
Kinukutya ng Isang Bata ang Kaklase dahil sa Kahirapan Nito; Paglipas ng Ilang Taon ay Babaligtad ang Kanilang Kapalaran
Dinig sa buong eskwela ang malakas na bell na hudyat na ng recess. Ang lahat ng mag-aaral ay sabik na sa pagbili sa pagkain. Ang iba ay agad ang tungo sa kantina at ang iba naman ay inilabas ang kanilang mga baon na umaga pa lamang ay hindi na nila mahintay na makain.
Ngunit iba ang kay Diego. Palinga-linga muna siya habang nakaupo siya sa sulok ng kanilang silid-aralan. Tinatanaw kung may mga kaklaseng makakapansin sa kaniya.
Nang makita niyang abala ang lahat at saka niya inilabas ang kaniyang baunan. Tahimik niyang kinakain ang pabaon sa kaniya ng ina hanggang sa dumating ang kaniyang kaklaseng si Troy.
“Tingnan niyo si Diego at kumakain na naman sa sulok. Hulaan ko kung ano ulam niyan! Walang iba kung hindi itlog na maalat at kamatis!” dinig na dinig ang halakhak ni Troy sa buong silid-aralan.
“Hindi ka ba nagsasawa sa itlog na maalat at kamatis, Diego? Puro ganiyan ang baon mo kaya ‘yang ulo mo mukhang itlog na rin, e!” pangungutya pa ng bata.
Sa totoo lamang ay hindi naman talaga nahihiya si Diego sa pabaon ng kaniyang ina. Natutuwa nga siya kahit paano ay nag-aabala pa ang ina sa paghahanda ng kaniyang kakainin sa eskwela at hindi siya nalilipasan ng gutom. Ngunit sadyang ayaw lang niya ang pang-iinis na ginagawa sa kaniya ni Troy.
Sa araw-araw kasi ay ganito ang ginagawa ng kaklase sa kaniya. Kaya upang hindi na lumaki pa ang gulo ay siya na lamang ang umiiwas.
“Paborito ko ang itlog na maalat kaya ito lagi ang inihahanda ng nanay ko sa akin. Ano ngayon kung ito lang ang ulam ko? Puno naman ito ng pagmamahal ng nanay ko,” saad pa ni Diego.
Tindera ng kakanin sa bangketa ang ina ni Diego samantalang ang ina naman ni Troy ay nag-oopisina. Nais man ni Diego na makapag-ulam ng masarap ay kailangang hatiin ng kaniyang ina ang budget para sa iba pa niyang kapatid. Madalas tuloy ay kung hindi talbos ng kamote ay itlog na maalat ang ulam niya.
Ngunit nauunawaan naman ito ng bata. Ayaw rin niya kasing maging pabigat pa sa lahat ng pinapasan ng kaniyang ina. Kahit na tampulan siya ng tukso ay siya na lamang ang umiiwas.
Subalit kahit anong iwas ang gawin ni Diego ay talagang binubuyo siya ni Troy.
Isang araw ay nagbigay ng takdang aralin ang guro ng mga bata. Ipinapasulat sa kanila kung ano ang nais nilang maging paglaki nila at ang dahilan nito. Isa-isa silang tinawag sa harapan upang basahin ang kanilang isinulat.
Tumayo si Diego at tila kinakabahan na basahin ang kaniyang ginawa. Maganda man ang kaniyang pagkakasulat ng kaniyang takdang aralin ay hindi ito nakaiwas sa panunukso ni Troy.
“Gusto mong maging isang doktor? Kailan sa mga doktor ay matalino ka at mayaman ka. Hindi kaya ng nanay mo ‘yun! Ni hindi ka nga mapabaunan kahit man lang tocino o hotdog!” sigaw ni Troy sa kaklase.
Napayuko na lamang si Diego sa pagkapahiya.
“Troy, tama na iyang sinasabi mo kay Diego. Hindi magandang ugali iyang ipinapakita mo. Humingi ka ng tawad sa kaniya kung hindi ay ipapatawag ko ang magulang mo!” sambit ni Bb. Reyes.
“Nagsasabi lang naman po ako ng totoo. Hindi pa po ako nakakakita ng doktor na anak ng isang tindera sa bangketa! Imposible po na maging isang doktor siya!” muling wika ni Troy.
Dahil sa inis ni Diego sa sinasabi ni Troy sa kaniya ay sumagot na ito.
“Ipinapangako ko sa iyo, Troy, na makakakita ka ng doktor na anak ng isang tindera a bangketa at ako ‘yun!” mariing sambit naman ni Diego.
Napatawa na lamang ng malakas si Troy dahil para sa kaniya ay hindi alam ni Diego ang kaniyang mga sinasabi.
Nang mga sumunod na araw ay laong tumindi ang pangungutya ni Troy kay Diego.
“Dok kamote! Kumusta na ang mga pasyente mong itlog na maalat?” tatawa-tawa nitong panunukso sa kaklase.
“Hindi ko alam kung ano ang problema mo sa akin, Troy. Hindi naman kita inaano riyan. Sa katunayan nga ay iniiwasan na kita ngunit bakit lapit ka pa rin nang lapit. Marahil ay hindi ka pinapansin sa inyo, ano? Pasalamat ka at tinuruan ako ng nanay ko na huwag makikipag-away,” pahayag ni Diego.
“Alam mo kung bakit ka tinuruan ng nanay mo na huwag makipag-away? Kasi wala naman kayong laban! Kaya tama lang ang sinabi ng nanay mong tindera!” saad pa ni Diego.
