Nagulat ang Mangingisda nang Biglang Nagsalita ang Nahuling Isda; Pabuya Pala ang Handog Nito Kapag Ito’y Pakawalan

Si Tasyo at ang kaniyang asawa ay nakatira sa Sitio Maliwanag. Ang kanilang bahay ay nakatayo malapit sa dalampasigan kaya ang pangunahing ikinabubuhay niya ay ang pangingisda.

Kahit ang mga kapitbahay niya ay sa dagat kumukuha nang ipapakain sa kani-kanilang mga pamilya.

Isang araw ay nagpaalam si Tasyo sa asawang si Delen na manghuhuli siya ng mga isda sa laot.

“Mahal ko, mangingisda lang ako. Ikaw na muna ang bahala rito sa bahay,” wika niya sa kaniyang maybahay.

“Mag-iingat ka mahal,” sagot naman ni Delen.

Habang nasa laot at naghihintay nang mahuhuling isda, sandaling naupo si Tasyo sa gilid ng bangka. Maya-maya ay naramdaman niya na may nahuli na siya.

Tuwang-tuwa ang lalaki nang may nabingwit siyang isang malaking isda. Nang ilagay na niya ito sa buslo ay bigla itong nagsalita na labis niyang ikinagulat.

“Huwag!” sabi ng malaking isda.

Advertisement

Muntik nang mahulog sa bangka si Tasyo sa labis na pagkagulat.

“Pakiusap, ibalik mo ako sa tubig at ibibigay ko ang lahat ng ibig mo!” wika ng isda.

Nang mahulasan si Tasyo, ay lakas-loob niyang tinanong ang malaking isdang nahuli niya. “Ano ka ba, impakto o maligno?”

“Hindi ‘no! Hindi ako impakto o maligno, ako ay alagad ng mga sirena na naatasang magbantay rito sa dagat. May kapangyarihan ako – mahika! Kaya ibalik mo ako sa tubig at ipagkakaloob ko sa iyo ang hihilingin mo!” pakiusap nito.

Dahil sa sinabi ng isda ay biglang naalala ni Tasyo ang dampang tinitirhan nila ng kaniyang asawa. Lagi itong inirereklamo ni Delen dahil bukod sa maliit iyon ay ubod pa ng init. May nabuong ideya sa isip ng lalaki.

“Talaga? Ipagkakaloob mo sa akin ang anumang hilingin ko? Sige, nais ko ang isang malaking mansyon para sa aming mag-asawa,” sabi niya sa isda.

“Iyon lang ba ang hiling mo? Sige at masusunod. Umuwi ka na at makikita mo ang malaking mansyong gusto mo!” wika ng isda na kaagad naman niyang ibinalik sa tubig.

Dali-dali siyang bumalik sa pampang at agad na umuwi. Laking gulat niya nang makita kung ano ang kaniyang nadatnan. Hindi lang mansyon kundi tila palasyo ng hari sa ganda ang nadatnan niya.

Advertisement

“T-totoo nga! May kapangyarihan nga ang malaking isdang iyon. Hindi na ako aawayin ni Delen. Malaki na ang bahay namin na ubod pa ng ganda!”

Gulat na gulat ang asawa niya sa nangyari. Ikinuwento niya rito ang natupad niyang hiling dahil sa malaking isdang nahuli niya sa laot. Ang akala niya ay makukuntento na ito ngunit hindi pa pala. Hindi pa rin nasiyahan ang kaniyang maybahay.

“Hulihin mo uli ang isda, mahal ko. Sabihin mong walang mga kasangkapan dito sa mala-palasyo nating bahay. Dapat ay iyong magagandang mesa, silya, kama at mga dekorasyon. Samahan na rin niya ng mga mamahaling mga alahas,” hayag ni Delen.

Palibhasa’y takot sa asawa, bumalik si Tasyo sa dagat at muling namingwit.

“Sana’y huwag ko na siyang mahuli para hindi na ako makahiling pa. Nakakahiya naman ang asawa ko,” bulong niya sa sarili.

Nagkataong lumalangoy pala sa malapit ang malaking isda at nang makita siya ay bigla itong lumukso sa bangka.

“Ano, kaibigan, nagustuhan niyo ba ang bago niyong bahay?” tanong nito.

“Oo, gustung-gusto namin. Maraming salamat ha! Ngunit nakikiusap ang asawa ko, kung maaari raw na bigyan mo kami ng mga magagandang kasangkapan at mamahaling mga alahas?” nahihiyang tanong ng mangingisda.

Advertisement

“O, sige. Bumalik ka na sa inyo at naroon na ang mga hiniling ng asawa mo.”

Natitiyak ni Tasyo na matutuwa na ngayon si Delen. Malaking biyaya na talaga ang ibinigay sa kanila ng isda. Pagdating niya sa kanilang bahay ay sinalubong agad siya ng asawa sa pintuan.

“Balikan mo uli ang isda at humiling ka naman ngayon ng magagandang kasuotan, magarang kotse at limpak-limpak na pera. Nais kong makita ng lahat ng tao rito sa ating bayan na tayo ang pinakamayaman dito!” utos ng babae sa kaniya.

Dahil alam ng asawa niya na hindi siya sumusuway sa lahat ng gusto nito ay agad niya itong sinunod.

Hiyang-hiya si Tasyo nang humarap uli sa malaking isda na madali niyang nakita sa pampang.

“Nakakahiya sa iyo…” halos hindi niya maibuka ang bibig. “ngunit may hinihingi na naman ang asawa ko…”

Muli niyang sinabi ang kahilingan ni Delen.

Matagal na hindi sumagot ang isda, parang nag-iisip. Maya-maya ay biglang nagsalita.

Advertisement

“Ngayon ay alam ko na kung anong uri ng pagkatao mayroon ang iyong asawa. Isa siyang sakim at mapaghangad na babae. Hindi siya marunong mahiya at makuntento sa mga bagay na mayroon siya.

Dahil sa kaniyang kasakiman ay parurusahan ko siya. Babawiin kong lahat ang naibigay ko na sa kaniya!”

Lumukso sa tubig ang isda at matuling lumangoy palayo.

Lulugo-lugong umuwi si Tasyo at laking gulat niya nang makitang nakaupo sa hagdang kawayan ang kaniyang asawa at umiiyak dahil ang malaki at mala-palasyong bahay nila kasama ang mga magagandang kasangkapan at mamahaling mga alahas ay naglahong parang bula. Nagbalik muli sa simpleng dampa ang kanilang tirahan.

Ikinuwento ni Tasyo kay Delen ang kaparusahang iginawad ng isda. Lubos naman ang pagsisisi ni Delen kung bakit pa siya naghangad ng labis sa ibinigay ng mahiwagang isda. Ngayon tuloy ay balik sila sa pagtitiis sa maliit, masikip at mainit nilang tirahan. Kung nakuntento lamang sana si misis!