Minaliit ng Mayayamang Dayo ang Ama ng Dalaga dahil Isa Lamang Itong Magsasaka; Sa Pagbabalik Nila’y Mapapahiya Sila
Umiiyak na umuwi ang dalagang anak ng magsasakang si Mang Patricio galing sa diskuhan sa sentro ng kanilag bayan. Fiesta kasi ngayon sa kanilang lugar kaya naman usong-uso na naman sa mga kabataan ang dumalo sa mga ganoong klaseng pagtitipon, ngunit heto nga at umuwi ang dalaga na malungkot at animo inapi.
“Bakit, Gracia? Sino ang nagpaiyak sa ’yo?” seryosong tanong ng mapagmahal na amang si Mang Patricio sa kaniyang dalaga na agad namang yumakap sa kaniya.
“Itay, may mga dayo po kasing nakipagkaibigan sa akin kanina sa diskuhan. Noong una po ay natuwa ako dahil maayos naman ang trato nila sa akin, pero bigla iyong nagbago nang mabanggit kong pagsasaka ang ikinabubuhay ng pamilya natin!” umiiyak na sumbong pa ng dalaga sa ama. “Ang sabi po nila ay mga wala raw pong pinag-aralan ang mga magsasaka kaya naman mababang uri raw tayo ng tao!”
Napailing si Mang Patricio sa narinig na sinabi ng anak bagama’t hindi siya makapaniwalang ganito na kawalang modo ang mga kabataang tagasiyudad ngayon.
“Huwag kang maniwala sa kanila, anak. Hindi totoo ’yon. Sa susunod na magtatagpo ang mga landas n’yo ay ako na ang bahalang makipag-usap sa kanila at magpaliwanag ng mga bagay na hindi naman nila lubos na naiintindihan. Huwag ka nang umiyak d’yan,” pag-aalo pa ni Mang Patricio sa anak na bagama’t nahihikbi pa ay tumahan na rin naman maya-maya.
Kinabukasan, katatapos lamang ni Mang Patricio sa pag-aararo nang lapitan siya ng anak na si Gracia. Itinuro nito ang kamay sa direksyon ng mga taong naglalakad noon sa palayan at animo mga namamasyal.
“Itay, sila ’yong mga nanghamak sa akin kagabi,” malungkot na sabi ni Gracia sa ama. Napatango naman si Mang Patricio at nagsimulang magkalad patungo sa mga dayo.
“Kumusta kayo?” panimulang bati ni Mang Patricio sa mga ito na agad naman siyang nilingon. Base pa lang sa uri ng kanilang mga tingin ay animo hinahamak na siya ng mga ito.
“Ano ho’ng kailangan n’yo?” nakataas ang isang kilay na tanong naman ng isa sa kanila.
“Ako nga pala si Mang Patricio. Ako ang ama ni Gracia na hinamak at ininsulto n’yo kagabi sa diskuhan,” mahinahon namang pakilala ni Mang Patricio sa kanila.
“So?” ngunit mataray pa ring sagot ng dayo. “Wala ho kaming pakialam. Totoo naman ho ang sinabi namin sa anak n’yo. Hindi siya bagay makipagkaibigan sa amin dahil ang mga katulad n’yo ay walang pinag-aralan,” sagot naman nito bago pa iyon sinundan ng malalakas na halakhakan ng mga ito.
“Ang lakas naman ng loob ninyong bastusin kami sa sarili naming lupain,” naiiling na sita pa ni Mang Patricio sa mga ito.
“Lupain n’yo? Nagpapatawa ho yata kayo, tatang. Sa pagkakaalam ho namin ay si Donya Yolanda ang may-ari ng mga lupaing ito. Kaya nga kami nandito para sa research namin, e, dito kami pinadala ng professor namin na malayong kamag-anak ni Donya Yolanda!” nangingisi pang sagot nito sa kaniya na ikinailing pang lalo ni Mang Patricio.
“Sino ba ang propesor n’yo?”
“Si Prof. Arnold, bakit?”
Sa isinagot na iyon ng naturang dayo ay si Mang Patricio naman ngayon ang natawa. “Tama. Malayong kamag-anak nga siya. Apo siya ng isa sa mga pinsan ni Donya Yolanda, habang ako naman ang nag-iisang anak niya! Ako si Patricio Yolanda, isang magsasaka na nagtapos sa kursong Agrikultura. Ngayon, papaano n’yo sasabihing ang mga katulad namin ay walang pinag-aralan gayong kayo ang mga walang modong dumayo rito para hamakin kami sa katayuan namin?”
Ikinabigla ng mga dayo ang tinuran ni Mang Patricio. Ang kaninang maiingay na bibig ng mga ito ay bigla na lang nawalan ng kani-kaniya nilang sasabihin matapos isiwalat ni Mang Patricio ang mga bagay na iyon. Matinding pagkapahiya ang kanila ngayong nararanasan dahil sa katabilan ng kanilang mga dila.
Samantala, labis naman ang naging paghanga ni Gracia sa ama nang makita ang ginawa nito sa mga dayo. Ni hindi nito kinailangang magtaas ng boses o magsabi ng masasamang salita para lang sila ay patahimikin at bigyan ng leksyon.
Sa huli ay walang nagawa ang mga dayo kundi ang humingi ng tawad sa mag-amang Gracia at Mang Patricio dahil sa kanilang nagawang kapangahasan. Ngayon ay natutunan na nilang hindi dapat hinahamak ang mga tao base lamang sa kanilang trabaho o propesyon sa buhay.