Inday TrendingInday Trending
Niloko ng Isang Ganid na Kapitbahay ang Kapwa Mangingisda; Bandang Huli ay Magpapasalamat Pa Ito sa Kaniya

Niloko ng Isang Ganid na Kapitbahay ang Kapwa Mangingisda; Bandang Huli ay Magpapasalamat Pa Ito sa Kaniya

“Mahal, ano ba ang tinatanaw mo riyan? Tara na sa loob at maghapuan tayo. Nakahain na at ikaw na lang ang hinihintay,” wika ni Adel sa kaniyang asawang si Romy habang nakatitig ito sa karagatan.

“Nag-iisip kasi ako ng paraan paano ako makakahuli ng marami. Lumalaki na rin ang mga bata at lumalaki na rin ang pangangailangan nila. Nangangamba ako na hindi ko ito naibibigay ang lahat sa inyo,” malungkot na tugon ng mister.

“Hindi mo naman kailangang ibigay ang lahat sa amin, mahal,” saad pa ng ginang sabay upo sa tabi ng asawa.

“Ayos na sa amin ang simpleng buhay basta magkakasama tayo,” dagdag pa ni Adel.

Maya-maya ay dumaong ang bangka ng kanilang kapitbahay na si Delfin.

“Kumusta, Romy? Hindi ka ba nangisda ngayon? Sayang at nakarami ako ng huli!” sambit ng ginoo.

“Hindi ako nakapangisda ngayong araw dahil may sira ang bangka ko. Baka tuluyang mabutas. Malagay pa ako sa alanganin lalo kapag nasa gitna na ako ng dagat. Gagawin ko muna,” tugon naman ni Romy.

“Palitan mo na kasi iyang bangka mo! Lumang luma na ‘yan, e. Hindi ba pamana pa iyan ng tatay mo sa iyo? Saka hindi na uso ang de sagwan. Bumili ka na ng katulad sa akin na de motor. Mas mabilis kang makakapunta sa dagat at makakauwi,”sambit muli ni Delfin.

“O siya, uuwi na ako at bukas ay ibebenta pa ito ng asawa ko sa bayan,” dagdag pa ng ginoo.

“Tayo din, mahal, pumasok na tayo sa bahay dahil naghihintay na ang mga bata at ang pagkain sa atin. Huwag ka ng mag-alala at makakaipon din tayo pambili ng bagong bangka,” sambit naman ni Adel.

Isang mangingisda si Romy. Naiiwan naman sa bahay ang asawa niyang si Adel para alagaan ang tatlo nilang mga anak. Pagkatapos sa laot at deretso si Romy sa bayan upang ibenta ang mga huli niyang isda.

Ngunit dalawang araw ng hindi nakakapangisda ang ginoo dahil sa sira ng kaniyang lumang bangka. Nais sana niyang galawin na ang kaunting ipon upang bumili ng bago ngunit hindi pa ito sasapat.

“Balita ko ay gusto mong bumili ng bagong bangka, Romy. Bakit hindi mo na lang bilhin itong bangka ko. Kahit na gamit na iyan ay subok naman ang tibay. Hindi ka na gagastos ng mahal,” alok ni Delfin sa ginoo.

“Pero kung ibebenta mo sa akin ang bangkang iyan ay ano naman ang gagamitin mo sa pangingisda?” pagtataka ni Romy.

“Balak ko na rin talagang bumili ng bago ulit. Tamang-tama at ibebenta ko na rin iyan. Ikaw na ang bumili para makamura ka. Pangako ibibigay ko lang sa iyo ng presyong kaibigan.Tignan mo ang motor niyan, bagong-bago pa,” muling saad ng kapitbahay.

Pilit na kinumbinsi ni Delfin si Romy. Ngunit ang hindi alam ng ginoo ay nais siyang lamangan ng kapitbahay.

“Pare, hindi ba pupugak-pugak na rin ang motor ng bangka mo? Bakit sinabi mo kay Romy na maayos pa ito? Baka mamaya ay malaman niya ang totoo,” saad ng kumpare ni Delfin.

“Hayaan mo siya. Sa ngayon ay maayos naman ang takbo ng motor ng bangka. Hindi pa naman tinotopak. Kapag nasira ay magdadahilan na lang ako. Saka mabilis namang maniwala iyang si Romy kaya ako na ang bahala,” sambit ng ginoo.

Binili ni Romy ang bangka ni Delfin. Lahat ng kaniyang ipon ay binigay niya sa ginoo sa pagtitiwalang ayos ang binili niya.

