Inday TrendingInday Trending
Tutol ang Tiyuhin na Maging Pulis ang Pamangkin; Ikapanlulumo ng Binata ang Malalamang Katotohanan

Tutol ang Tiyuhin na Maging Pulis ang Pamangkin; Ikapanlulumo ng Binata ang Malalamang Katotohanan

“Bryan, bakit naglalaro ka na naman ng baril? Hindi ba sinabi ko sa iyo na hindi magandang laruan iyan? Akin na ang baril at iba na lang ang laruin mo,” sambit ni Jun sa kaniyang pamangkin.

“Hindi ko po ibibigay sa inyo, tito. Gusto ko po talaga ang magbaril-barilan kasi paglaki ko po ay gusto kong maging isang pulis!” tugon naman ng bata.

“Bakit naman gusto mong maging isang pulis? Delikado ang trabaho ng mga iyon. Dapat sa iyo ay maging isang inhinyero o hindi naman kaya ay doktor. Kahit piloto o arkitekto, basta hindi isang pulis,” pahayag muli ni Jun.

“Gusto ko po kasing hulihin ang masasamang tao para wala na pong gagawa ng masama. Saka po hindi ba sabi niyo po sa akin ay lagi ko pong gagawin kung ano ang tama. Kaya gusto ko pong turuan din ang mga tao sa kung ano ang tamang gawin. Kaya gusto ko pong maging isang pulis,” paliwanag naman ni Bryan.

“O siya, sige, may punto ka riyan. Pero sa ngayon ay hindi akma sa iyo na maglaro ng baril kaya akin na muna ang bagay na iyan. Heto muna ang libro at ito muna ang atupagin mo. Mag-ensayo ka muna magbasa dahil ang sabi ng guro mo ay hindi ka pa raw bihasa sa pagbabasa. Kaya tama na muna ang laro, Bryan,” saad pa ng tiyuhin.

Sanggol pa lamang si Bryan ay si Jun na ang tumayong magulang dito. Maaga kasing namayapa ang ama at ina ng bata kaya si Jun na ang mag-isang nagtaguyod kay Bryan.

Maganda naman ang buhay ni Bryan sa piling ni Jun. Sa katunayan nga ay higit pa sa mga pangangailangan niya ang naibibigay ng kaniyang tiyuhin. Lagi siyang may bagong mga gamit at laruan. Nakakapasok siya sa pribadong paaralan. Lahat ng kaniyang naisin ay agad niyang nakukuha.

Isa lamang ang pinapangambahan ni Jun, ang pangarap ng kaniyang pamangkin na maging isang pulis. Ngunit umaasa siyang sa paglaki ni Bryan ay makakalimutan din niya ang mga pangarap na ito.

“Iniisip mo pa rin ba si Bryan, pare? Hayaan mo at bata pa naman siya. Magbabago pa ang mga hilig niyan,” saad ng kaibigan ng ginoo.

“Sana nga, pare. Hindi ko kasi alam kung paano ko ipapaliwanag sa kaniya ang ilang bagay. Lalo ngayon na ang bata pa niya,” pahayag pa ni Jun.

Habang lumalaki si Bryan ay lalong yumayabong ang pagnanais niyang maging isang pulis. Kaya naman nang malapit na siyang magtapos ng hayskul ay pilit siyang kinakausap ng kaniyang tiyuhin.

“Iba na lang ang kursong kuhain mo, Bryan. Piloto, inhinyero, doktor, nars, dentista o kahit ano pa, basta hindi ang pagpupulis,” sambit ng tiyuhin.

“Bakit ba ayaw na ayaw niyong magpulis ako? Alam niyo naman pong bata pa lamang ako ay ito na ang nais ko,” tugon naman ni Bryan.

“Delikado ang pagiging isang pulis. Hindi basta-basta. Ayokong mahirapan ka. Kaya ibang kurso na lang ang kuhain mo,” paliwanag ni Jun.

Ngunit kahit ano pa ang kaniyang sabihin ay hindi nagpatinag si Bryan. Hindi na siya napigilan pa ng kaniyang tito at tuluyan siyang nag-aral upang maging isang pulis.

