Inday TrendingInday Trending
Binayaran ng Lumang Barya ang Kabutihang Loob ng Ginoo; Hindi Niya Akalain ang Tunay na Halaga Nito

Binayaran ng Lumang Barya ang Kabutihang Loob ng Ginoo; Hindi Niya Akalain ang Tunay na Halaga Nito

Maulan ang araw na iyon ngunit masaya si Mang Dindo na nagtungo sa pwesto niya sa may bangketa malapit sa plaza kung saan siya nagtitinda ng mami. Dahil kasi sa panahon ay tiyak siyang maraming bibili ng kaniyang tinda. Marami ang magnanais na humigop ng mainit na sabaw.

Pagkarating niya sa kaniyang pwesto ay napansin niya ang isang matandang pulibi na nanghihingi ng pagkain sa ilang nagtitinda rin sa bangketa. Basang-basa na ito kaya ang marumi niyang kasuotan ay tila may putik dahil sa ulan.

“Kahit isang tinapay lang. Gutom na gutom na ako,” pagmamakaawa ng matanda.

“Ilang beses ko ng sinabi na hindi pwede at wala pa akong buena mano. Umalis ka dito at lalong minamalas ang tinda ko,” saad ng nagtitinda ng mga hamburger sa si Mang Arman.

“Kuhain mo na itong mga barya ko! Ito lamang talaga ang meron ako. Parang awa niyo na kahit isang tinapay lang,” muling sambit ng matandang pulubi.

“Anong gagawin ko sa mga pesetas na iyan? Umalis na kayo sa tapat nitong tindahan ko. Wala tuloy gustong lumapit dahil sa’yo, e!” sigaw pa ni Mang Arman.

Labis na naawa si Mang Dindo sa sinapit ng matandang pulubi.

“Tatang, tara po dito sa tindahan ko at humigop muna kayo ng mainit na sabaw. Mayroon din akong tinapay at saka noodles o kaya kung gusto niyo ay may kanin din. Halina po kayo para makasilong din kayo at hindi na kayo mabasa,” saad ni Mang Dindo.

Napaismid naman si Mang Arman sa ginawang ito ni Mang Dindo.

“Pakitang tao! Kaya hindi kumikita ang mamihan mo ay dahil sa masyado kang mabait. Tingnan mo at walang kakain diyan sa mamihan mo ngayon!” bulyaw ni Mang Arman.

Dahil sa sinabing ito ni Mang Arman ay tila natigilan ang matandang pulubi sa pagkain.

“Ayokong marumihan ang mga kubyertos mo. Bigyan mo na lang ako kahit sa plastik lang at ako na ang bahala na kainin ito. Doon na lang ako sa may sulok,” saad ng matanda.

“Huwag niyo pong pakinggan ‘yang si Arman at talagang wala lang magawa iyan. Paano niyo po mananamnam ang sarap ng mami ko kung hindi maayos ang pagkakainan ninyo? Umupo na po kayo para hindi na kayo mabasa habang kumakain. Ako na po ang bahalang maglinis niyan mamaya,” muling wika ni Mang Dindo.

Sabik na sabik ang matanda sa mga inihaing pagkain sa kaniya ni Dindo. Halos hindi niya alam kung ano ang uunahin niyang ilaman sa kaniyang tiyan.

“Dahan-dahan lang po at baka mabulunan naman kayo, tatang. Ito po ang tubig,” sambit muli ng ginoo.

“Pasensiya ka na sa akin, ngayon lang kasi ako uli makakakin ng disenteng pagkain. Sa dinami-dami kasi ng hiningan ko ay ikaw lang ang may pusong nagbigay sa akin ng ganito. Maraming salamat sa’yo,” nangingilid na ang luha ng matanda habang sinasabi niya ito.

“Siya nga pala, wala akong maibabayad sa lahat ng ito. Tanggapin mo na itong mga lumang barya. Alam kong wala na itong halaga ngunit matagal ko na itong pinakatatago-tago. Kuhain mo bilang pasasalamat ko sa iyo,” saad pa ng matanda.

“Huwag na po. Itago niyo na po ang mga iyan. Sa tingin ko po ay mahalaga ang mga iyan sa inyo. Kapag wala po kayong makain ay pumunta lamang po kayo dito sa pwesto ko at bibigyan ko po kayo,” sambit pa ni Dindo.

