Inday TrendingInday Trending
Hindi na Pinapansin ng Mag-Asawa ang Kanilang Anak dahil sa Labis na Pagkaabala; Matatauhan Sila kapag Nabasa Nila ang Inulat Nito

Hindi na Pinapansin ng Mag-Asawa ang Kanilang Anak dahil sa Labis na Pagkaabala; Matatauhan Sila kapag Nabasa Nila ang Inulat Nito

“Ma, pwede po bang patulong muna sa takdang aralin ko? Hindi ko po kasi ito maintindihan,” saad ng batang si Liam sa kaniyang inang si Mia abala sa pagtatrabaho.

“Hintayin mo na lang ang tutor mo, anak. Huwag mo na muna akong abalahin dahil may ginagawa ako para sa trabaho ko,” tugon naman ng ina na hindi man lamang maialis ang mga mata sa kaniyang kompyuter.

“Pero, mommy, gusto ko po kasing kayo ang magturo sa akin,” malungkot na sambit muli ng anak.

“Liam! Hindi mo ba nakikita na abala ako sa trabaho? Paano ako matatapos kung wala kang ginagawa kung hindi abalahin ako? Hintayin mo ang tutor mo at siya ang magtuturo sa iyo!” hindi na naiwasan pa ni Mia na masigawan ang anak.

Mangiyak-ngiyak namang bumalik si Liam sa kaniyang silid at hinintay na lamang ang kaniyang tutor.

Kinagabihan, habang mag-isang naghahapunan ang bata ay siyang dating naman ng ama nito na si Alfred.

“Hi, daddy! Tara po at sabay tayong kumain!” paanyaya ng bata.

“Kumain na ako sa opisina, anak. Kumain ka na. Nasaan pala ang mommy mo?” tanong ng ama.

“Nasa silid niyo po at mayroong ginagawa. Kanina pa nga po na si yaya lamang ang kasama ko. Baka po pwedeng dito muna po kayo sa tabi ko hanggang makatapos lang po akong kumain,” muling sambit ng bata.

“Pasensiya ka na, anak. Gustuhin ko man ay marami pa akong gagawin. Napapagod na nga ako pero may kailangan pa akong tapusin, e. Tawagin mo na lang muna si yaya para siya ang makasama mo,” saad pa ng ama.

Napayuko na lamang si Liam.

Kahit na nakikita at nakakasama ni Liam ang kaniyang mga magulang ay nangungulila siya sa mga ito. Simula kasi ng ma-promote sa kani-kanilang mga trabaho ang kaniyang mga magulang ay tuluyang naging abala na ang mga ito. Madalang na siyang maalagaan ng mga ito. Sa tuwing manghihingi siya ng kaunting panahon ay lagi na lamang abala ang mga ito at madalas pa siyang mapagalitan.

Unti-unti mang nasasanay ay nalulungkot pa rin si Liam dahil walang panahon sa kaniya ang kaniyang mommy at daddy.

Isang araw ay sinubukan muli ni Liam na kunin ang atensyon ng mga ito.

“Daddy, alam mo ba kanina sa school, sabi ni teacher ay very good daw ako kasi nakasagot ako ng marami. Sa katunayan nga po ay ako ang nangunguna sa klase,” kwento ni Liam sa ama.

“Saka humahanga din po sila sa akin sa galing kong gumuhit,” patuloy napagkukwento nito.

“Liam, pwede bang mamaya na tayo magkuwentuhan? Hindi kasi ako makapokus sa ginagawa ako. Ikwento mo na muna ang lahat ng iyan sa mommy mo. Pangako, mamaya ay pakikinggan ko na ang kwento mo. Tatapusin ko lang ito,” sambit ng abalang ama.

Malungkot na nagtungo si Liam sa kaniyang ina upang kausapin ito. Ngunit nasa telepono ito at mayroon ding kausap.

Ngunit itinuloy pa rin ni Liam ang kaniyang pakikipag-usap sa ina.

“Mamaya na, Liam, at importante ito. Nasaan ba ang yaya mo?” naiinis na wika ng ina.

“Mommy, sige na po. Saglit lang naman itong sasabihin ko,” pilit pa ng bata.

‘Sinabi na ngang abala ako! Hindi mo ba nakikita? Hindi ka talaga makaintindi! Kapag nakikita mong may kausap ako o may ginagawa ako ay huwag mo akong abalahin! Wala kang respeto!” sigaw ni Mia sa kaniyang anak.

“Ang ginagawa namin ng daddy mo ay para sa iyo! Kailangan naming kumita ng pera para magkaroon ka ng maginhawang buhay! Para may pambili ng kakainin mo, ng mga laruan mo, pambayad ng eskwelahan mo, para mayroon kang bahay na nauuwian! Intindihin mo naman, anak! Hindi lang basta-basta paglalaro ang ginagawa namin ng daddy mo!” muling sigaw ng ginang.

