Inday TrendingInday Trending
Pagkalipas ng Sampung Taon ay Pinuntahan Siya ng Dating Kaibigan; Sa Wakas ay Magbabayad daw Ito ng Utang

Pagkalipas ng Sampung Taon ay Pinuntahan Siya ng Dating Kaibigan; Sa Wakas ay Magbabayad daw Ito ng Utang

Problemadong-problemado si Arman. Kanina pa siya nakasalampak sa gilid ng daan habang sapo ang kaniyang ulo. Paano kasi, ngayon ay natanggal siya sa trabaho. Nakasama siya sa mga empleyadong inalis ng ngayon ay palugi nang kompaniya. Talagang nagbabawas sila ng mga tao, at sa kamalas-malasang pagkakataon ay hindi inaasahang nakasama nga siya sa tinanggal. Wala siyang magawa kundi ang mapadasal na lang sa Panginoon na sana ay tulungan siya sa kaniyang problema.

Hindi alam ni Arman kung paano iyon sasabihin sa asawa, lalo na at magpapasko pa naman. Sa totoo lang ay nabale niya na ang dapat ay sasahurin niya ngayong buwan nang maospital ang anak nila dahil sa taas ng lagnat nito. Napakahirap pa namang maghanap ng trabaho lalo na ngayong p*ndemic. Gusto na niyang ipukpok ang sariling ulo dahil talagang wala na siyang maisip na paraan.

Bagsak ang balikat ni Arman nang siya ay umuwi. Lukot ang kaniyang mukha at panay ang kaniyang buntong-hininga. Nang marating niya ang tapat ng kanilang bahay at tatlong beses siyang kumatok upang pagbuksan ng asawang si Lorry…ngunit tila lalo lamang siyang nalungkot nang salubungin siya nito, suot ang napakaganda nitong ngiti.

“Mahal, nandiyan ka na pala!” masiglang bati nito sa kaniya sabay yakap nang mahigpit. Halos gusto nang maiyak ni Arman doon pa lang ngunit pinigilan niya upang hindi ito mag-alala.

“Sandali, may problema ka ba? Bakit ang tamlay mo, mahal?” Matapos kumalas nito sa kanilang yakapan ay napansin ni Lorry ang pagiging matamlay ni Arman. Akmang sasagot na sana siya sa asawa nang muli itong magsalita.

“Mamaya na lang natin pag-usapan ’yang problema mo, mahal. May bisita ka, e. Harapin mo na muna,” bulong pa nito bago nito nilakihan ang pagkakabukas ng pintuan at doon ay tumambad sa kaniya ang pigura ng isang pamilyar na lalaki…

“Diego?!” bulalas ni Arman nang makilala ang dating matalik na kaibigan noong siya ay nasa kolehiyo pa.

“Oo, pare, ako nga,” nakangiti namang sabi nito bago ito tumayo upang lapitan siya’t gawaran ng tapik sa balikat bilang pagbati.

“Long time no see, pare! Kumusta?” Bahagyang nakalimutan ni Arman ang kaniyang problema dahil sa galak na makitang muli si Diego. Sanggang-dikit kasi sila noon at marami ring pinagsamahan. Naputol lamang naman kasi ang komunikasyon nila nang ito ay mag-abroad at maging abala sa tinahak na trabaho.

“Oo nga, pare. It’s been ten years. Ang tagal ko ring hindi nakauwi rito sa pinas,” sagot naman nito. “Pasensiya ka na at ngayon lang ako nagparamdam ulit. Halos nawalan kasi ako ng oras kahit sa sarili ko dahil sa negosyo…”

Hindi napigilang humanga ni Arman sa kaibigan. Bahagya rin siyang naiinggit ngayong nalaman niyang mataas na ang naabot nito sa buhay ngunit mas nangingbibabaw ang tuwa niya para dito. “Wow, pare, buti ka pa, asensado na. Ako, heto at namomroblema dahil natanggal ako sa trabaho…” Napabuntong-hininga muli si Arman nang maalala ang kaniyang suliranin. “Oo nga pala, ano’t napadalaw ka?” muli ay pag-iiba na lamang niya ulit ng usapan.

“Actually, pare, nandito ako para bayaran ang limang libong pisong inutang ko sa ’yo noon bago pa ako mag-abroad. Pasensiya ka na at natagalan,” sagot naman nito na bahagya pang nakapagpakunot sa noo ni Arman. Ang totoo ay nakalimutan na rin niya ang tungkol doon. “Pero hindi pera ang ibabayad ko sa ’yo, pare. Hindi sapat ang perang kasing halaga lang ng ipinahiram mo sa akin noon sa suwerteng ibinigay sa akin ng limang-libong pisong iyon. Kung hindi dahil doona ay hindi ko sana maaabot ang pangarap kong makapagpatayo ng negosyong kainan. Dahil doon, gusto ko sanang ialok sa ’yo na maging kasosyo ko, nang wala kang inilalabas na pera. Sa ’yo ang kalahati ng kita ko sa isa sa aking mga branch, pagkatapos ay kukunin din kitang branch manager doon bilang extra income,” mahabang paliwanag pa nito na halos ikalaglag naman ng panga ni Arman!

Hindi niya akalain na dahil lang sa pagpapaluwal niya noon sa isang kaibigan ay ganitong klaseng biyaya ang darating sa kaniya, kahit pagkalipas pa ng sampung taon, sa panahong kailangang-kailangan niya! Halos maluha si Arman dahil napagtanto niyang napakahusay talagang kumilos ng Diyos. Ibabalik Niya ang kabutihang nagawa mo sa kapwa sa oras na kailangan mo. Ngayon ay lalo niya pang isasapuso ang pagtulong nang walang pag-iimbot.

Advertisement