Inday TrendingInday Trending
Uugod-ugod na ang Matandang Ito Ngunit Wala pa ring Tigil sa Pagkayod para sa Tamad na Anak; Pamangkin pala Niya ang Sasagip sa Kaniya

Uugod-ugod na ang Matandang Ito Ngunit Wala pa ring Tigil sa Pagkayod para sa Tamad na Anak; Pamangkin pala Niya ang Sasagip sa Kaniya

Napapailing si Gilbert habang pinagmamasdan mula sa malayo ang kaniyang tiyahing uugod-ugod na habang nagtutulak ito ng kariton kung saan nakalagay ang mga paninda nitong gulay. Halos hindi na nga ito makatayo nang tuwid ngunit wala itong magawa kundi ang manatiling naghahanap-buhay.

Sa totoo lang ay makailang beses na rin niyang kinumbinsi ang tiyahing ito na sumama na lang sa kaniya, ngunit palagi na lang itong tumatanggi. Ang sabi nito ay wala raw kasama ang kaniyang anak at hindi raw iyon mabubuhay kung wala siya, ngunit alam ni Gibert na ang mga ’yon ay dahilan lang ng kaniyang tiyahin. Alam niyang hirap na rin ito at gusto nitong sumama sa kaniya kung hindi nga lamang ito nahihiya, dahil sa mga kasalanang nagawa nito sa kaniya noong siya ay bata pa.

Dati-rati kasi ay madalas siyang kutyain ng tiyahin niyang si Tiya Berna, dahil anito ay mas magaling daw sa kaniya ang anak nitong si Anthony. Naalala niya na madalas siya nitong pagbuhatan ng kamay sa tuwing wala ang kaniyang mga magulang at kung papaano nito ipamukha sa kaniya noon na wala siyang mararating sa buhay at pagtanda ay magiging istambay lang ’di umano katulad ng kaniyang ama.

Hindi akalain ni Tiya Berna na sa kanila palang pagtanda ng pinsang si Anthony ay magkakapalit sila ng sitwasyon, dahil siya ay naging matagumpay na arkitekto habang si Anthony naman ay naging istambay na lulong sa bisyo dahil sa matindi nitong katamaran. Tuloy, ang kaniyang Tiya Berna ay kinakailangang maghanap-buhay pa rin sa kabila ng katandaan nito at talaga namang naaawa na si Gilbert dito! Kahit naman kasi naging masama ang trato nito sa kaniya noon ay hindi pa rin niya inalis ang pagmamahal sa kaniyang tiya. Wala sa isip at puso ni Gilbert ang magtanim ng galit dito lalo pa at naging bahagi naman ng kaniyang tagumpay ang mga sinabi sa kaniya noon ng tiya niya. Ginamit niya ang mga salita nito noon upang huwag siyang panghinaan ng loob dahil gusto niyang patunayang hindi iyon mangyayari. Kahit papaano ay tinatanaw niya pa rin iyong utang na loob.

“Anthony, wala ka na ba talagang awa sa Tiya Berna? Hindi mo ba nakikitang nahihirapan na siya sa pagtitinda habang ikaw, narito’t nakikipag-inuman at winawaldas ang perang kinikita niya sa araw-araw?!” inis na sabi ni Gilbert kay Anthony matapos niya itong puntahan nang hapon ding iyon.

“Wala kang pakialam! Nanay ko naman ’yon, a!” ngunit sagot lang sa kaniya ng lasing na si Anthony.

“Nanay? Bakit, ganoon ba kung ituring mo siya? Alam mo, Anthony, kung hindi mo kayang alagaan ang nanay mo ay kukunin ko na lang siya. Ako ang gagawa ng dapat ay ginagawa mo. Ipapakita ko sa kaniya ang pagmamahal ng isang anak dahil hindi mo naman kayang ibigay ’yon, e. Alam mo kung bakit?” Sandali pang tumigil sa pagsasalita si Gilbert upang bigyang diin ang susunod na sasabihin… “Dahil wala kang kwentang anak!”

Iyon lang at tinalikuran niya ang pinsang naiwang tulala dahil sa mga sinabi niya. Animo ito sinampal nang kaliwa’t kanan dahil sa mga narinig at nagsimulang manumbalik ang mga alaala ng pagpapahirap niya sa ina gayong wala naman itong ginawa kundi ang alagaan siya.

Tama si Gilbert. Ngayon ay alam na ni Anthony ang lahat ng kaniyang pagkakamali at ngayon ay handa na niya itong itama! Matapos ang araw na ’yon ay nagsimula nang maghanap ng maayos na pagkakakitaan si Anthony at malugod siyang tinulungan ng pinsang si Gilbert doon. Pinatigil na rin niya sa pagtatrabaho ang kaniyang ina na bagama’t nagtaka sa ikinikilos niya ay nagpapasalamat pa rin sa Diyos. Ikinuwento pa ni Anthony sa ina ang naging pag-uusap nila ng pinsang si Gilbert na naging dahilan ng kaniyang pagbabago, pati na rin ang pagbibigay sa kaniya nito ng trabaho at dahil doon ay lalo lamang nahiya sa kaniyang sarili si Tiya Berna. Sa kabila ng pagmamalupit niya noon sa pamangkin ay nagawa pa rin siya nitong pagmalasakitan, kaya naman sa tingin niya ay oras na para humingi ng tawad kay Gilbert.

“Tiya, gabi na ho, napadalaw ho kayo?” Ikinagulat ni Gilbert ang biglaang pagdalaw ng tiyahin. Ganoon na lang ang pagkabigla niya nang yakapin siya nito nang walang anu-ano at umiiyak na humingi sa kaniya ng tawad. Nakangiti namang niyakap ito pabalik ni Gilbert at ibinigay ang ikapapanatag ng loob nito. Simula noon ay lalong naging malapit si Gilbert sa mga kaanak habang tinatanaw namang malaking utang na loob ng mag-inang Tiya Berna at Anthony ang kaniyang kabutihan.

Advertisement