“Wala ka nang magagawa pa, pare. Kailangan mo na lang galangin ang desisyon ng pamangkin mo. Respetuhin mo na iyon talagang gusto niya kung hindi ay lalayo ang loob niya sa iyo,” payo ng kaibigan ng ginoo.

“Alam mo naman kung ano ang tunay kong pinangangambahan, pare. Sana pagdating ng araw ay maunawaan niya ako,” saad naman ni Jun.

Makalipas ang ilang taon ay nakatapos na si Bryan ng kursong criminology at naging isang ganap na pulis.

Napasabak agad siya sa isang malaking misyon.

“Parang palos ang mga ito. Laging nakakawala sa kamay ng batas. Matagal nang pinaghahahanap ang grupo ng sindikato na iyan at sa loob ng ilang taon ay ngayon lamang tayo nakakuha ng matibay na impormasyon. Sa lalong madaling panahon ay kailangan na nating kumilos upang matapos na ang operasyon ng mga iyan,” saad ng kanilang hepe.

Nais patunayan ni Bryan ang kaniyang galing sa napiling propesyon. Agad niyang tinanggap ang trabaho.

Isang linggo pa ang lumipas at nakakuha na ng magandang pagkakataon ang grupo ng mga pulis upang salakayin ang mga nasabing sindikato.

Maingat ang lahat. Kabado man ay pursigido ang bawat isa na masugpo ang masamang gawain ng nasabing sindikato.

Ngunit nang mapalibutan nila ang mga ito at tuluyang mahuli ay nagulat si Bryan sa kaniyang nakita.

“T-tito Jun? Bakit po kayo nandito? Huwag nyo pong sabihin sa akin na kasama kayo sa sindikatong ito?” nangangatal na tanong ni Bryan.

“P-patawarin mo ako, Bryan. Matagal ko ng gustong sabihin sa’yo ngunit hindi ko alam kung paano magsisimulang magpaliwanag,” tugon naman ng ginoo.

Hindi maiwasan ni Bryan na manlumo sa nalamang katotohanan.

“I-posas ninyo na ang lahat ng iyan at dalhin sa sasakyan! Sa wakas ay tapos na ang operasyon niyo!” utos ng hepe.

Hindi alam ni Bryan ang kaniyang gagawin. Nais niyang sundin ang tawag ng kaniyang trabaho ngunit mahal niya ang tiyuhin niya at ayaw niya itong mabulok sa bilangguan.

“I-posas mo na ako, Bryan. Tulad ng sinasabi ko sa iyo noon, gawin mo palagi ang tama. Ayaw kong matulad ka sa akin,” saad pa ng tiyuhin.

Hindi napigilan ni Bryan ang pagpatak ng kaniyang luha dahil sa gagawin.

Dahan-dahan niyang pinosasan ang kaniyang tiyuhin at saka dinala sa himpilan ng pulisya. Itinanggi ni Jun na kilala niya si Bryan upang hindi makasira sa pangalan nito. Ngunit pinabulaan ito ng pamangkin.

“Tito ko po siya at hindi ko ikakahiya iyon. Totoo po na wala akong alam sa lahat ng ginagawa niya ngunit walang araw na hindi ko naramdaman na wala akong magulang dahil nariyan siya. Masama man ang nagawa niya ay hindi iyon magiging dahilan upang itatwa ko siya. Sinasabi ko ang totoo dahil ito ang tama,” pahayag ni Bryan.

Dahil sa kaniyang ginawa ay lalo siyang hinangaan ng mga kasamahan.

Samantala, nasintensyahan na ang kaniyang tiyuhin at maluwag sa loob nito ang makulong sa piitan bilang kabayaran sa kaniyang mga kasalanan.

Minsan, talagang mapagbiro ang kapalaran. Ngunit desidido si Bryan na maging isang tapat at magiting na pulis. Ipinangako naman ni Jun sa pamangkin na gagawin nito ang lahat upang maitama ang lahat ng kaniyang mga pagkakamali.

Advertisement