos na tayo, Jane. Hindi ko gusto ang ginawa mo sa lolo ko!” saad ni Mark.
“Itatapon mo na lang ang lahat ng pinagsamahan natin? Sasayangin mo lang ang lahat ng ginastos natin sa kasal? Pag-uusapan tayo ng marami, Mark!” saad ni Jane.
“Wala na akong pakialam. Handa akong gumastos pa ng mas malaki mapawalang bisa lang ang kasal natin. Hindi ko kayang makisama sa isang babaeng tulad mo! Si Lolo Teodoro ang nagpalaki sa akin. Siya ang dahilan kung bakit ako ngayon ang lalaking nasa harapan mo! Wala ang lahat ng mga nagustuhan mo sa akin kung hindi dahil sa kaniya! Tapos ay ganito lang ang isusukli mo? Umalis ka na, Jane! Tapos na tayo!” giit pa ni Mark.
Patuloy sa pagmamakaawa itong si Jane ngunit galit na lang ang nararamdaman nitong si Mark.
Hindi akalain ni Jane na mauuwi sa paghihiwalay ang pinangarap niyang buhay may asawa. Labis man niyang pagsisihan ang kaniyang ginawa kay Lolo Teodoro ay huli na ang lahat dahil kinasusuklaman na siya ng dati niyang asawa.