Inday TrendingInday Trending
Sinisiraan ng Biyenan ang Kaniyang Manugang sa Harap ng Iba; Pagdating ng Araw ay Pagsisishan Ito ng Matanda

Sinisiraan ng Biyenan ang Kaniyang Manugang sa Harap ng Iba; Pagdating ng Araw ay Pagsisishan Ito ng Matanda

“Celia, araw ng kasal ng anak mo ah, bakit parang biyernes santo naman iyang mukha mo? Hindi ka ba masaya na sa wakas ay lumagay na sa tahimik si Angelo? Hindi ba iyan naman ang matagal mo nang gusto?” wika ni Aling Hilda sa kaniyang kumare.

“Sa dinami-dami kasi ng babae na mapapangasawa ng anak ko ay bakit iyan pang si Donna? Hindi ko talaga gusto ang babaeng iyan. Hindi ko alam kung ano ang pinakain niya sa anak ko para pakasalan siya,” tugon naman ni Aling Celia.

“Ikaw naman! Hindi na uso ang gayuma! Kita naman sa mga tingin nila na nagmamahalan sila. Ang mabuti pa ay maging masaya ka na lang para sa anak mo,” dagdag pa ni Aling Hilda.

Ngunit hindi magawang matuwa ni Aling Celia sa pakikipag-isang dibdib na ito ng anak kay Donna. Ayaw na ayaw niya talaga sa kaniyang manugang.

“Matagal ka nang nakatira sa bahay ng anak mo pero hanggang ngayon ba ay hindi mo pa rin nagugustuhan si Donna? Parang maayos naman siyang babae,” tanong ni Aling Hilda.

“Malaki na ang naging pagbabago sa anak ko simula nang maging asawa niya si Donna. Laging nakapulupot sa asawa. Parang sunud-sunuran na siya. Malaki talaga ang tingin ko na may inihalo iyang Donna na iyan sa pagkain ng anak ko para magkaganiyan sa kaniya,” pahayag naman ni Aling Celia.

“Saka isa pa, imbis na siya ang mag-asikaso sa anak ko ay siya pa ang inaasikaso nito. Nakakainis ang pagtingin na ibinibigay sa kaniya ni Angelo.”

“Hay, mare, gano’n talaga ang mag-asawa lalo pa at kakakasal lamang nila. Bigyan mo siya ng pagkakataon para patunayan ang kaniyang sarili,” payo ni Aling Hilda.

Ngunit habang tumatagal ay lalong nayayamot itong si Aling Celia sa kaniyang manugang. Gustung-gusto na niya kasing magka-apo ngunit ayaw tumigil sa pagtatrabaho ni Donna upang pagtuunan ang kaniyang pagbubuntis.

“Ano ang saysay ng pagiging mag-asawa ninyo kung hindi rin kayo magkakaanak?” sambit ni Aling Celia sa manugang.

“Para po kasi sa akin, ‘nay, hindi po minamadali ang ganiyang bagay. Kailangan po itong paghandaan. Saka kusa naman po itong ibibigay sa amin ng Diyos sa tamang panahon,” tugon naman ni Donna.

“Ang sabihin mo ayaw mo lang masira ang katawan mo kaya ayaw mong magbuntis,” wika pa ng matanda.

“Hindi po sa gano’n. Gustung-gusto ko na rin pong magkaanak ngunit sa tingin ko po ay hindi pa sasapat ang ipon namin para matustusan ang lahat ng kaniyang pangangailangan. Nagiging responsable lamang po ako,” sagot muli ng ginang.

Lalo itong kinainis ni Aling Celia. Dahil sa sama ng loob ay muli siyang nagkwento sa kaniyang kaibigan.

“Kung hindi ba naman masama ang ugali niyang si Donna. Kinausap ko lamang tungkol sa pagkakaroon ng anak ay sinagot-sagot na ako. Parang walang pinag-aralan. Ipinapamukha pa niya sa akin na hindi ako responsableng magulang,” pahayag niya sa kumare.

“Baka iba lamang ang pagkakaintindi mo? Minsan ay tingnan mo rin ang punto niya. Baka kasi nasaktan mo ang damdamin ng manugang mo,” ani Aling Hilda.

“Basta, kumukulo ang dugo ko riyan kay Donna. Kung pwede nga lang na sulsulan ko ang anak ko na hiwalayan na niya yan ay gagawin ko. Maling desisyon talaga ang pagpapakasal niya riyan!” saad muli ni Aling Celia.

Nagdaan pa ang mga araw at napapansin na rin ni Donna ang masamang ipinapakita ng biyenan sa kaniya. Marami na rin siyang naririnig na mga sinasabi ng matanda na hindi maganda kapag siya ay nakatalikod.