Nagamit naman niya ito ng ilang araw ngunit sa gitna ng laot ay pupygak-pugak ang motor ng naturang bangka. Mabuti na lamang at hindi pumapalaot si Romy ng walang sagwan. Kaya nagsagwan siya pauwi.

Agad siyang nagtungo kay Delfin upang sabihin ang nangyari.

“Hindi ko na problema ‘yan, pare. Maayos ko ‘yang ibinigay sa’yo, nakita mo naman. Baka mamaya ay kung ano ang ginawa mo!” sambit ni Delfin.

“Wala pa akong ginagalaw diyan. Ang tangi ko lang ginawa ay nilagyan ito ng gasolina. Sa tingin ko ay may sira na talaga ito bago ko pa man bilhin. Baka pwedeng ipagawa mo dahil nagbayad naman ako ng tama sa iyo,” pakiusap ni Romy.

“Pare. wala na akong pakialam diyan sa bangka. Sa iyo na ‘yan ngayon, ‘di ba? Ikaw na ang magpaayos. Maayos naman ‘yan nung ibinigay ko sa iyo! Kung ayaw mo ng nasisira ay dapat bumili ka ng bago!” ani Delfin.

Sa puntong iyon ay alam na ni Romy na niloko siya ng kapitbahay. Nais man niyang gawan ito ng masama ay naisip niya ang kaniyang asawa at anak. Pinigil niya ang sarili at tumalikod na lang sa ginoo.

Tatawa-tawa naman si Delfin dahil hindi na lumaban pa si Romy.

“Paano ngayon ‘yan, mahal? Mahihirapan ka pa rin sa pangingisda,” wika ni Adel sa asawa.

“Hayaan ko na lang, mahal. May awa ang Diyos. Makakarma din iyang si Delfin. Susubukan ko kung maayos ko pa. Kung gagana ay gagamitin ko ulit to bukas. Mas mabilis kasi akong nakakpunta sa laot at nakakauwi sa inyo. Hindi pa ako napapagod sa kakasagwan,” pahayag ni Romy.

Kinabukasan, pumalaot pa rin si Romy gamit ang bangkang de motor. Nakarating pa siya at nakapangisda. Ngunit pauwi ay pupugak-pugak na naman ito. Gagawin sana niya ang motor ng bangka nang malaglag sa tubig ang kaniyang liyabe.

Agad na tumalon sa dagat si Romy upang kuhain ang kaniyang liyabe. Nang nasa kailaliman na siya ay napansin niya ay may kumikinang na bagay sa hindi kalayuan. Agad niya itong pinuntahan at napukaw ang kaniyang atensyon ng isang malaking puting bato na ubod ng kinis.

Agad niya itong kinuha at at isinakay sa kaniyang bangka.

Nang makarating siya sa panpang ay agad niya itong iniuwi sa kaniyang bahay at ipinakita kay Adel.

“Sa tingin ko ay malaking perlas ito, mahal. Kailangan ko itong dalhin sa bayan upang ipasuri at para malaman kung gaano ang halaga nito,” wika pa ng ginoo.

Kinabukasan ay nagpunta sa bayan itong si Romy ay laking gulat niya nang malaman na tunay ngang perlas ito at napakalaki ng halaga. Ang maganda pa roon ay mayroong nais bumili agad nito sa kaniya sa halagang hindi niya inaakala.

“Tatlong milyon? Napakalaking halaga niyan, ginoo. Totoo po bang bibilhin niyo ito sa akin ng ganitong halaga?” laking gulat ni Romy.

“Sa totoo lamang ay dalawang milyon lang ang halaga niyan. Ngunit ayoko kasing ibigay mo pa ito sa iba kaya dadagdagan ko pa ng isang milyon. May ari ako ng isang museo at maganda ang perlas na hawak mo,” tugon naman ng lalaki.

Tuluyan na ngang ibinenta ni Romy ang napulot na perlas sa lalaki.

Samantala, hindi inakala ni Delfin ang swerteng nangyari kay Romy. Lalo pa siyang nainis nang malamang ang sirang motor ang naging dahilan upang matagpuan ni Romy ang nasabing perlas.

Mula noon ay nagbago na ang takbo ng buhay ng mag-anak. Nakapagpatayo na siya ng bahay at nakabili ng ilang bangkang de motor na gagamitin ng kaniyang mga tauhang mangingisda.

Ngayon ay masaya at panatag na ang kalooban si Romy dahil alam niyang maibibigay na niya sa kaniyang pamilya ang lahat ng mga pangangailangan ng mga ito at higit pa.

Advertisement