Naiwan ng Matandang Babae ang Kapares ng Kaniyang Sapatos; ‘Pag-Ibig’ Pala ang Mahahanap Niya Dahil sa Nangyari

Naiwan ng Matandang Babae ang Kapares ng Kaniyang Sapatos; ‘Pag-Ibig’ Pala ang Mahahanap Niya Dahil sa Nangyari

InspiringLoveStories

“Lalabas na naman kayo? Dapat sa edad niyong ‘yan ay pumipirmi na lang kayo dito sa bahay!” inis na sabi ni Sally sa tiyahing si Delilah.

“Aba’y ano ba ang balak mo, buruhin ako rito? Mas gusto ko pa ang lumabas para makalanghap ng sariwang hangin kaysa naman dito sa bahay na para akong preso na palaging nakakulong,” sagot ng matandang babae.

Sisenta y dos anyos na si Delilah at walang asawa. Matandang dalaga ang babae kaya pakiramdam niya ay palagi siyang malungkot kahit pa nariyan ang pamangkin niyang si Sally na anak ng yumao niyang kapatid. Mula nang pumanaw ang mga magulang ni Sally ay siya na ang nag-aruga sa kaniyang pamangkin, kaya nga hindi siya nakapag-asawa.

Ang problema sa kaniyang pamangkin ay masyadong mainitin ang ulo nito, maikli ang pasensiya at may pagka-suplada kaya minsan ay hindi sila nagkakasundo. Dahil may katigasan din ng ulo si Delilah ay sinuway niya ang pamangkin at lumabas siya sa kanilang bahay. Gusto niyang maglakad-lakad at mamasyal. Dinala siya ng kaniyang mga paa sa isang parke.

“Ang sarap sa pakiramdam na makalanghap ng sariwang hangin,” bulong ni Delilah habang inuunat ang mga braso.

Nang biglang may napansin siya.

“Ay, ang guwapo naman ng binata!”

Nakita niya ang isang guwapong lalaki na nag-eehersisyo sa parke. Nag-uunat ito ng mga braso at tangkang tatakbo para mag-jogging nang biglang nakaramdam ito ng pamumulikat sa binti kaya napaupo ang lalaki sa damuhan at namimilipit sa sakit.

“Aray kupo! Ang sakit ng binti ko!”

Dali-daling nilapitan ng matanda ang lalaki.

“Bakit, hijo? Ano’ng nangyayari sa iyo?”

“Bigla ho kasing sumakit ang binti ko. Pinupulikat yata ako,” tugon ng lalaki na namimilipit pa rin sa sakit.

“Huwag kang mag-alala, hijo, ako ang bahala riyan. Relax ka lang.”

Dahan-dahang hinilot ni Delilah ang sumasakit na binti ng lalaki. Unti-unti namang umaliwalas ang mukha nito nang maramdamang nawawala na ang sakit.

“Wow, ang galing niyo naman ho, lola. Paano niyo ho nagawa iyon?” manghang tanong ng binata na mas lalong gumuwapo sa pagkakangiti.

“Dati akong manghihilot, hijo, kaya alam ko ang mga ganyan. Ano, maayos na ba ang pakiramdam mo?”

“Okay na ho ako, lola. Maraming salamat! A-ano nga ho pala ang pangalan niyo?”

Akmang sasabihin ni Delilah ang pangalan sa binata nang biglang bumuhos ang malakas na ulan. Wala pa naman siyang dalang payong. Siguradong kagagalitan na naman siya ng kaniyang pamangkin kaya kailangan na niyang makauwi agad. Ipinandong niya sa ulo ang bitbit na balabal para pananggalang sa ulan.

“Pasensiya na, hijo, pero kailangan ko nang umalis, eh,” wika ng matanda at nagmamadaling umalis.

“S-sandali lang, ano ho ang pangalan niyo?” sigaw ng lalaki.

Sa sobrang pagmamadali ay naiwan niya ang kapares ng suot na sapatos. Nakita naman iyon ng lalaki at agad na dinampot.

“Ano kaya ang pangalan niya?” tanong nito sa isip habang hawak ang sapatos na naiwan ni Delilah.

Pagdating ni Delilah sa bahay ay napansin niyang wala ang kapares ng sapatos niya.

“Naiwan ko ang kapares ng aking sapatos!”

Maya-maya ay bumungad ang pamangking si Sally at pinamewangan siya nito.

“Ang tigas kasi ng ulo niyo, eh, Nabasa tuloy kayo ng ulan. Ayaw niyo kasing makinig sa akin!” singhal nito.

Imbes na makipagtalo ay hinayaan na lamang niya na magsalita ang pamangkin at dumiretso na siya sa kwarto para magpalit ng damit.

Samantala, sa bahay ng lalaking tinulungan ni Delilah kanina ay may kausap itong isang matandang lalaki na nakaupo sa tumba-tumba.

“Harry, apo, saan ka galing at basang-basa ka?” tanong ng matanda.

“Sa parke ho, lolo. Nabasa kasi ako ng ulan, eh. Alam niyo ho, kanina habang nag-eehersisyo ako ay biglang sumakit ang aking binti, mabuti na lamang at tinulungan ako ng isang matandang babae at hinilot ang aking binti. Tinanong ko ang pangalan niya kaso biglang umulan nang malakas at nagmamadali siyang umalis. Naiwan nga ho niya itong kapares ng kaniyang sapatos,” sagot ng binata at ipinakita sa matanda ang sapatos.

