
Inis ang Ginang sa Pagkuha ng Asawa sa Isang Tindera Bilang Ninang ng Anak; Bandang Huli’y Ito pa Pala ang Titingin sa Kaniyang Anak
“Rene, naisip mo na ba kung sinu-sino ang mga kukuhain mong ninong at ninang? Kailangan masabihan na sila isa-isa dahil sa isang linggo ay ipapalista ko na si baby para sa binyagan sa simbahan,” saad ni Glenda sa kaniyang asawa.
“O sige, isusulat ko na lamang upang wala tayong makaligtaan. Ako na rin ang kakausap sa kanila,” tugon naman ng mister.
“Hindi na talaga ako makapaghintay na mabinyagan si Mira. Pagkatapos ko siyang maipalista sa simbahan ay dederetso na rin ako sa mall upang bumili ng mga susuotin niya. Bibili na rin ako ng para sa atin. Sa tingin mo ay maghanap na lang ako ng catering na maghahanda sa binyag ni baby?” pahayag pa ng ginang.
“Ang daming gastos naman niyan, Glenda. Hinay-hinay ka lamang. Ang importante ay mabinyagan ang ating anak at magkaroon ng kahit kaunting salu-salo. Baka kasi mamaya ay masobrahan tayo sa gastos. Hindi tama na mangutang pa tayo,” sambit muli ni Rene.
“Minsan lang naman bibinyagan ang anak natin. Saka nakakahiya sa mga dadalo. Balak ko pa namang kuhain ‘yung mga kilala nating may matataas na katungkulan. Mababawi rin natin iyan sa mga pakimkim,” depensa pa ng ginang.
Ngunit labis ang pagtutol na ito ni Rene sa kaniyang asawa. Ang nais niya ay kung ano lamang ang inilaan nilang pera para sa binyag na ito.
Ng sumunod na araw ay ibinalita ni Rene kay Glenda na nasabihan na niya ang mga kukuhain niyang ninong at ninang. Iniabot niya ang kaniyang listahan sa kaniyang asawa. Isa-isa itong binasa ni Glenda.
“Si Maricar? ‘Yung kaklase natin noong hayskul? Bakit mo siya kinuhang ninang, e mahirap lang ‘yun?” sambit pa ng ginang.
“Maayos naman si Glenda. Saka sa tuwing makakasalubong natin siya ay grabe ang tuwa niya kay Mira. Sa totoo nga lang ay masayang-masaya siya noong sinabi kong kukuhanin ko siya bilang ninang ng anak natin,” wika ni Rene.
“Kahit na! Dapat ay hindi mo na siya kinuhang ninang. Hindi ko ililista iyang si Maricar. Maaayos ang lahat ng mga kinuha kong ninang. May abogado, guro at nars, tapos ay magbibigay ka ng isang tindera lamang sa bangketa?” giit pa ni Glenda.
“Nakakahiya naman ang gagawin mo kung hindi mo siya ililista. Nasabihan ko na ‘yung tao. Hindi naman nasusukat sa yaman ang pagkuha ng magiging ninong at ninang. Dapat ay may pagtingin sa anak mo. Kung kayang tumayong magulang din para sa kaniya,” sagot ni Rene.
“Basta ilista mo si Maricar. Pupunta siya sa araw ng binyag ni Mira at ayaw kong mapahiya siya,” wika pang muli ng ginoo.
Labag man sa kalooban ni Glenda ay isinama na rin niya sa listahan ng mga ninong at ninang itong si Maricar.
Sa araw ng binyag ay nasunod pa rin ang kagustuhan ni Glenda na maghanda ng magara at marami.
“Hindi ba nag-usap na tayo na kaunting salu-salo lamang ang gagawin? Bakit ganitong kagarbo naman itong handaan?” sita ni Rene sa asawa.
“Nakakahiya naman kasi sa mga ibang bisita kung maliit na handaan lamang. Hayaan mo na at ako naman na ang gumawa ng paraan. Umutang ako sa bumbay at hulugan naman ito,” paliwanag pa ni Glenda.
Napailing na lamang si Rene sa sinabi ng asawa.