Pilit na pinigilan ni Diego ang kaniyang sarili upang hindi niya masaktan si Troy kahit masasakit na ang mga sinasabi nito. Lagi niyang isinasapuso ang mga tinuran ng kaniyang ina.
Pag-uwi sa bahay ay napaluha na lamang si Diego sa sama ng loob.
“Hindi ko na po kaya ang mga ginagawa sa akin ni Troy, nanay. Hindi ko alam kung bakit palagi niya akong binubuska,” pagtangis ng anak.
“Dahil pinapansin mo siya. Huwag mong siyang pansinin dahil alam mo naman kung ano ang totoo. Sabi nga nila ay kailangang umintindi ng taong nakakaintindi at ikaw iyon, anak. Matalino ka, mabait, mapagsumikap at higit sa lahat ay isang mapagmahal na anak. Lagi mong babaunin iyan upang sa paglaki mo ay kahit sino pa ang mang-alipusta sa iyo ay hindi ka maapektuhan,” pahayag pa ng ina.
Sinunod ni Diego ang payo ng kaniyang ina. Kahit ano pa ang kaniyang marinig mula sa kaklase niya ay hindi na niya ito pinapansin.
Lumipas ang maraming panahon at nagkaiba na ang landas nila Troy at Diego.
Isang araw ay kinailangan ni Troy na isugod sa ospital ang kaniyang anak dahil sa matinding karamdaman. Labis ang kaniyang pag-aalala dahil kailangan daw maoperahan ang kaniyang anak at malaki ang gagastusin dito.
Patuloy ang kaniyang pakiki-usap sa mga tauhan ng ospital na operahan na ang kaniyang anak at saka na lamang siya magbabayad.
“Hindi po kami ang magdedesisyon niyan, ginoo. Kailangan ko pong sabihin ito sa mga katungkulan upang madinig nila ang hinaing ninyo. Kung gusto niyo rin po ay kausapin niyo ang mga doktor na magsasagawa ng operasyon ng inyong anak kung maari ay babaan nila ang kanilang bayad. Mabait naman po si Dok Sanchez,” wika ng klerk sa ospital.
Maya-maya ay dumating na rin ang nasabing doktor.
“Tamang-tama, heto na po si Dok Sanchez. Mabait pong doktor iyan. Maaari niyo po siyang pakiusapan,” saad pa ng babae.
Desidido si Troy na gawin ang lahat upang gumaling lamang ang kaniyang anak. Batid niya kasing wala siyang kakayahan upang maipagamot ang kawawang bata.
“Dok, ako po ang tatay ng batang si Allelie, iyong pasyenteng kailangang operahan. Parang awa niyo na po, wala po akong sapat na pera sa ngayon pero nangangako po ako na magbabayad ako basta po maoperahan lang ang anak ko. Kailangan po niyang gumaling, dok,” pagmamakaawa ni Troy.
Habang tinititigan ng doktor ang ginoo ay hindi niya naiwasan na makilala ito.
“Troy Cruz? Ikaw ba iyan?” sambit ng doktor.
“Pasensiya na at kamukhang-kamukha mo kasi ang kaklase ko sa elementarya,” saad pa ni Dok Sanchez.
“Troy, ako ito, si Diego. Pasiyente ko pala ang anak mo? Huwag kang mag-alala at ako ang bahala sa kaniya,” wika pa nito.
Nagulat ng lubos si Troy sa kaniyang narinig. Hindi niya akalain na muling magkukrus ang kanilang landas ng kaniyang kaklase. Ngunit sa pagkakataong ito ay baligtad na ang kanilang mga mundo.
Hindi naiwasan ni Troy ang manlumo at magsisisi.
“Patawarin mo ako sa lahat ng sinabi ko sa iyo noong mga bata pa tayo. Alam kong labis kitang nasaktan,” saad ni Troy.
“Wala nang lahat ng iyon sa akin. Kalimutan na lamang natin ang lahat ng iyon. Ang mahalaga sa ngayon ay magamot ang anak mo. Hayaan mo at gagawin ko ang lahat upang maoperahan siya sa lalong madaling panahon. Huwag mo na ring intindihin ang ibabayad mo sa akin dahil gagawin ko ito nang libre,” wika ni Dok Diego.
Agad na naoperahan ang anak ni Troy sa tulong na rin ng dating kaklase at ngayon ay doktor nang si Diego. Labis ang kahihiyan na nararamdaman ni Troy sapagkat naaalala pa rin niya ang mga masasama at masasakit na sinabi niya dito.
Hindi naman inalintana ni Diego ang pagtulong sa anak ni Troy sa kabila ng lahat ng nangyari.
Lubos na humanga si Troy sa ipinakitang kabutihan ni Diego sa kaniya at sa kaniyang anak.
“Hindi ko alam kung paano mo naatim na gawan pa rin ako ng mabuti kahit na labis kitang ipinapahiya noong mga bata pa tayo,” saad ni Troy kay Diego.
“Nagpapasalamat ako sa pagpapalaki sa akin ng nanay ko. Kahit na hindi kami mayaman at nagtitinda lamang siya sa bangketa ay lagi niyang ipinapaalala sa amin ang kahalagahan ng mabuting asal. Hindi niya sinukuan ang pangarap ko na maging isang doktor. Ginawa niya ang lahat upang matupad ko ang pangarap kong ito,” wika pa ni Diego.
Mula noon ay natapos na ang hidwaan sa pagitan ng dalawa. Lubos na nagsisisi si Troy dahil hindi niya akalain na matutupad ang pangako sa kaniya ni Diego na sa kanilang muling pagkikita ay makakakita na siya ng isang doktor na anak ng isang nagtitinda ng kakanin sa bangketa.