Hindi na lamang ito inintindi ni Donna dahil baka maging dahilan pa ito ng pag-aaway nilang mag-asawa.

Hanggang sa naging sukdulan na ang mga sinasabi ni Aling Celia.

“Walang ginawa iyong si Donna kung hindi magpaganda! Halata na nasa loob ang kaniyang kulo. Hindi ako magtataka kung isang araw ay bigla na lamang niyang ipagpalit ang anak ko. Parang may kalandian talaga siyang taglay. Pero, mas mainam na siguro iyon para tuluyan na siyang mawala sa landas ng anak ko. Magkaroon siya ng dahilan upang tuluyang iwan ang asawa niyang magaling!” saad nito kay Aling Hilda.

Ang hindi alam ni Aling Celia ay naroroon si Donna at narinig ang kanilang pag-uusap.

“Narinig ka ata ni Donna, Celia. Ingatan mo naman ang mga sinasabi mo. Sige ka, baka mamaya ay makarma ka,” sambit naman ng ginang.

“Wala akong pakialam diyan kay Donna. Ang gusto ko talaga ay malaman niyang ayaw ko sa kaniya. Saka bakit ako ang makakarma? Dapat iyang si Donna dahil inakit lang naman niya ang anak ko!” wika pa ni Aling Celia.

Nang umuwi si Aling Celia sa bahay ng mag-asawa kung saan din siya naninirahan ay taas noo pa itong humarap sa manugang na tila wala itong sinabing masama tungkol dito. Hindi niya pinansin ang pagmamano ni Donna sa kaniya at dumeretso siya sa kaniyang silid.

“Minsan talaga ay hindi ko na maintindihan ang nanay mo, Angelo. Bakit kaya ang sama ng tingin niya sa akin gayong wala naman akong ginagawang masama sa kaniya?” pagtataka ni Donna.

“Hayaan mo na lang siya. Sa tingin ko ay hindi pa rin niya matanggap na may-asawa na ako,” tugon naman ng mister.

Nagpatuloy ang malamig na pakikitungo ni Aling Celia sa kaniyang manugang. Kahit na nasasaktan at nakakaramdam na ng inis ay hindi na lamang siya pinatulan ni Donna.

Hanggang isang araw, narinig na lamang ng lahat na tila may gumalabog sa may hagdan. Tunog pala ito ng pagkakalaglag ni Aling Celia. Nadulas ito sa may hagdan at nagdire-diretso pababa. Sa pagkakabagsak ay tumama ang kaniyang mukha.

Malalim ang naging sugat nito. At upang siguraduhin ang kalagayan niya ay agad siyang dinala ni Donna sa ospital.

Dahil hindi makaalis si Angelo sa kaniyang trabaho ay ang misis na rin ang nagbantay at nag-alaga kay Aling Celia. Ito na rin ang nagbayad sa lahat ng gastusin sa ospital.

Nang makauwi ay nagpaalam si Donna sa opisina upang lumiban ng isang linggo upang maalagaan ang kaniyang biyenan.

Ipinagluluto niya ito at nililinisan ng katawan sapagkat hindi pa ito makakilos nang maayos. Siya rin ang naglilinis ng mga sugat nito.

Dahil sa kaniyang ginagawa ay lubos na nakonsensya ang matanda.

“Kahit na marami akong sinabi sa iyo ay kaya mo pa rin akong alagaan. Tunay nga na kay bait mo, Donna. Alam ko na ngayon kung bakit ikaw ang napili ng aking anak,” saad ni Aling Celia sa manugang.

“Patawarin mo ako sa lahat ng nasabi kong masasakit. Alam kong hindi kona ito mababawi pa ngunit sana ay bigyan mo ako ng pagkakataon upang maitama ko ang aking mga pagkakamali. Bigyan mo pa ako ng isang pagkakataon para maging maayos ang lahat sa pagitan natin,” pakiusap pa ng matanda.

Hindi nagdalawang-isip si Donna na patawarin na si Aling Celia.

“Simula nang maikasal ako sa anak niyo ay magulang na rin po ang tingin ko sa inyo. Aaminin ko pong labis akong nasasaktan. Pero kung ang Diyos nga ay nagpatawad, sino ba naman ako upang hindi ko kayo bigyan ng isa pang pagkakataon?” ani Donna.

Mula noon ay naging maayos na ang pagtitinginan ng mag-biyenan. Habang tumatagal ay lalo silang naging malapit sa isa’t isa. Sa pagkakataong iyon ay napagtanto na ni Aling Celia kung bakit si Donna ang napiling mapangasawa ng kaniyang anak na si Angelo.

Advertisement