Nang matapos ang handaan ay oras na upang buksan ang mga regalo at pakimkim. Tuwang-tuwa si Glenda dahil malalaki ang bigay ng mga ninong at ninang na kaniyang napili.
“Magaling talaga akong pumili ng mga ninong at ninang! Tingnan mo bukod sa regalo ay may pakimkim pa silang iniabot. Mahina ang isang libo sa mga bigay nila,” pagmamalaki ni Glenda.
Isang sandali pa ay binuksan na nila ang regalo ni Maricar. Tinawanan lamang ito ni Glenda dahil mumurahin ang mga ito.
“Magbibigay lang ng mga damit ay galing pang Divisoria. Halatang mumurahin ang mga ‘yan!” sambit pa ng ginang.
“Magagamit naman ito ni Mira sa kaniyang paglaki lalo at pangbahay na damit ang mga ito. Maganda naman ang tela,” pagtatanggol ni Rene.
Napaismid na lamang si Glenda.
“Ewan ko sa’yo! Kinuha-kuha mo pang ninang iyang si Maricar. Wala namang mapapaala ang anak mo sa kaniya!” dagdag pa nito.
Hanggang isang araw ay sobrang taas ng lagnat ng sanggol na si Mira at hindi na alam ng mag-asawa kung ano ang gagawin.
“Kailan na natin siyang dalhin sa ospital, Rene! Baka mapano pa siya!” natatarantang sambit ni Glenda sa asawa.
Agad nilang dinala ang anak sa ospital. Nagkaroon pala ng dengue si Mira.
“Kailangan daw itong masalinan ng dugo. Delikado raw ang kalagayan ng anak natin, Rene. Saan pa tayo kukuha ng pera?” naiiyak na sambit ni Glenda.
Hanggang ngayon kasi ay binabayaran pa rin nila ang ipinanghanda sa binyag ni Mira.
“Susubukan kong manghiram sa mga kamag-anak at katrabaho natin,” sagot ni Rene.
Ngunit hindi pa rin naging sapat ang perang kaniyang nalikom.
Sinubukan ni Glenda na manghiram sa mga nakuha niyang ninong at ninang. Ngunit iilan lamang ang nag-abot ng tulong dito.
Nang malaman ni Maricar ang nangyari sa kaniyang inaanak ay agad itong pumunta sa ospital upang tingnan ang kalagayan ng bata.
“Pagpasensiyahan niyo na itong kaunti kong naipon. Sa inyo na lahat ng ito at gamitin niyo para maipagamot ang inaanak ko,” saad pa ng ginang.
“Saka umuwi muna kayo sa bahay upang makapagpahinga. Papasukin mo na rin si Rene sa kaniyang trabaho upang mayroon siyang kitain at may maipandagdag sa pambayad dito sa opsital. Babantayan ko muna si Mira. Hindi na muna ako magtitinda,” wika pa ni Maricar.
Napaiyak na lamang si Glenda sa mungkahi ni Maricar. Hindi niya kasi inaasahan na kay Maricar pa siya makakakita ng tunay na pagmamahal para sa kaniyang anak.
“Maraming salamat sa iyo, Maricar. Maraming salamat sa pagtingin mo sa aking anak at sa aming mag-asawa. Natutuwa ako at ninang ka ni Mira,” sambit ni Glenda.
“Ginagampanan ko lamang ang tungkulin ko bilang isang ninang. Kung mayaman nga lamang ako ay sasagutin ko na lahat ng gastusin dito upang mapagaling lang ang inaanak ko. Sa ngayon ay ito lamang ang maitutulong ko kaya pagpasensiyahan niyo na,” wika pa ni Maricar.
“Labis na labis na nga ito, Maricar. Maraming maraming salamat sa iyo,” muling saad ni Glenda.
Napatitig na lamang si Glenda kay Maricar habang inaasikaso ng ninang ang kaniyang anak. Doon ay napagtanto niyang wala pala talaga sa antas ng pamumuhay ng tao ang pagkuha ng ninong at ninang.
Hindi nagtagal ay gumaling na rin si Mira at nailabas na ito ng ospital. Labis ang pagpapasalamat ng mag-asawa kay Maricar. Napakaswerte ni Mira dahil may isang ninang siyang tulad ni Maricar na handang tumayong pangalawa niyang magulang.