Iyak ng iyak si Liam na tumakbo palayo sa kaniyang ina.

Napailing na lamang si Mia. Alam din niyang hindi tama ang kaniyang ginawa ngunit wala siyang panahon na ipaliwanag pa ito sa kaniyang anak dahil may kailangan siyang kausaping kliyente.

Madaling araw na ng matapos ang mga magulang sa kanilang mga trabaho. Nais man nilang kausapin si Liam ay mahimbing na itong natutulog sa kaniyang silid.

Simula ng araw na iyon ay hindi na sila nilapitan at inabala pa ng anak. Ang akala ng mga ito ay naunawaan na ng bata ang kanilang sitwasyon.

Hanggang isang araw ay nakatanggap ng tawag ang mag-asawa galing sa guro ni Liam.

“Kailangan niyo pong bigyan ito ng panahon, Ginang at Ginoong Santiago. Hindi ko po tatanggapin na ang yaya niyo na naman ang papupuntahin niyo dito. Alam ko pong abala kayo sa trabaho at nauunawaan ko ito, ngunit kailangan ko po kayong makausap tungkol kay Liam,” saad ng guro ng bata.

Naiinis man dahil wala silang oras ay nagtungo ang mag-asawa sa paaralan ni Liam. Agad nilang kinausap ang guro.

‘Pwede bang bilisan na lang po natin ito dahil marami pang naghihintay sa aming trabaho. Bakit niyo po ba kami pinatawag pa dito?” sambit ni Mia sa guro.

“Si Liam po kasi. Ayaw na daw po niyang pumasok dahil napahiya po siya sa klase,” pahayag ng guro.

“Hindi kami ang may problema niyan! Dapat ay pagsabihan niyo kung sino man ang gumawa niyan sa anak ko!” wika naman ni Alfred.

“Hindi niyo po naiintindihan. Noong nakaraang araw po ay pinagawa ko sila ng takdang-aralin. Pinasulat ko sa kanila ang kanilang mga pangarap at dahilan nito. Tapos ay pinabasa ko ito sa kanila upang maibahagi sa klase.

Alam niyo po ba kung bakit pinagtatawanan ang anak niyo? Dahil po ito sa kaniyang sagot. Ito po ang kaniyang papel,” saad ng guro sabay abot ng takdang-aralin ng kanilang anak.

“Nakalagay po riyan ay nais daw pong maging pera ng anak niyo. Pera po, Ginang at Ginoong Santiago! Nang marinig ito ng mga bata ay labis ang kanilang tawanan at hindi na binasa pa ni Liam ang kaniyang dahilan. Nang basahin ko ito ay labis akong nahabag sa bata,” muling sambit ng guro.

Marahan itong binasa ng mag-asawa.

Nais kong maging pera upang sa gayon ay baka asamin din ako ng aking mga magulang. Kung ako ay pera baka bigyan din nila ako ng pansin o hindi naman kaya ay pagpuyatan. Marahil ay bibigyan din nila ako ng labis na pagpapahalaga at atensiyon.

Hindi na naiwasan ni Mia ang pagpatak ng kaniyang mgaluha. Maging si Alfred ay nahabag sa sinulat ng kanilang anak.

“Naiintindihan ko po na ang tanging nais ng lahat ng magulang ay mabigyan ng maginhawang buhay ang kanilang mga anak. Magulang din po ako.

Ngunit baka po sa labis na pagnanais niyong mabigyan siya ng magandang buhay ay nakakalimutan niyo ring may anak kayo na kailangan ng inyong kalinga at atensyon.

Higit kailanman ay kailangan po kayo ni Liam. Kailangan po niya ng pagmamahal at gabay ninyong mga magulang niya,” pahayag muli ng guro.

Sa puntong ito ay napagtanto ng mag-asawa ang kanilang pagkukulang sa kanilang anak.

Agad silang umuwi ng bahay upang kausapin si Liam. Humingi sila ng kapatawaran at ipinaliwanag ang kanilang panig. Agad naman itong tinanggap ng bata.

Simula noon ay nangako na sila sa kaisa-isang anak na bibigyan nila ito ng atensyon at panahon. Kapag nasa bahay na rin sila ay sinisikap ng mag-asawa na panahon na ito para sa kanilang pamilya.

Labis ang sayang nararamdaman ni Liam sa pagbabago ng kaniyang mga magulang. Sa wakas ay muli niyang nadama ang pagmamahal at kalinga ng mga ito.

Advertisement