Inday TrendingInday Trending
Sanggang-Dikit ng Lalaki ang Kaniyang Kaibigan Subalit Nabago ang Lahat Nang Masira ang Pamilya Nito; Pagsisihan Kaya Niya ang Oras na Sana’y Dinamayan Niya Ito?

Sanggang-Dikit ng Lalaki ang Kaniyang Kaibigan Subalit Nabago ang Lahat Nang Masira ang Pamilya Nito; Pagsisihan Kaya Niya ang Oras na Sana’y Dinamayan Niya Ito?

Simula noong nasa unang baitang pa lamang sila sa elementarya ay magkaklase na sina Junie at Fidel hanggang ngayong nasa ikalawang taon na sila sa kolehiyo. Sa kabila ng kanilang pagkakaiba ay matalik silang magkaibigan.

Si Junie ay anak ng isang janitor sa paaralan na pinapasukan nila. Ang ina naman niya ay naglalako ng mga pagkain sa mga opisina. Ang mga magulang ni Fidel ay isang empleyado sa tanggapan ng pamahalaan at OFW.

Parehong masayahing bata sina Junie at Fidel. Pareho rin silang aktibo sa klase at sa mga patimpalak. Kahit matumal ang kita ng mga magulang ni Junie ay ni minsan hindi ito nagutom o nawalan ng pambayad sa proyekto dahil nandiyan si Fidel.

Mapagbigay talaga si Fidel hindi lang kay Junie kundi pati na rin sa iba nilang mga kaklase. Sa murang edad, may sariling kotse na ito na bigay ng ama niya noong nagtapos siya sa elementarya.

Subalit, nagbago ang lahat noong naghiwalay ang mga magulang ni Fidel. Parang nawalan na ito ng ganang mag-aral. Hindi naman nagsawa si Junie na puntahan ang kaibigan upang ayain itong pumasok.

“Huwag mo na masyadong isipin ang nangyari kina Tito at Tita, Fidel. Sa paaralan, makakalimutan mo ang mga pinagdaraanan mo dahil may makakaramay ka.”

“Eh ayoko nga eh. Hayaan mo nga muna akong mapag-isa,” sabi ni Fidel.

Wala nang nagawa pa si Junie dahil sa kahit na anong pilit niya sa kaibigan na pumasok ay ayaw talaga nito. Nagpokus na lamang siya sa pag-aaral at sumali pa siya sa varsity team ng kanilang pamantasan. Marami siyang naging kaibigan at nawala sa isipan niya si Fidel.

Isang araw, pinuntahan ni Fidel si Junie sa pamantasan pagkatapos ng klase at niyayang mag-merienda. Gusto sanang samahan ni Junie ang kaibigan kaya lang ay may lakad rin sila ng mga bago niyang kaibigan. Umuwi na lamang si Fidel.

Lumipas ang isang linggo na hindi nagkikita sina Junie at Fidel. Dahil sa dami ng mga nangyayari sa buhay niya, nakalimutan ni Junie na may pinagdadaanan ang matalik niyang kaibigan.

Isang gabi, tinawagan ni Fidel si Junie. Kinumusta niya ito at nagpasalamat din siya sa kanilang pagkakaibigan.

“’Tol, maraming salamat rin sa lahat ng iyong kabutihan sa akin at sa pamilya ko pero bakit parang ang emo mo talaga ngayon,” tanong ni Junie sa kaibigan.

Hindi umimik si Fidel. Niyaya niya ulit si Junie na lumabas sila at susunduin niya ito.

“Pasensya na ‘tol, maaga pa kasi ako bukas. Ang kulit kasi ng teammates ko, niyaya nila akong sumama sa outing ng mga kaibigan nila,” pagtanggi ni Junie sa kaibigan.

Hindi ipinahalata ni Fidel na labis siyang nagtampo sa kaibigan.

Kinabukasan, nabulahaw ang pagtulog ni Junie sa pagsigaw ng kaniyang Nanay at pagkalampag nito sa pinto ng kaniyang kuwarto. Ginigising siya.

“Junie! Anak! Gising! May nangyari kay Fidel! Anak, buksan mo ang pinto,” sigaw ng kaniyang nanay.

Nagulat at natulala nang saglit si Junie sa mga narinig niya. Noong mahimasmasan na ito ay lumapit siya sa pintuan at binuksan niya ang pinto.

Agad na niyakap ng kaniyang nanay si Junie. “Anak, wala na si Fidel. Naaksidente ang sasakyan niya. Kawawa naman ang matalik mong kaibigan. Pero mabuti na lamang din at hindi ka sumama sa kaniya kagabi dahil baka napahamak ka rin.”

Gulat na gulat sa kaniyang mga narinig si Junie. Parang pinagbagsakan ng langit at lupa ang kaniyang pakiramdaman. Hindi namalayan ni Junie na tumutulo na ang mga luha mula sa mga mata niya. Wala na ang kanyang matalik na kaibigan na parang kapatid na niya.

“Sana sinamahan ko na lang siya noong nag-aya siya kagabi. Baka hindi pa nangyari ‘yon,” humahagulhol na pahayag ni Junie.

Pumunta si Junie at ang pamilya niya sa lamay ni Fidel. Umuwi ang ama ni Fidel upang makasama ang anak sa mga huling sandali nito, bago ihatid sa huling hantungan. Sising-sisi naman ang mag-asawa dahil ipinagpalagay nila na dahil sa kanila ay nangyari ito sa kanilang kaisa-isang anak.

“Fidel, ‘tol, patawad. Patawarin mo ko at hindi kita nabigyan ng oras. Patawad dahil wala ako noong kailangan na kailangan mo ako,” sabi ni Junie sa puntod ng yumaong kaibigan.

Masakit para kay Junie ang nangyari kay Fidel. Araw-araw, hindi niya maiwasan na sisihin ang sarili niya sa mga pagkukulang niya bilang isang kaibigan. Subalit, umaasa ang binata na isang araw ay mapatawad niya rin nang lubusan ang sarili niya.

Kaya napagtanto niya, dapat na magbigay ng oras sa mga nangangailangan nito lalo na sa kaibigan at iba pang mahal sa buhay. Iparamdam sa iba ang halaga nila bago pa mahuli ang lahat.

Advertisement