Ilang araw ding pabalik-balik ang matanda upang humingi ng pagkain kay Dindo. Malugod naman itong binibigyan ng ginoo. Minsan nga ay ipinagbabalot pa niya ito ng kanilang ulam ng sa gayon ay hindi puro mami ang kinakain nito.

“Tatang, ito po ang mga pinaglumaan kong damit. Pasensiya na kayo, a. Pero magagamit pa naman ang mga ito. Para po makapagpalit din kayo,” saad ng ginoo.

“Napakabuti mo talaga, Dindo. Lagi kang kasama sa mga panalangin ko,” wika ng matandang pulubi.

“Siya nga pala, tanggapin mo na itong lumang barya bilang tanda ng pasasalamat ko sa iyo,” dagdag pa nito.

“Naku, tatang, huwag na po. Sa inyo na ito!” giit ni Dindo.

“Lima pa ang ganiyan ko. Sige na at tanggapin mo na ang isang iyan. Baka magdala pa iyan ng swerte sa iyo,” muling saad ng matanda.

Dahil sa pagpupumilit ng matandang pulubi ay itinago na ito ni Dindo. Pag-uwi sa bahay ay naikwento niya sa kaniyang asawa ang tungkol sa matandang pulubing ito at sa pagbibigay nito ng lumang barya sa kaniya.

Agad niya itong pinakita sa kaniyang asawa.

“Alam mo may mga nangongolekta talaga ng lumang mga barya. Baka mamaya may halaga ang mga ito matutulungan mo pa siya,” pahayag ng kaniyang misis na si Thelma.

Dahil sa sinabi ng asawa ay pinasuri nila ang lumang baryang ibinigay ng matanda. At labis silang nagulat sa sinabi nito.

“Isang milyon ang halaga ng lumang baryang ito. Kung mayroon pa ngang mas ayos ang kalagayan ay hihigit pa sa isang milyon. Maraming naghahanap ng ganitong barya. Saan mo ito nakuha?” tanong ng eksperto kay Dindo.

“Bigay lamang po sa akin ito ng aking kaibigan. Sa pagkakaalam ko ay mayroon pa siyang mga baryang gaya nito. Agad ko po itong sasabihin sa kaniya,” wika pa nito.

Dali-dali siyang nagtungo sa pwesto upang makausap niya ang matandang pulubi. Agad niyang sinabi ang tungkol sa mga baryang itinatago nito.

‘Sigurado po ba kayo na akin na ang isang baryang ito, tatang? Ngayong alam niyo na po ang halaga ito maaari niyo na po itong bawiin sa akin,” ani Dindo.

“Ito pa ang apat na barya, Dindo. Itira mo na lamang sa akin itong isa,” mabilis na tugon ng matandang pulubi.

Labis ang gulat ng ginoo sa sinabing ito ng matanda.

“Sigurado po ba kayo? Isang milyon mahigit po ang halaga ng isang baryang ito! Magiging maayos po ang buhay niyo, tatang. Hindi niyo na po kailangan pang mamalimos sa daan,” mariing sambit ni Dindo.

“Naiintindihan kita. Kaya nga ibinibigay ko na sa iyo ang iba pa. Matanda na ako at hindi ko na kailangan ang lahat ng yaman na iyan. Mabuti ang puso mo at alam kong magagamit mo ang pera sa tamang paraan. Ang nais ko lamang ay tulungan mo ako na magkaroon ng maayos na tirahan,” pakiusap ng matanda.

Hindi makapaniwala si Dindo sa lahat ng pangyayari.

Ibinenta nila ang mga lumang barya at sa isang iglap ay agad silang naging milyonaryo.

Tulad ng kaniyang pangako sa matandang pulubi ay tinulungan niya itong makahanap ng kaniyang matitirahan. Sinigurado rin ni Dindo na sa panahon na mangailangan ang matanda kung ito ay magkasakit ay mayroong nakalaan para dito.

Ginamit ni Dindo ang perang binigay sa kaniya ng matanda para sa pagpapalago ng kaniyang negosyo. Labis ang kaniyang pasasalamat sa kabutihan din sa kaniya ng matanda.

Simula noon ay nagbago na nga nang tuluyan ang buhay ni Mang Dindo at ng matandang pulubi.

Talagang may natatanggap na magandang balik ang mga taong mabubuti ang kalooban.

Advertisement