Laking gulat nito nang mapagmasdang mabuti ang sapatos.

“Pamilyar ang sapatos na ‘yan. H-hindi ako maaaring magkamali, a-ako ang gumawa at nagdisenyo ng sapatos na ‘yan! Tandang-tanda ko pa ang mga materyales sa paggawa niyan. Iisang babae lang ang pinagkalooban ko ng sapatos na ‘yan. Bukas ay samahan mo ako sa parke, apo. Siguradong hahanapin ng may-ari niyan ang sapatos.”

Hindi naman mapakali si Delilah dahil nawawala ang kapares ng sapatos niya.

“Kailangang mahanap ko iyon. Mahalaga ang sapatos na iyon sa akin,” sambit niya sa isip.

Pupuntahan niya ang parke kung saan niya naiwan ang sapatos. Hahanapin niya iyon, baka mahanap pa niya sa parke ang kapares ng sapatos niya.

Pababa na siya sa hagdan nang harangin siya ni Sally.

“Saan na naman kayo pupunta, Auntie?”

“Sa parke. Naiwan ko roon ang kapares ng sapatos ko kahapon sa sobrang pagmamadali kong umuwi rito. Kailangan kong mahanap ang sapatos dahil ibinigay iyon ng isa sa pinakaimportanteng tao sa buhay ko. Parang awa mo na, hija, palabasin mo na ako!” pakiusap niya.

Naawa naman sa kaniya ang pamangkin. Kahit naman mahigpit ito sa kaniya ay mahal na mahal siya ni Sally kaya pinayagan siya nitong makaalis. Alam ng pamangkin niya kung gaano kahalaga sa kaniya ang nawawalang kapares ng sapatos.

Narating niya ang parke. Nagmamasid-masid siya sa paligid at sa bawat madaanan, nagbabakasakaling makita niya ang hinahanap nang biglang may nagsalita sa likuran niya.

“Lola, lola!”

Paglingon niya ay nakita niya ang guwapong lalaki na tinulungan niya. Nagulat siya dahil may kasama itong matandang lalaki na hawak-hawak ang kapares ng kaniyang sapatos.

“Delilah? ‘Di ko akalaing magkikita uli tayo,” bungad ng matandang lalaki.

“A-Alejandro? Ikaw nga!” gulat na sambit ni Delilah na hindi napigilang maiyak nang makita ang lalaki.

Nilapitan siya nito at mahigpit na niyakap.

“Kaytagal na panahong kitang hinanap, Delilah. Mahal na mahal pa rin kita.”

“Ako rin, Alejandro. Mahal na mahal pa rin kita. Ikaw ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi ako nag-asawa. Iningatan ko rin ang ibinigay mong sapatos dahil alam kong balang-araw ay magkikita tayong muli.”

Sina Delilah at Alejandro ay dating magkasintahan na pinaghiwalay ng pagkakataon. Nakatakda na sana ang kanilang kasal nang biglang masawi sa isang aksidente ang kapatid ni Delilah at asawa nito at naiwan sa kaniya ang pamangking si Sally. Pinili niya na hindi ituloy ang kasal. Isinakripisyo niya ang sariling kaligayahan para alagaan at buhayin ang pinakamamahal na pamangkin. Sa labis na kalungkutan ay lumayo si Alejandro at nagpunta sa ibang bansa. Mula noon ay hindi na nagkita pa ang dalawa.

Itinago at iningatan ni Delilah ang sapatos na ibinigay ni Alejandro dahil iyon ang simbolo ng pangarap nila noon, ang makapagpatayo ng sarili nilang pagawaan ng sapatos. Mahilig sa mga sapatos si Delilah at mahilig naman sa paggawa at pagdidisenyo ng mga sapatos ang kasintahan. Ang hindi niya alam ay hindi nakalimot si Alejandro, siya pa rin ang nasa puso at isip nito kaya bumalik ito sa Pilipinas, nagbabakasakali na muli siyang makita at iyon nga ang nangyari.  

“Apo mo pala ang binatang ‘yan, Alejandro? ‘Di ko inasahan na siya pala ang magdadala sa akin para muli kang makita, mahal ko. I-ibig sabihin ay…”

“Hindi, Delilah. Hindi rin ako nag-asawa gaya mo. Binata pa rin ako. Si Harry ay anak ng aking pamangkin na sumakabilang-buhay na rin, kaya ako na ang nag-alaga sa kaniya mula pa noong bata pa siya. Hindi ko nagawang umibig sa iba dahil ikaw lang ang nag-iisang babae sa puso ko.”

At muling nagyakap ang dalawa na tanda ng kanilang pagmamahalan.

Sinuportahan naman nina Sally at Harry ang pag-iibigan nina Delilah at Alejandro. ‘Di nagtagal ay ikinasal sila at nagsama na kapiling ang isa’t isa kahit nasa dapit hapon na sila ng kanilang buhay.

Wala talagang imposible pagdating sa pag-ibig. Pilit na pagtatagpuin ng kapalaran ang dalawang pusong itinadhanang magmahalan. Parang sapatos na hindi maaaring magamit kung wala ang kapares nito.

More Stories