Magkasamang Nangarap ang Magkasintahan, Ngunit Biglang Nag-iba ang Lahat Nang Mangibang-bansa ang Babae

Magkasamang Nangarap ang Magkasintahan, Ngunit Biglang Nag-iba ang Lahat Nang Mangibang-bansa ang Babae

HeartbreakingLoveStories

“Kapag nasa abroad na ako mahal, hinding-hindi na tayo mahihirapan. Magpapatayo tayo ng sarili niting bahay iyong malaki para kasya ang kaniya-kaniya nating pamilya. Gusto ko may swimming pool para hindi na natin kailangang pumunta sa beach, at gusto kong may aircon ang loob ng bahay natin para hindi ganito kainit,” wika ni Alice. Punong-puno ito ng pangarap sa isipan.

“Pareho nating tutuparin iyan mahal ko,” sagot naman ni Christian sabay yakap at halik sa kaniyang noo.

Pitong taon na rin ang relasyon nilang dalawa. Sa katunayan ay marami na silang pinagdaanan ngunit laking pasasalamat sa Diyos ay magkasama pa rin sila. Ngayon nga ay hinihintay na lamang ni Alice ang kaniyang pag-alis patungong Singapore. Natanggap siya bilang executive assistant ng malaking kumpanyang pinag-apply-an niya roon at balak nga nilang dalawa Christian na sumunod ito sa kaniya upang magkasama pa rin sila.

Mabilis na lumipas ang panahon ay patuloy pa ring nabibigo si Christian na masundan si Alice sa bansa kung nasaan ito ngayon.

“Bakit naman kasi palagi ka na lang bumabagsak mahal,” tanong ni Alice sa kabilang linya.

“Hindi ko alam! Hindi ko na nga maintindihan kung ano pa ba ang kulang sa’kin. Baka hindi ko talaga kapalaran ang Singapore, mahal. Magta-tatlong taon ka na rin naman d’yan ang mas maigi pa ay umuwi ka na lang dito sa ‘Pinas, at dito natin ipagpatuloy ang buhay nating dalawa,” mahabang wika ni Christian.

“Ano? Hindi pwede, mahal. Alam mo naman kung anong klaseng hirap ang ginawa ko mapasa’kin lang ang posisyon na ito, tapos ngayon gusto mo lang akong umuwi sa Pinas? Parang sinabi mo na rin na sayangin ko ang pinaghirapan ko,” inis na wika ni Alice.

“Anong gusto mong gawin ko? Hindi ako matanggap-tanggap kahit anong gawin ko. Miss na miss na kita. Tatlong taon na ang lumipas, hanggang ngayon ay naririto pa rin ako. Mamili ka Alice, ang pangarap mo d’yan o ako?” Desididong wika ni Christian.

“Huwag na huwag mo akong papipiliin Christian, dahil ngayon pa lang, sinasabi ko na sa’yong pangarap ko ang pipiliin ko. Kaya nga sinisikap kong makapunta ka rito ‘di ba? Para magtulungan tayong abutin ang pangarap natin…” mangiyak-iyak na wika ni Alice.

Lagi na lamang silang nag-aaway at hindi na magkasundo. Tuluyan na ring nawalan ng pag-asa si Christian na makakapunta pa siya sa bansa kung nasaan ang kaniyang pinakamamahal.

Kung noon ay hindi nila matiis ang isa’t-isa. Ngayon ay halos wala na silang pakialam. Tatlong linggo na ang nakakalipas mula noong huli niyang nakausap si Alice. Kung noon ay hindi na siya agad mapakali, ngayon ay parang wala na sa kaniya.

Lumipas pa ang tatlong buwan. Hindi na kailanman tumawag sa kaniya si Alice. Alam niyang nasa mabuting sitwasyon ito at baka nais na muna nito ng distansya kaya hindi rin siya gumagawa ng paraan upang makausap man lang ito.

“Hoy! Christian, wala na pala kayo ni Alice?” tanong ng kaibigan niyang si Jose.

“Kami pa rin. Bakit?” Salubong ang kilay na wika ni Christian.

“Tingnan mo ang Instagram niya,” wika ni Jose, sabay abot sa kaniya ng selpon nito. “In relationship with David Chao. Tingnan mo oh! Ang sweet pa nga nila,” dugtong pa nito.

Hindi makapaniwalang tinitigan ni Christian ang mga sweet photos ni Alice at sa lalaking kahalikan nito, kaakbay at kayakap.

“Ibig sabihin hindi mo alam ‘to?” mahinang sambit ni Jose.

Kinagabihan ay tinawagan niya si Alice. Kahit mahal ang long distance call ay walang pakialam si Christian. Dahil ang nais niya’y linawin mismo kay Alice ang lahat ng nakita niya.

“Ang buong akala ko’y kailangan mo lang ng distansya kaya hindi rin ako gumagawa ng paraan upang makausap ka. Sana naman Alice, nakipaghiwalay ka muna sa’kin bago ka nakipag-relasyon d’yan. Akala ko ba sabay nating tutuparin ang mga pangarap natin, pero bakit biglang nag-iba ka ng direksyon?” tumatangis na wika ni Christian.

“Napagod na siguro akong hintayin ka, Christian,” humihikbi ring sagot ni Alice.

“Napagod ka? Napagod kang hintayin ako kaya naghanap ka nang iba?! Ako ba Alice, hindi ba ako nakakaramdam ng pagod? Napapagod rin ako lalo na kapag nire-reject ako ng mga ina-apply-an ko. Napapagod akong mag-asikaso ng kung ano-ano para lamang masundan ka d’yan, pero naghanap ba ako ng iba?” patuloy sa pag-iyak na wika ni Christian.

“Patawarin mo ako, Christian.”

“Sampung taon ang sinayang mo dahil lang napagod ka, Alice. Pasensiya ka na kung pinagod kita. Hayaan mo, simula ngayon. Hindi ka na mapapagod nang dahil sa’kin,” wika ni Christian saka ibinaba ang tawag.

Kailan pa napagod ang totoong nagmamahal? Walang perpektong pagmamahalan, pero hindi sapat ang salitang napagod upang iwanan mo ang taong nakasama mo ng matagal. Ngunit sadyang iba-iba ang pananaw ng bawat tao sa pag-ibig.

Kahit sobrang sakit ng nararamdaman niya ngayon ay alam niyang lilipas rin iyon. Sabi nga ng karamihan, kung talagang mahal mo ang isang tao ay palalayain mo. Kung talagang mahal mo, hindi mo pahihirapan. ‘Di baleng ikaw na ang masaktan at mahirapan, huwag lang ang taong mahal mo.

Hindi nga siguro si Alice ang babaeng nakalaan para sa kaniya. Ngunit hangad niya pa rin ang kaligayahan nito sa piling ng iba… kahit na nasasaktan man siya.

More Stories