
Labis ang Pagtutol ng Ginang sa Biniling Lumang Bahay ng Asawa; Hindi Nila Akalain ang Matatagpuan sa Loob Nito
“Gabi na, babe, bakit hindi ka pa natutulog? Magpahinga ka na kasi maaga ka pang papasok bukas. Hindi ba mayroon kang nakatakdang presentation sa opisina?” wika ni Olivia sa kaniyang asawang si Noah.
“Nagtitingin lang ako dito sa selpon ko ng bahay na pwede nating bilhin. Hindi na kasi ako makapaghintay na makapagpagawa tayo ng bahay. At alam kong matagal mo na rin itong inaasam. Ngayong sapat na ang naipon natin ay matutupad na ito,” tugon naman ng ginoo.
“Ipagpabukas mo na ‘yan. Mas makakapag-isip ka kung kumpleto ang tulog mo. At saka isa pa, baka mamaya ay mahuli ka sa meeting niyo bukas baka hindi pa matuloy ang pagbili natin ng bahay at lupa,” ani Jonna.
Limang taon ng nangungupahan ang mag-asawang sina Noah at Jonna. Mariing pinag-usapan ng dalawa na bago sila tuluyang magka anak ay nais muna nilang magkaroon ng sariling tahanan at sapat na ipon. Nais nilang maging handa para sa magandang kinabukasan ng mga ito.
Hindi din naman gano’n kalakihan ang naipon ng dalawa. Sapat lamang ito upang makabili ng disenteng matitirahan para sa kanila at sa kanilang mga magiging anak. Kaya hindi maawat itong si Noah sa paghahanap ng bibilhing ari-arian. Nagbabakasakali siyang baka may masipat siyang mura ngunit suwak sa kanilang panlasa.
Habang naghahanap siya ng bibilhing bahay ng gabing iyon ay napukaw ang kaniyang atensiyon ng isang lumang bahay. Mura lamang itong binebenta dahil tila hindi na mapapakinabangan pa ang bahay dahil sa kalumaan nito.
Tinignan din niya ang iba pang detalye at nakita niyang nasa maayos itong komunindad.
Agad niya itong sinabi sa kaniyang asawa.
“Hindi ako papayag na iyan ang bilhin mo! Mag-aakasaya ka lang ng pera diyan! Baka mamaya ay kung anong masamang espiritu ang nariyan kaya binebenta iyan ng mura,” pagtutol ni Jonna sa gusto ng mister.
“Ang sabi dito ay matagal na daw itong inabandona at wala ng nagmamay-ari. Para sa laki ng lupa nito ay mura na ang halaga. Tiyak na hindi nga mapapakinabangan ang bahay pero pwede nating subukang ayusin,” pahayag naman ni Noah.
“Napakaraming kailangang ayusin niyan. Ayoko ng ganiyan! Sino ang magnanais na tumira sa isang bahay na ubod ng luma. Bahala ka, Noah. Makikipaghiwalay talaga ako sa’yo kapag sinayang mo ang ipon natin diyan!” sambit muli ni Jonna.
Sa puntong iyon ay alam ni Noah na hindi niya mapipilit pa ang kaniyang asawa kaya hindi na lamang niya itinuloy ang kaniyang plano.
Sa paglipas ng mga araw ay hindi maintindihan ng ginoo kung bakit hindi niya maalis sa kaniyang isipan ang naturang bahay. Agad niya itong pinuntahan. At sa hindi malamang kadahilanan ay agad siyang nagpunta ng bangko upang bilhin ito.
“Nais lang po naming malaman niyo na “as is” po ito. Ibig sabihin po ay kung paano niyo madadatnan ang ari-arian ay gano’n niyo na po ito bibilhin. Hindi na po ito aayusin pa o pakikialaman ng bangko. Wala na rin po kaming dapat pang ayusin at kayo na po ang bahala sa nais niyong gawin,” paliwanag ng ahente sa bangko.
Hindi na nag-alinlangan pa si Noah at agad na pumayag sa kasunduan.
Pag-uwi rin niya sa bahay ay agad niyang ipinakita sa asawa ang titulo ng lupa.
“Hindi ba napag-usapan na natin ito? Bakit binili mo pa ang walang kwentang bahay na iyan! Wala tayong mapapakinabangan diyan! Imbis na makatipid ay lalo tayong mapapagastos! Hindi ka nag-iisip!” galit na sambit ni Jonna.
“Bigyan mo ito ng pagkakataon, Jonna. Kung hindi uubra ay ibebenta ko rin. Pero iba kasi ang pakiramdam ko sa bahay na iyan. Parang may kakabit itong swerte,” paliwanag pa ng asawa.
