Buo na ang Loob ng Isang Delivery Man na Kumapit sa Patalim; Hindi Niya Maisasakatuparan ang Plano dahil sa Isang Pangyayari

Naabutan ni Roy, isang delivery boy, ang kaniyang asawang si Mela na tila nababahala sa pagbibilang ng kanilang budget para sa linggong iyon. Bakas sa mukha ng ginang ang labis niyang pangamba.

“May problema ba, mahal?” bungad ni Roy sa misis.

“Wala naman, Roy. Hindi ko lang alam kung paano pagkakasyahin ang perang ito dahil may check up pa si baby sa makalawa. Hindi ba, sinabi ng doktor na kailangan niyang dumaan sa iba’t ibang pagsusuri para matingnan talaga ang kaniyang kalagayan? Tiyak kong kulang na kulang pa ito,” malumanay na pahayag naman ni Mela. 

“Pasensiya ka na, mahal. Hayaan mo titingnan ko kung makakabale ako sa amo ko. Matumal kasi ang mga delivery ngayon. Minsan din ay nagagahol ako dahil ang tagal akong siputin ng mga nag-order. Bukas na bukas ay gagawan ko ng paraan ‘yan,” tugon naman ng mister. 

“Ayos lang, mahal. Tatanungin ko na lang din ang mga kapatid ko at sina nanay at tatay kung mapapautang nila tayo,” wika pa ng ginang.

Kinabukasan ay agad na bumale ng sweldo sa kaniyang trabaho itong si Roy. Ngunit maging ang perang hawak niya ngayon ay hindi pa sapat para mapatingnan sa doktor ang kaniyang anak. 

Isinilang kasi ang anak nilang si Cassie na may problema sa kaniyang puso. Dahilan upang magkaroon ng espesyal na pangangailangang medikal ang sanggol.

Isang delivery rider sa isang online shop itong si Roy. Kada araw ay kailangan niyang makapagdeliver ng humigit sa isang daan upang sapat ang kaniyang kitain para sa panggastos nila sa susunod na araw. Pilit mang pagsumikapan ng ginoo ang kaniyang pagtatrabaho ay kulang na kulang pa rin para sa kondisyon ng anak.

Advertisement

“Ito lamang ang nahiram ko sa amo ko, mahal. Alam kong kulang pa ito pero gagawa pa ako ng paraan. Itabi mo na ito para hindi na magalaw,” sambit ni Roy sa kaniyang asawa.

“Nakahiram din ako kina nanay at tatay ng dalawang libo. Kailangan na lang nating paghandaan ay kung may gamot na kailangan si baby. Sana ay gumaling na siya. Nahihirapan din akong makita siyang ganito,” saad naman ni Mela.

Ngunit kinagabihan ay takot na takot na ginising ni Mela ang kaniyang asawa.

“Mahal, gumising ka. Si baby parang nag-iiba siya ng kulay. Bumangon ka at dalhin natin siya sa ospital!” nangangatog na sambit ng misis.

Halos bumalikwas sa pagkakagising itong si Roy at dali-daling binuhat ang anak at saka nila itinakbo sa ospital sakay ng kaniyang motor. Kahit anong bilis ng kaniyang pagpapatakbo ay parang mabagal pa rin sa kaniya.

Nang makarating na sila sa ospital ay agad na binigyan ng lunas ang kaniyang anak. Ngunit kailangan pa nitong manatili sa ospital dahil sa malubhang kalagayan nito.

“Roy, kailangan na daw operahan kaagad si Cassie. Saang kamay ng Diyos tayo kukuha ng napakalaking halagang kailangan nila? Ayokong masawi ang anak natin!” humahagulgol na sambit ni Mela.

“Tumahan ka na at ayusin mo ang sarili mo para kay Cassie. Aalis muna ako at gagawa ako ng paraan. Hintayin mo ako dito!” sambit pa ng ginoo.

Advertisement

Agad na nagtungo sa kaniyang mga kaibigan at kakilala itong si Roy. May mga ibang nagpautang ngunit ni wala pa ito sa halagang kailangan nila. Labis siyang naguguluhan at hindi na alam ang gagawin. Buhay na kasi ng kaniyang anak ang nakasasalay sa kaniyang palad.

