Inday TrendingInday Trending
Itinataguyod ng Isang Bata ang Buhay nilang Mag-ina; Bandang Huli ay may Magandang Kinabukasan Palang Naghihintay sa Kanila

Itinataguyod ng Isang Bata ang Buhay nilang Mag-ina; Bandang Huli ay may Magandang Kinabukasan Palang Naghihintay sa Kanila

“Nay, andito na po ako. Pasensiya na po kayo at apatnapung piso lamang ang kinita ko. Ibinili ko na po ng kalahating kilong bigas at tuyo,” bungad ni Jimboy sa kaniyang maysakit na ina.

“Sinabi ko naman sa iyo na hindi mo na kailangan pang gawin iyan, anak. Hayaan mo kapag gumaling ako ay ako na ulit ang magtatrabaho. Dito ka na lamang sa bahay at ayaw kong pakalat-kalat ka sa lansangan,” wika naman ng inang si Aida.

“Naaaliw din naman po ako, ‘nay, kahit paano. Marami po akong batang nakakasalamuha. Ang iba po ay kasing edad ko lang din po at ‘yung iba ay mas bata pa sa akin. Sama-sama po kaming nangangalakal kaya hindi na rin namin napapansin ang oras,” tugon pa ng bata.

“Basta palagi kang mag-iingat, anak. Napakabait ng Diyos at ikaw ang ibinigay niya sa akin. Napakabata mo pa pero tinutulungan mo na ako kaagad,” naluluhang sambit ng ina.

“Lahat po ay gagawin ko para sa inyo, nanay. Siyempre noong wala naman kayong sakit ay ginagawa niyo din ang lahat para sa akin,” wika pa ni Jimboy na may matamis na ngiti sa kaniyang mga labi.

Sampung taon lamang si Jimboy ngunit maaga siyang namulat sa hirap ng buhay. Tanging ang kaniyang ina na lamang kasi ang kaniyang kasama simula nang lisanin sila ng kaniyang ama.

Napilitan si Aida na manirahan sa mga kabahayan malapit sa ilog. Sa isang maliit na barung-barong ay pinagkakasya nila ang kanilang mga sarili.

Dating labandera at manikurista itong si Aida. Ngunit nang magkasakit ay hindi na ito nakapagtrabaho pa. Lagi na lamang itong nakahiga. Dahil salat din sa salapi ay hindi na nagawa pa ni Aida na magpatingin sa doktor.

Upang mayroon silang kainin ay napilitan si Jimboy na mangalakal. Naaawa man siya sa kalagayan ng anak ay wala din siyang magawa dahil hindi na kaya pa ng katawan niya na magtrabaho.

Kinabukasan ay maagang gumising si Jimboy upang mamulot muli ng kalakal. Binabalik-balikan na lamang niya ang kaniyang ina upang siguraduhing nakakakain ito.

Kahit na kumakalam ang sariling sikmura ay hindi ito iniinda ni Jimboy. Nais niyang ipunin muna ang pera upang makabili siya muli ng bigas at uulamin nilang mag-ina.

“Tara, Jimboy, magsamalamig muna tayo!” paanyaya sa kaniya ng isang batang kasama.

“Sige, kayo na lang. Nanghihinayang kasi ako sa limang piso. Dadagdagan ko na lang ng kaunti ay makakabili na ako ng tuyo, o kaya ng itlog o kaya ng miswa para mapagsaluhan namin ng nanay ko,” wika pa ni Jimboy.

“Kailan kaya tayo makakakain ng masarap, ano? Buti pa ‘yung ibang bata maswerte sila at ipinanganak sila sa mayamang pamilya. Sana kapag ipinanganak ako ulit ay sa mayamang mag-asawa naman ako mapunta!” sambit muli ng bata.

“Ikaw, Jimboy? Gano’n din ba ang gusto mo? Ipanganak sa mayamang pamilya?” tanong pa nito.

“Wala namang hindi naghangad na maging isang mayaman. Pero kung hindi rin ang nanay ko ang magiging magulang ko ay huwag na lang. Nanaisin ko na lang na maging mahirap basta kasama ko ang nanay ko,” tugon pa ni Jimboy.

“Talagang mahal na mahal mo ang nanay mo, ano? Nakakatuwa ka talaga!” saad pa ng kasamang bata.

Gutom na gutom na si Jimboy ngunit kailangan pa niyang maghanap ng kalakal. Kulang pa kasi ang pera niya para makabili ng kakainin nila ng ina hanggang sa almusal.

Sa ‘di kalayuan ay natanaw ng isang babae mula sa isang restawran si Jimboy na nagkakalkal ng basura. Nakahawak ito sa kaniyang tiyan at halatang nagugutom na.

Labis na awa ang naramdaman ng dalaga kaya hindi siya nagdalawang isip na bilhan kaagad ang bata ng makakain. Lumabas siya sa restawran at ibinigay ang biniling spaghetti kay Jimboy. Labis naman ang pasasalamat ng bata sa kabutihan ng dalaga.