“Nakakagimbal ang itsura ng bahay na iyan at sasabihin mo sa aking may kakambal itong swerte? Kailangan kong tawagan ang bangko upang hindi matuloy ang pagpoproseso ng ari-arian na ‘yan!” muling sigaw ng misis.
Ngunit hindi na ito babawiin pa ng bangko dahil nabili na ito ng ginoo.
Wala ng nagawa pa si Jonna kung hindi tanggapin ang pagbili ng asawa sa naturang lumang bahay.
“Pangako ko sa iyo ay pagagandahin ko ito sa abot ng makakaya ko. Magiging masaya tayo dito sa bahay na ito kasama ang mga anak natin. Magtiwala ka,” sambit pa ni Noah.
Ayaw makialam ni Jonna sa kung ano ang balak ni Noah sa lumang bahay. Naghihintay na lamang siyang sumuko ang asawa sa pagkukumpuni nito upang maibenta na rin kaagad.
Pilit na isinama ni Noah ang asawa sa lumang bahay na kanilang nabili.
“Papasukin talaga natin ang bahay na iyan? Ayoko nga! Baka mamaya ay kung ano pang dimonyo ang sumapi sa akin diyan. O kaya baka magkasakit pa ako!” galit na sambit ni Jonna.
Ngunit napilit din siya ni Noah na samahan siya nito sa loob ng lumang bahay.
Nang pasukin nila ang bahay ay halatang matagal na itong hindi natirahan. Maraming kalat, putik, dumi ng hayup, at halaman na ang tumubo sa loob nito.
“Kanino kayang bahay ito, ano? Sino kaya ang huling tumira dito?” tanong ni Noah.
“Aba, malay ko! Tara na, Noah, at hindi ko na kaya ang amoy dito sa loob ng bahay!” giit ng misis.
“Sandali na lang. Tara at pumanhik tayo sa taas. Nais kong makita ang bawat ng sulok ng bahay na ito bago natin ito ipagiba,” tugon ng ginoo.
“Mukhang marurupok na ang mga kahoy ng bahay na ito, Noah. Baka mamaya ay hindi na tayo kayanin at lumusot pa tayo at madisgrasya!” muling sambit ni Jonna.
Ngunit hindi nagpaawat muli ang ginoo. Dahil ayaw maiwan sa baba ay sumunod na rin si Jonna paakyat.
Nagulat sila sa kanilang nakita dahil kung ano kasi ang ginulo ng ibabang parte ng bahay ay siya namang ayos ng pangalawang palapag nito.
Sinilip isa-isa ng mag-asawa ang dalawang kwarto at may ilang gamit pang narito.
“Mukhang matatandang kagamitan na ang mga narito. Nakakatakot, Noah, umalis na tayo!” takot na takot na wika ng ginang.
“Sa tingin ko ay tama ka. Antique na nga ang mga ito. Kukuha ako ng ilang gamit upang ipasuri,” wika naman ni Noah.
Ganito nga ang kanilang ginawa at dinala ito sa isang eksperto sa mga lumang gamit.
Kinumpirma ng eksperto na mga antique na nga ang mga gamit. Ngunit labis silang nagulat sa sumunod na sabihin nito.
“Mahal ang mga halaga ng mga gamit na ito. Ang bangang ito pa lamang ay nagkakahalaga na ng tatlong daang libong piso!” saad pa ng lalaki.
Labis na nagulat ang mag-asawa dahil kung susumahin ay papatak ng humigit sampung milyon ang halaga ng lahat ng lumang gamit na kanilang nakuha.
“Pasensiya ka na kung hindi ako nagtiwala sa’yo nung una. Kung titignan mo kasi talaga ay tila walang halaga ang bahay at lupang ito. Mabuti na lamang ay sinunod mo ang iyong pakiramdam. Ngayon ay handa na tayo na magkaroon ng mga anak,” wika ni Jonna sa asawa.
“Sa totoo lang ay kahit saan naman tayo tumira ay ayos lamang sa akin. Basta kasama kita,” tugon naman ng ginoo.
Ginamit nila ang pinagbentahan ng mga lumang gamit upang ipaayos ang kanilang bahay. May mga gamit din silang itinira para ala-ala ng lumang bahay na kanilang nabili.
Nagpatayo sila ng malaki at magandang bahay na akma para sa bubuuin nilang pamilya. Dito ay masaya nilang bubuuin ang kanilang mga pangarap kasama ang kanilang mga anak.