Dahil wala ng pagpipilian ay nakaisip si Roy na gumawa ng masama.

“Ayos lang na makulong ako basta maipagamot ko ang anak ko. Diyos ko, gabayan mo ako. Hindi ko gusto ang gagawin ko ngunit wala na akong maisip pang ibang paraan. Iligtas niyo po ang anak ko habang ako’y nasa kulungan!” sambit niya sa sarili.

Tinanggap na ni Roy ang kaniyang sasapitin kung sakaling mahuli siya ng awtoridad.

Tinakpan niya ang plaka ng kniyang motor at kahit anong pagkakakilanlan nito. Nagsuot siya ng damit at takip sa mukha upang hindi siya makilala. At sa isang madilim ngunit abalang iskinita ay doon siya nag-abang ng kaniyang bibiktimahin. 

Nang makita niya ang isang babaeng nag-aabang ng masasakyan ay handa na siyang kunin ang bag nito. Maganda ang soot ng dalaga at halatang may kaya ito.

Nanginginig man sa takot ay mas nananaig ang kaniyang pagnanais na magkapera upang maipagamot ang anak. Nang handa na siyang patakbuhin ang motor at kuhain ang bag ay may isang sasakyang akma namang pahinto-hinto sa kaniyang gilid kaya hindi siya makaporma.

Sa pag-aalala na baka alam nito ang kaniyang binabalak ay tinignan niya ang nagmamaneho. Laking gulat niya nang makita ang isang matanda na tila nahihirapan sa kaniyang paghinga.

Advertisement

Biglang huminto ang sasakyan at tuluyan nang nawalan ng malay ang matanda. Agad niyang binasag ang salamin ng kabilang pinto upang mabuksan niya ang sasakyan. Nang maaari na siyang pumasok ay agad niyang inilipat ang lalaki sa kabilang upuan.

At mabilis na pinaandar ang sasakyan upang dalhin ang matanda sa ospital. Naiwan na sa iskinitang iyon ang kaniyang motor.

Pagdating sa ospital ay agad ding inasikaso ito ng mga doktor at nars. Inatake pala sa puso ang matanda.Mabuti na lamang at maagap kumilos itong si Roy at naisalba ang buhay ng nito.

Nang magkaroon ng malay ang matanda ay hinanap nito kaagad ang taong nagligtas ng kaniyang buhay. Nang malaman ng matanda ang kalagayan ni Roy at ng anak nito ay agad niya itong ginawan ng paraan.

“Ako nga pala si Dr. Jaime Romero. Ako ang may-ari ng ospital na ito. Bilang pasasalamat mo sa ginawa mong kabutihan sa akin ay nais ko sanang sagutin ang lahat ng gastusin sa operasyon sa puso ng iyong anak. Tanggapin mo ito bilang pagtanaw ko ng utang na loob,” sambit ng matanda.

Napaluhod na lamang si Roy sa labis na tuwa dahil sa kaniyang narinig.

Naalala niya ang plano sana niyang masamang gawin ngunit alam niyang ang Panginoon ang gumabay sa kaniya upang hindi ito matuloy.

“Maraming maraming salamat po. Hindi ko po alam kung paano kayo babayaran sa kabutihan niyo. Wala po akong gusto kung hindi gumaling na po ang anak ko! Maraming maraming salamat po!” walang patid sa paghagulgol si Roy.

Advertisement

Tuluyan na ngang naoperahan ang anak nina Roy at Mela na si Cassie. Ibinigay ang lahat ng pangangailangang medikal ng bata at mabuti itong inasikaso sa ospital.

Hindi naglaon ay gumaling na ito at pwede na itong iuwi.

Labis ang pasasalamat ni Roy at Mela sa kabutihang ginawa din ng matandang doktor.

Napatingin na lamang si Roy sa langit habang tumutulo ang luha. Baon niya sa kaniyang puso ang pagbibigay ng pagkakataon sa kaniya ng Poong Maykapal.