Mula nang Maparalisa ay Naghirap ang Pamilya ng Lalaking Ito; Patutunayan Niya Kung Gaano Kadakila ang Isang Tunay na Ama
Malungkot na pinagmamasdan ni Mang Arturo ang kaniyang asawa’t panganay na anak habang nagpapahinga ang mga ito sa mga bangko sa kanilang salas. Bakas sa kanila ang pagod dahil sa maghapong pagtitinda ng isda sa palengke at halos ikadurog naman ng puso niya ang tanawing iyon.
Mula nang maparalisa ang padre de pamilyang si Mang Arturo ay naghirap na ang kanilang buong mag-anak. Paano kasi, bukod sa nawalan na nga siya ng kakayahang magtrabaho ay ni hindi man lang ibinigay sa kaniya ng kaniyang pinagtatrabahuhang kompaniya ang mga benepisyong dapat ay matatanggap niya mula sa kanila para sa dalawampung taong pagtatrabaho niya sa mga ito. Hindi rin kasi iyon maasikaso ng kaniyang asawa o maihingi man lang ng tulong sa mga ahensya ng gobiyerno dahil wala silang kakainin kung hindi ito maghapong kakayod. Maliliit pa ang mga anak nina Mang Arturo at ng asawang si Rodelia. Ang panganay nga nilang katu-katulong nito ngayon sa pagtitinda ay sampung taong gulang pa lamang kaya naman ganoon na lang kalabis ang pagkadurog ng puso ni Mang Arturo. Hindi dapat sila ang nagtatrabaho at kumakayod kundi siya, dahil siya ang padre de pamilya! Ngunit heto siya at nakaratay ngayon sa kanilang sofa dahil paralisado na ang kaniyang katawan, mula sa kaniyang baywang hanggang sa kaniyang talampakan!
Pakiramdam ni Mang Arturo ay isa na siyang inutil, ngunit nang gabing ’yon ay pilit niya pa ri itong pinalis sa kaniyang isipan. Hindi ito ang tamang oras para panghinaan siya ng kaniyang loob dahil alam niyang ngayon siya mas kailangan ng kaniyang mga anak. Kaya naman kinabukasan ay naglagay ng karatula si Mang Arturo sa labas ng kanilang bahay na nagsasabing tumatanggap siya ng mga kukumpunihing appliances. Iyon ang senaryong inabutan ng kaniyang asawa’t anak nang umuwi ang mga ito mula sa kanilang maghapong pagtitinda sa palengke.
“Mahal, ano ’yang ginagawa mo? Baka mapano ka!” nag-aalalang bulalas ni Aling Rodelia nang makita ang asawang si Mang Arturo na nakadapang nagkukumpuni ng sirang mga kagamitan.
“Huwag kang mag-alala, Rodelia. Kaya ko ito. Lalo lang akong magkakasakit kung mahihiga lang akong maghapon d’yan sa sofa. Hindi naman mabigat itong ginagawa ko. Isa pa ay dalawang buwan na mula nang maparalisa ako kaya naman naka-recover na rin kahit papaano ang katawan ko,” naninigurong sagot naman niya sa asawa na wala nang nagawa kundi mapabuntong-hininga sa katigasan ng kaniyang ulo.
Ang ginawa nito ay naghain na lamang ng meriyenda para sa kanilang lahat at tinabihan siya habang nagkukumpuni. Masaya silang nagkuwentuhan tungkol sa maghapong nagdaan upang ibsan ang kani-kaniya nilang pagod na nararamdaman at iyon naman ang inabutang senaryo ng taong nagpapakumpuni sa kaniya.
“P’wede ko po ba kayong kuhanan ng litrato para mai-post natin sa social media? Marami pong tutulong sa inyo doon, panigurado,” maya-maya ay tanong nito dahil talagang naantig ang puso nito sa nakitang sitwasyon nila.
“Pwede naman ho,” mabilis namang sagot ni Mang Arturo bagama’t nahihiya. Naisip niya na kailangan iyon ng kaniyang pamilya ngayon kaya naman walang puwang ang hiya sa mga ganitong pagkakataon.
Matapos i-post ng naturang kostumer ang kanilang litrato sa social media ay talaga namang humakot iyon ng napakaraming simpatya sa mga netizens. Maraming humanga sa kasipagan ni Mang Arturo, pati na rin sa pagmamahalan ng kaniyang buong pamilya sa kabila ng hirap ng buhay. Dahil doon ay marami rin ang nagpaabot sa kanila ng tulong. Bukod pa roon ay may mga tumulong din kina Mang Arturo upang kalampagin ang kompaniyang dati niyang pinagtatrabahuhan upang ibigay ng mga ito ang mga benepisyong nararapat para sa kaniya. Marami ring pulitiko at kilalang mga personalidad ang nakialam tungkol doon kaya naman napilitang makipagtulungan ang dating mga amo ni Mang Arturo.
Sa wakas ay nakuha nila ang para sa kanila. Iyon ang ginamit nina Mang Arturo upang makapag-umpisa kahit ng maliit na negosyo na dahil sa pagtutulungan ng kanilang buong pamilya, kalaunan ay naging matagumpay at naging malaki. Iyon ang siyang nagpaasenso sa kanilang buhay.
Isa-isang nakapagtapos ang mga anak ni Mang Arturo ng kolehiyo at kalaunan ay nagkaroon ng magagada at kani-kaniya nilang trabaho. Lahat ng iyon ay bunga ng pagigin masikap, mapagmahal at masipag na padre de pamilya na sa kabila ng pagiging paralisado ay nagawa pa ring magtrabaho para sa kaniyang mga anak. Tunay na nakaaantig ang kwento ng dakilang amang si Mang Arturo.