Nang maiabot na ng dalaga ang pagkain ay saka siya bumalik muli sa nasabing restawran. Muli niyang pinagmasdan si Jimboy. Ngunit nagulat siya nang hindi kinain ng bata ang bigay niyang spaghetti.

Nakita niyang hinati ito ni Jimboy at ibinigay ang kalahati sa kaniyang kasama na nagugutom din at agad na itinabi ang kalahati.

Agad na lumabas ang dalaga sa restawran upang kausapin si Jimboy.

“Ako si Ate Clara. Ano ang pangalan mo bata?” tanong ng dalaga.

“Jimboy po,” tugon naman nito.

“Jimboy, nakita ko kasi ang ginawa mo. Para sa iyo kasi ang spaghetti na iyan. Bakit hindi mo kinain? Ayaw mo ba ng spaghetti?” tanong pa ni Clara.

“Gusto ko po, ate. Gustong-gusto ko po dahil hindi pa po ako ulit nakakain ng spaghetti matagal na matagal na panahon na po. Kaso, naisip ko po na nagugutom din itong kasama ko. Pero gusto ko din po kasing uwian ang nanay kong may sakit,” nahihiyang sagot ni Jimboy.

Napangiti na lamang ang dalagang si Clara habang nangingilid ang kaniyang mga luha. Hindi niya alam kung ano kasi ang kaniyang mararamdaman sa kabutihan ng kalooban ng batang ito.

Binilhan muli ni Clara siJimboy ng isa pang spaghetti. Inabutan din niya ito ng isang daan bilang kaunting tulong.

“Pasensiya ka na, Jimboy. Ito lang ang pera ko kasi. Hayaan mo kapag sumweldo na ulit ako at nagkita tayo ay bibigyan kitang muli,” saad ng dalaga.

“Naku, Ate Clara, sobra-sobra na po itong tulong niyo. Masaya po ako sapagkat may pagsasaluhan kami ng nanay ko. Pwede po akong hindi mangalakal sa susunod na araw at masasamahan ko siya sa bahay,” naiiyak na sambit ng bata.

“Tara, mag-picture tayo! Para mayroon akong ala-ala sa iyo. Alam kong hindi pa ito ang huli nating pagkikita,” wika muli ni Clara.

Dahil sa magkahalong galak at habang ang kaniyang naramdaman sa ay hindi maiwasan ni Clara na i-post sa social media ang nangyari sa kaniya ng araw na iyon. Kalakip ng larawan ay ikinuwento niya kung ano ang ginawa ng batang si Jimboy sa pagkaing ibinigay niya.

Marami ang naantig sa kwento ng bata at mabilis itong kumalat sa social media. Dahil dito ay marami ang nais na magpahatid ng tulong sa batang si Jimboy at sa nanay nito.

Sa muling pagkikita ni Jimboy at Clara ay baon ng dalaga ang lahat ng perang kaniyang nalikom upang ibigay na tulong sa mag-ina.

“Lahat ng ito ay para sa inyo ng nanay mo, Jimboy. Marami ang nais na tumulong sa iyo. May nagpaabot din ng tulong na magbibigay daw ng munting tindahan para hindi ka na aalis para mangalakal. Tapos, may gusto ding magpaaral sa iyo. Higit sa lahat ay mayroon ding nais na sagutin ang lahat ng pagpapagamot ng nanay mo,” masayang inihatid ni Clara ang balita sa bata.

Hindi naiwasan pa ni Jimboy ang napahagulgol. Una niyang naisip ang kalagayan ng kaniyang ina. Hindi niya akalain na sa kabila ng hirap ng buhay na kanilang dinaranas ay mayroong mabubuting loob na gustong tumulong sa kanila.

“Sa wakas ay maipapagamot na po ang nanay ko! Iyon lang po ay sapat na sa akin. Hindi ko po alam kung paano kayo pasasalamatan, lalong lalo ka na, Ate Clara! Hindi mo alam kung paano mo nabago ang buhay namin ng nanay ko!” walang tigil sa pag-iyak si Jimboy.

Unti-unti ay nakaalis na sina Jimboy at Aida sa maliit nilang barung-barong. Patuloy ang pagdagsa ng tulong sa kanilang mag-ina.

Pinatunayan naman nila na karapat-dapat sila sa biyayang kanilang natatanggap. Dahil nang makapag-aral si Jimboy ay lagi itong nangunguna sa klase. Habang si Aling Aida naman ay ginagawa ang lahat para sa kaniyang agarang paggaling.

Napatunayan ng kwento ni Jimboy na talagang hindi natutulog ang Panginoon. Ang mabuting kalooban ay tunay na binibigyan ng biyaya na siksik, liglig at umaapaw.

Advertisement